Bamboo

ang larawang ito ay nakuha ko sa yahoo images
ang larawang ito ay nakuha sa yahoo images

Ang bamboo tulad ng nasa larawan sa itaas ay simbulo ng pagiging matibay. Sabi nga nila, kahit anong dami ng bagyong dumaan, at kahit anong lakas ng hangin pa ang dalhin ni Habagat at ni Amihan ay sasayawan lang sila ng Bamboo.

Bukod pa dito, pwede ding maging simbulo ito ng katatakutan dahil madalas daw dito may nagpapakitang kung ano ano…tahahaha…at ayokong makakita non.

Sa kasalukuyan, ang aming depenisyon ng Bamboo ay paghataw sa mga empleyado para magtrabaho ng maayos. Tahahaha, hindi naman namen sila hinahampas pero minsan nga ay gusto mo nang manghampas ng taong tatamad tamad. Minsan naman kapag tayo ang nagkakamali ay tayo ang nakakatikim ng bamboo na yan. Minsan konting bamboo lang, minsan naman ay mata lang ang walang latay. Kapag nangyayari yan, mapapakanta ka na lang ng ganito…..

Pag naman tayo ang nagbibigay ng bamboo, parang nagiging kung fu panda ang dating o kaya ay Lion King.

Chillax….

Minsan pantanggal stress din ang pagguhit kahit hindi pa masyadong maganda ang naiguhit. Mmm, saya minsan pag chillax mode.....
Minsan pantanggal stress din ang pagguhit kahit hindi pa masyadong maganda ang naiguhit. Mmm, saya minsan pag chillax mode…..gandang gawain ito…magdrowing habang nasa meeting

Dinrowing ko to para ipaalala sa aking sarili na ang trabaho ay talagang nakaka stress…palaging may bamboo kaya chillax lang….

Niloko mo ako….

Nagiikot ako sa pamilihan nang masilayan ko ang iyong kagandahan….
Andami mong kulay kaya agad kitang hinawakan….

DSCF3462

Akala ko ay tunay ka….
Sa aking kuko ay kukulay ka….
Ngunit tila tubig ang iyong laman…
Kuko ko ay ayaw talaban…..

Nanghinayang ako na itapon na lamang…
Kaya’t papel ay aking kinuha…
Mabuti naman at may napaggamitan…
Kesa basurahan na lang ang iyong patunguhan…

DSCF3459

DSCF3460

Morale of the story: Huwag bibili ng mga produktong super below the belt, the pants and the shoes ang presyo kung ayaw madismaya sa kalidad nito.

Ako tuloy ay napaawit:
sayang ang pera ko
pinambili ng lobo nail polish
sa pagkain sana
nabusog pa ako

Pagdadalamhati | Ikatlo sa Pag-ibig na Hindi

Kung hindi ka rin lang pala magtatagal, sana hindi na kita nakilala at sana ay hindi na lang din kita minahal.

Sana hindi ako nag-aksaya ng panahon sa pagbuo ng masasayang alaala na aking pagdadalamhatian lang ngayon sa tuwing dadapo sa aking isipan.

Sa umaga ay matindi ang pagsikat ni Haring Araw na tila ba gusto na sunugin ang aking damdamin at sabihing hanggang dito na lang. Sa kinahapuna’y parang bumubulong ang malamig na hangin na “wala na sya.” At sa kinagabihan ay tila nauubos ang mga tala, bawat patak ng luha isang tala ang nawawala.

Paano ako magsisimula muli. Paano ko bubuuhing mag isa ang planado nang buhay na kasama ka. Masakit makita ang lahat ng bagay na nakapagpapaalala sa iyo.

– o –

Hindi lang ikaw ang nasasaktan. Doble ang sakit na aking nararamdaman. Ang mawala ka sa piling ko, at makita kang nagdurusa dahil sa aking kagagawan. Pero mauunawaan mo din ito sa takdang panahon.

Wala akong ibang hangad kundi ang mapabuti ka. Nais ko ang iyong kaligayahan sa hinaharap, kahit alam kong hindi ako magiging parte non.

 

– o –

Hihihi nakalimutan ko itong isali. Edit edit lang din. Para tunay na seryeng serye ang dating, kelangan kasali yung mga nauna.

https://aysabaw.wordpress.com/2012/11/12/halik-by-kamikazee/ 

https://aysabaw.wordpress.com/2012/11/09/ang-pag-ibig-na-hindi-ikalawang-yugto/

https://aysabaw.wordpress.com/2012/11/07/ang-pag-ibig-na-hindi/

A Long and Winding Road

By the Beatles. Pinapakinggan ko yan at ang iba pang mga OPM songs  habang binababagtas ang kalsadang patungo sa Abu Dhabi. Anung meron don na wala sa Dubai?

Mas maraming malls at mga maaring mapasyalan dito sa Dubai na higit kesa doon. Pero mas pinili kong magpunta doon sa kadahilanang nais kong bumiyahe ng malayo. Mag unwind habang nag so-soundtrip sa loob ng bus.
Unwind? Oo, nakakapagod ang halos dalawang oras na byahe pero baket ko nasabeng nakakapag unwind ako sa ganitong paraan? Hindi dahil weird ako, kundi dahil nalilibang ako. Ninais ko muli na bumiyahe ng mahaba dahil sa loob ng halos magdadalawang taon na, ang aking ruta sa inaraw araw ay ang sampung minutong paglalakad galing bahay papuntang opisina at ganun din pabalik.

