Pamamalantsa at mga Alaala

Noong Sabado ng hapon, napilitan na talaga akong magplantsa dahil mahigit isang buwan na akong hindi nakapag plantsa ng aking mga damit panlakad. Wala na akong maong na maisusuot kapag naisip kong lumabas at maglakwatsa.

Isinalang ko ang CD ni Regine Velasquez sa player para naman may background music ako habang namamalantsa. Ang CD na itinago sa akin nga aking kakwarto dahil daw baka pagtawanan ko sya pag nalaman kong nakikinig sya ng mga kanta ni Regine (sapagakat puro maiingay ang mga musikang pinapakinggan ko). Hindi nya alam na isa rin akong masugid na taga hanga.

Noong una ay pakanta kanta pa ako at sinasabayan ko ang mga awitin nya. Isinasabay ko sa bilis at bagal ng mga kanta ang pag urong sulong ng plantsang hawak ko at ako ay napapa kembot pa.

Ito ang itsura ng kwarto ko. Wag kalimutan ang electric fan sa gilid at ang mga paintings ng kawayan sa dingding.

Pasayaw sayaw pa ako sa kantang Urong Sulong at feeling diva habang On the Wings of Love na ang nakasalang. Nakaguhit sa isip ko si Regine na nakaharness habang sya ay bumababa sa stage na kala mo ay talagang lumilipad sya. Bulaklakin pa ang gown at may pakpak na parang pang diwata ang kanyang kasuotan. Kinilig naman ng kaunti ng marinig ang Kailangan Ko’y Ikaw ng maalala ang palabas nila ni Robin Padilla. Halos magasgas noon ang DVD na nirentahan ko sa Video City dahil ilang beses ko itong pinanuod.

Nagsimula ang pagiging emotera ko nung marinig ko ang kanyang bersyon ng Bituing Walang Ningning. Biglang bumalik sa aking isip ang mga panahong ako ay namamalantsa ng uniporme ng aking mga kapatid at mga maong ni papa. Ganun din ang mga baro ni mama. Noong mga panahong iyon na wala pa akong trabaho at wala pang maiambag kundi ang gawin ang mga gawaing bahay. Wala din akong mabili para sa sarili ko at hiyang hiya ako sa mga magulang ko na manghingi ng pambili dahil hindi pa naman ako makatulong. Gumuguhit sa aking isipan ang palabas ni Sharon Cuneta na ilang ulit ng nireplay sa telebisyon. Nakahawak ang kanyang dalawang kamay sa mala rehas na bintana, nakatanaw sa langit at sabay sambit na bukas luluhod ang mga tala.  Dagdag pa rito ng marinig ko ang kantang Narito Ako. Maluluha luha na ako. Naalala ko ang mga panahong wala na ngang trabaho, wala pang buhay pag ibig. Aray!

Sumunod namang kumurot sa dibdib ang kantang Kung Maibabalik Ko Lang. Dito naman nagbalik ang alaala ng unang naging pag ibig at ang mga kasawian (ayeee mahabang kwento hindi ko na isasali dito).

Napansin ko na lang na ako ay napapagod na at halos dalawang oras na akong nagpaplantsa at nag eemote kaya ako ay natauhan at binilisan ko na.

Siguro kung papakinggan ko pa lahat ng kanta ni Madame Regine ay mas marami pa akong maalalang mga masaya at malungkot na mga bagay at mga pinagdaanan. Isa syang kinatawan ng musika na kinalakihan na natin at nakapg-relate tayo ng napakaraming pangyayari sa ating buhay sa halos lahat ng kanyang awitin.

Ikaw, ano ang awiting kumukurot sa puso mo? 🙂

Sa Paglipad ng Aking Utak

Habang sinusulat ko ito ay kasalukuyang akong nakaupo  sa harap ng lupon ng sampung tao na nagpupulong upang pag usapan ang isyung pinansyal ng aming kumpanya. Habang nagpapaliwanag si big boss at nakikinig ang lahat, bigla namang  lumipad ang aking isipan. Inisip ko kung ano ang itsura nitong mga kaharap ko kung sila ay magiging karakter sa komiks. At dito na nagsimula ang kalokohan ko. 🙂

Ipapakilala ko sa inyo ang ilan sa mga miyembro ng Kurbata Gang. Sila lamang ang aking naiguhit dahil sila ang mga nakaupo sa aking harapan kung kayat sila ang naging sentro ng aking makalokohang pagtingin.

 Ang nasa kaliwa ay si Kurbata Kid. Isa sya sa pinakabatang miyembro ng Kurbata Gang. Sa pulong na ito, sya ay nakikinig lamang at nag tsa-tsaa. Wala syang kontribusyon masyado sa araw na ito.

Katabi naman ni Kurbata Kid, si Alahas Kid. Marami syang ginto at accessories sa katawan kaya ko sya tinawag na alahas kid. Sya naman ay tahimik sa pulong pero nakakapag ambag sa usapan.

Si Labo naman ang nasa kanan ni Alahas Kid. Si Labo ay madaldal at nakakairitang talaga.

Kahuli hulihan naman ay ang bagong hirang na Prinsipe ng mga Kurbata. At dahil bago pa lamang sya ay inoobserbahan nya pa lang kami.

 Sa pagpupulong na ito, mangilan ngilan lang ang nagsasalita kung kaya’t iniisip ko na baka tulad ko, ang iba sa kanila ay kalokohan din ang naiisip. Iba’t iba ang itsura ng mga taong nasa pulong at ang reaksyon nila sa bawat diskusyon. May ibang nakatulala lang at nagmamasid sa mga nagsasalita, may iba namang bida ng bida at wala naman talagang alam. Meron namang tahimik pero syang nakakaalam ng mga bagay bagay at meron din namang nakikitawa lang. May ilang hindi nakakaintindi ng salitang “sarcasm” at may mga ibang walang pakialam. Meron ding nagmamadali na matapos ang pagpupulong na animoy masyado syang abala sa kanyang iba pang gagawin at akala mo’y ang kanyang trabaho ay isang bagong silang na anak na pinananabikan nyang makapiling.

Habang lumalamig ang aking kape sa loob ng silid ay patuloy din ang pagdugo ng aking tenga sa  pakikinig sa mga taong “minu-murder” ang wikang ingles at sa tingin ko ay kaylangan munang bumalik sa pag aaral at itatak sa isip ang kahalagahan ng grammar.

Nabasag naman ang aking paglipad dahil sa isang babaeng walang ginawa kung hindi magpadala ng mensahe upang ihabol ang papeles nyang pinapapirmahan. Dahil iisa lamang ang gagawin nya sa buong maghapon (at iyon ay ipaalala sa akin na kelangan nya ang dokumento nya ngayon) ay wala syang ibang ginawa kundi tawagan ako o padalhan ng mensahe ng pagpapaalala upang ipakita na meron syang ginagawa. Nawala ako sa konsentrasyon kaya dito na magtatapos ang aking kwento. Ipapakilala ko muna  sya bago pa matapos ang lahat.

 

Sya si Yosi Girl. Dahil wala syang magawa sa opisina sa buong maghapon ay suki sya ng aming bakuran at nangunguna sa pagbuga na parang tambutso at isa sya sa nag aambag sa polusyon ng sangkatauhan. Sya at ang kanyang usok. Wala syang ginawa sa maghapon kung hindi manigarilyo at makipag kwentuhan at pagbalik naman sa opisina ay makinig ng musika.

 At dahil ako ay isang abalang tao sa opisina, napakaiksi ng oras ko para gumawa ng mahabang kwento kaya dito nagtatapos ang maikling istorya para sa araw na ito. Hanggang sa muli 🙂

Pag-alala sa Martial Law

Hindi ako mahilig sa pulitika. Ni hindi ako nagbabasa ng mga artikulo patungkol sa mga ito at hindi ko inalala masyado ang mga tinuro sa eskwela dahil hindi talaga ako interesado.

Sa pagbukas ko ng facebook ay may bumungad sa akin na mga larawan at status na pumapatungkol sa pag alala sa deklarasyon ng Martial Law. Iba’t ibang opinyon, natural dahil iba’t iba ng paniniwala.

Hindi pa ako ipinapanganak noong dineklara ang Martial Law. Isa akong pangahas kung sasabihin kong may alam ako sa mga nangyari, o maghahayag ako ng opinion na parang alam ko ang lahat. Pero napakaraming katanungan at palaisipan na hanggang ngayon ay hindi pa din alam ang tamang kasagutan.

Maraming nagsabi na napakahigpit ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos. Bukod sa kanyang kahigpitan, ay umabuso pa ang kanyang mga tauhan. Hindi nya naman mababantayan ang galaw ng bawat isa sa mga ito. Umabuso sila dahil nabigyan sila ng kapangyarihan. Sa panahon ngayon, malaya ang lahat. Andyan ang tinatawag na demokrasya. Lahat may kapangyarihan magsalita ng nais nila, ginagawa ang gusto nila, pero nasaan ang Pilipinas ngayon? Maya’t maya may rally ang mga grupong nais maghayag ng kanilang paniniwala, pero may nangyayari ba? Walang masama sa demokrasya, pero dapat may limitasyon. Wala ding masama sa pagiging mahigpit, kung alam din kung hanggang saan ang limitasyon.

Kurakot daw si Marcos (o sabihin na nating ang kanyang mga kamag anak at tauhang abusado), pero magkano ang palitan ng peso sa dolyar noon? Ikumpara mo din sa palitan ngayon.

Ang sabi nila’y si Marcos daw ang nagpatumba kay Benigno Aquino na syang nag umpisa ng kanyang pagbagsak. Sinong makapagpapatunay?

Bilang isang pinuno, hindi ganoon kadali magdesisyon. Oo, kailangang unahin ang kapakanan ng mamayan pero napakaraming bagay ang dapat isa alang alang sa bawat desisyon at maraming dapat isakripisyo para maabot ang minimithi. Maraming tao ang nakakaapekto sa bawat desisyon, at maraming desisyon ang hindi napapatupad ng tama.

Sa mga patuloy na nagsasaliksik, mahanap nyo sana ang tama. Sa mga patuloy na bumabatikos, sana alamin nyo muna kung ano ang tama. At para sa mga nagsasabing hindi na dapat magkaroon pa ng Martial Law, ikumpara nyo ang Pilipinas noon at ngayon sa lahat ng aspeto ng pamumuhay mula sa ekonomiya ng bansa hanggang sa moral ng sambayanan. Timbangin nyong maigi.

Sa ika sandaan at walong taong anibersaryo ng Pamantasang Utak ang Puhunan – Mabuhay ka

Pagbabalik tanaw ng isang Isko.

PUPCET

Kaba-kaba-kaba!

Madaling araw pa lang ako ay naglakbay na papuntang Sta. Mesa kasama ang aking butihing ina. Dala ang bag na may lamang ilang lapis, ballpen, tinapay, mansanas, tubig at zesto. Hindi pwedeng magutom. Baka hindi gumana ang utak. Maraming tanong. Maiksi ang oras. Iwanan na ang mga tanong na nanghihingi ng solusyon. Pag isipan ang kasunod na litrato sa pattern. Sino ang kauna unahang Pilipinang nanalo sa Ms. Universe. Bilisan. At talasan ang isip. Papasa kaya?

Enrollment

Kasama ko pa din ang aking butihing ina. Hindi pa ako sanay sa Maynila. Ang haba ng pila. Pasikot sikot ang proseso. Ako ay nahihilo.

Pasukan na!

Bagong kamag aral. Bagong kaibigan. Bagong ballpen. Bagong papel.

Hasmin Building

Dahil sa aming kurso, iba ang aming building. Mas maliit at mas tahimik. May uniporme na parang kami ay hayskul pa. Pero pagtungtong ng ikatlong taon, kami naman ay nakapang opisina na. Dahil malayo kami sa main campus, kelangan pa naming mag tricycle papunta don kapag may mga minor subject na doon naka base sa main. Tulad ng P.E. at iba pa. Mahirap mag tricycle, lalo na kung walang bubong at wala ding sandalang bakal sa likod. Paano ako kakapit manong?

Jeep

Hindi ka isko kung hindi mo naranasang sumakay sa patok na patok at bumabangking na jeep ng bagets na bagets na si manong at ng kanyang poging poging kundoktor.

 

Human Rainbow

Kasali ako dun. At ako ay kulay asul. Sa aking alaala ito ay para sa sentenaryo.  Hindi ko makakalimutan yan sapagkat ako ang ingat yaman ng klase at napakahirap mangulekta ng perang pambayad sa t shirt at sombrero. “ Hwag nyo muna labhan” ika ni ma’am, “baka kumupas, saka na lang.”

Unli Goto

Hindi ko yan natikman. -__- Hindi ako makasinget. Hanggang kwek kwek na lang ako. Balita ko ngayon, uso na daw ang Angry Balls?

Pila sa pagbabayad ng tuition fee

Wala ng hihigit pa. Alam mo kung ano ang sinasabi ko. Isa lang ang pipila, pero maya maya, buong klase na ang nakasinget sa harap mo. Unahan base to! Save mo ko!

Tuition fee

Tuition fee namin sa buong semester, baka baon mo lang sa isang araw ate!

Baha

Limang piso para itawid ka ni manong sa mga batong malalaki na ginawa nyang tulay para hindi ka lumubog sa tubig.

Tren

Ayan na ang tren!!! Bawal na tumawid!!! Kapag mahuhuli ka na sa klase, iyan na ang tinatawag na agaw buhay moments 🙂

LRT

Sa mga tulad kong ruta ay pa Santolan, salamat sa LRT at sa iyong maluwag na kalooban. Kami ay pwedeng magsayawan \m/

Pagiging aktibista

Habang nagkaklase kayo, may makikita ka na lang na mga estudyanteng naglalakad sa korihidor at may dalang mega phone.

Rakista

Porma pa lang alam na. May key chain ka bang voo doo doll? May bracelet ka bang bakal, yung parang kay kurapika? Makapal ba eyeliner mo? May bangs ka ba? Nakapanood ka ba ng concert ng Parokya sa Gymnasium? Ako hindi, kasi hindi ako nakasinget man lang o nakapasok sa gym 😦

I’m sorry my love

Napanood ko sa ulat ni Jessica Soho. Ang tamis mo kuya, pero mag aral ka muna at mag tapos. 🙂 Kapayapaan!

 

Higit pa sa lahat ng ito, pinaka hindi ko makakalimutan ay ang mga tao na nakasalamuha ko. Nakasama sa loob ng apat na taon, mga propesor na nagturo ng mga leksyon ng buhay at mga karanasang hindi mapapantayan. Mga bagay at tao na naghubog sa aking pagkatao. Salamat sa inyo. Sa aking sintang paaralan, tunay kang tanglaw ng bayan. PUP Pinagpala!

Share daw ng Pizza for Lunch

Hango lang sa una kong blog sa kabilang website…naaliw lang ako basahin hehe

Unang una, hindi ako kumakain ng keso, pagkaing may keso, at kahit anong may kinalaman sa keso.

Pangalawa, sino ang nag alok ng pizza?

Nakakapagduda talaga dahil inalok ako mag pizza for lunch ng babaeng hindi ko talaga makasundo sa opisina.

Ano ba ang tamang reaksyon?

Reaksyon number 1:

Thank you so much, I’d really love to share your pizza for lunch.

Resulta:

Pag ganyan ang sinabi ko, mauumpisan na ang plastikang walang hanggan. At manunuot lalo sa kaibuturan ng aking puso ang pagka muhi ko sa keso.

Sabihin na nating pumayag ako na sumabay sa kanya maglunch at makishare sa pizza nya, so ano ngayon? Magtititigan na lang ba kame habang kumakain? Malamang wala naman kaming mapag uusapang maganda.
O paplastikin ko ang sarili ko at sasabihing ” This pizza is really good! Lets order pizza once a week for lunch. ” Kahit sukang suka na ko sa paglunok ng pagkaing may keso na para sa akin ay kryptonite ang dating.

Pwede rin namang dito na maumpisahan ang aming “friendship” (ahem).

Reaksyon number 2:

Thanks but I don’t eat pizzas especially with you. (Sabay ismid)

Resulta:

World War III

Reaksyon number 3:

Thank you so much, I’d love to join you but I don’t eat pizza.

Resulta:

Plastic pa din, pero in a good way.
Napigilan ang world war III. At napigilan ang plastikang walang humpay.

Naku po!
Sa susunod na may magaalok ng pizza, kelangan ko pa bang isipin ang lahat ng to bago sumagot?

🙂

Isa kang pangahas

Oo, isa akong pangahas. 

Ako ay lumaki sa dakong katagalugan at wala akong ibang nalalamang dayalekto kundi Tagalog, kaya nangahas akong piliin ito bilang lengwaheng gagamitin dito sa site na ito. Ako ay nagulat dahil akala ko, at siguro ay akala mo din na ganon kadali ang lengwaheng kadalasan natin iniisang tabi dahil mas “feel” naten gamitin ang Ingles. Pwes, ako ay nagkamali at marahil ikaw din.

Napakalawak at napaka ganda ng ating wika, kung atin lang pag aaralan ng husto. Ang dami pa nating hindi alam at madami pa tayong dapat matutunan.

Naalala ko tuloy ang aking mga guro sa Filipino noong ako ay nasa  high school pa lamang. Noong mga panahong iyon ay hindi ko masyadong nauunawaan kung bakit pa meron kaming bokabularyong Tagalog. Akala ko naman ay hindi na natin ito kakailanganin pa pagdating  ng panahon dahil sa bilis ng takbo ng mundo ng teknolohiya. Lahat umuunlad. At akala ko ay parte ng pag unlad, ay ang paggamit ng salitang Ingles. Oo alam ko.  Isa na namang hangal na pag iisip. Dala siguro ng pagiging bata at pagkakatangay sa impluwensyang hatid ng media (sinisi ang media? :)). Naiisip ko tuloy ngayon na sana ay mas pinahalagahan ko pa ang kanilang itinuro at mas pinag aralan ko pa ng husto.

Isang malaking hamon sa akin ang gumamit ng website na puro Tagalog ang panuto at titingnan ko kung hanggang kelan ko mapaninidigan ito.

Kung meron pa dyan na mangangahas na subukin ang kakayanan, samahan mo ako.

🙂