Maaga akong nagising para “lumuwas.” Pag dating sa bus station, napansin ko ang nakapaskil sa salamin ng bilihan ng ticket – “No outside food allowed inside the bus.” Namilosopong Tasyo ako at naisip ko na ang baon kong Oishi ay nasa loob ng bag ko kaya pag pumasok ako sa loob ng bus, ang aking pagkain ay inside food na at hindi outside food. Pag  upong pag upo ko pa lang sa bus ay binuksan ko na agad ang aking Oishi, pagwawalang bahala sa aking nabasa at nagsimula ng papakin ang chichirya (almusal yan). Nang magsimula na ang pag usad ng bus, biglang nag abot ng menu ang kundoktor ng bus. Waaahhhhh…kaya pala bawal na magdala ng “outside food” ay dahil may binebenta silang pagkain. Susyal naman ang bus na ito at may food cart pa, pero limitado ang menu nila. May ilang snacks lang, prutas, juice, kape at sopdrinks. Pero dahil dyan, dali dali kong itinago ang aking Oishi at baka pagbayarin pa ako ng fine.

Pinlay ko na ang mp3 ko para mas feel na feel ko ang roadtrip na ito.

Dala ko ang librong “Life of Pi” sa pag aakalang mababasa ko ito habang bumibyahe. Pero matapos ang isang chapter ay nahilo na ako kaya itinigil ko na ang pagbabasa at nagmasid na lang.

Patuloy pa rin ako sa pakikinig ng iba’t ibang mga kantang luma. Naalala ko tuloy ang pagbyahe byahe ng malayo nung ako ay estudyante pa.

Nakakarelaks. Ang halos dalawang oras na pag upo at pakikinig lang ng musika habang nagmamasid sa mga bagay na dinadaanan at mga  lugar na nilalampasan. Mga gusaling luma, at mga hindi pa natatapos na construction. Mga gasolinahan at mga grocery. Mga taong naglalakad at mga sasakyang nag uunahan. Mga tupang nasa likod ng truck (malamang iyon na ang kanilang pamamaalam). Mga puno at mga halaman. Mga mosque at mga taong patungo rito para magdasal. Stop light. Pedestrian lane. Mga bato at  buhangin. Disyerto. Mga gusali sa disyerto. Factory. Bangko. Kapehan. Kainan. Beach. Mga papunta sa beach. Mga nakatambay. Mga nasiswimming. Mga katabing pasahero na natutulog at nagtetext. Pag alala sa mga masasayang nakaraan. Hindi pag iisip sa mga bagay sa trabaho. Hindi muna ako maglalaba at maglilinis ng bahay. Weekend ko ito!

Pag dating sa Abu Dhabi ay nagpaikot ikot lang sa isang mall, at tumambay sa may corniche hanggang sa gabihin at nag antay na lang ng muling pag uwi at pagbyahe.

Ang tanawin sa Corniche, Abu Dhabi

May souvenir naman ako sa aking paglalakbay at ito ay ang super fluffy na marshmallow na halos ayaw ko nang kainin dahil gusto ko na lang itong titigan.

It’s so fluffy

Sa aking pag uwi ay nakasaksak na naman ang headset sa aking tenga. Napagod ako dahil sa layo ng byahe pero totoong nakakarelaks. Roadtrip ulit ^__^

Kamusta naman ang weekend natin dyan?

Eh…ano pala ang mas nakakalungkot?

Ano ang mas nakakalungkot?

1. Nag eemote ka dahil wala kang makausap o walang may gustong kumausap sayo?

2. Hindi ka mahal ng mahal mo ayaw ka na ding mahalin ng nagmamahal sayo?

3. In-unfriend ka sa facebook o in-unfollow ka sa twitter?

4. Hindi ka tinetext o binura ka sa contacts?

5. Papatayin ka habang tulog o gigisingin ka muna bago ka patayin?

6. Tinahol ka ng aso o kinalmot ka ng pusa?

7. Wala kang pagkain o wala kang inumin?

8. Hindi ka pinapansin o pinapansin ka nga plastik naman?

9.Nagmahal ka ng tunay pero iniwan ka o hindi ka sumubok magmahal dahil natakot ka?

10. Nasugatan ang puso mo o nasugatan ang tuhod mo?

 

 

Gusto Ko…

Gusto kong gumawa ng kanta

Na pupukaw sa puso ng masa

Awitin ng pag ibig

Malungkot man ito o masaya

Gusto ko gumawa ng kanta

Pero wala akong alam sa musika

Himig ko’y wala sa tono

At sa liriko tiyak ako’y talo

Gusto kong maging makata

Pero wala akong kwento

Mabuti pa si Gloc 9

Masyadong talentado

Gusto kong maging henyo

Ngunit ako’y walang talino

Ipinanganak na ganito

Ano pa bang magagawa ko

Gusto ko magsulat

Kaso kaalama’y silat

Anong gagawin ko

O anong iisipin ko

Gusto kong tumula

Ng mahabang mahaba

Tumingin sa tala

Habang nangangarap

Gusto kong isipin

Na ako’y magkakaroon din

Ng tulad ni Romeo

Na aking iibigin

Gusto kong tawagin

O Romeo ako’y iyong dinggin

Nasaan ka

Ako ay iyong pansinin

Gusto kong tanungin

Si Kupido ba’y nakatingin

O baka naman

Ako ay nagawang limutin

Gusto kong umibig

Pero ayokong masugatan

Ayoko ng sumubok

Baka madapa lamang

Gusto kong lumigaya

O nasaan ka?

Dalawin mo naman ako

Kahit paminsan minsan lang

#FeelingMakataLang

#HindiItoTwitterBakitMayHashTag

#FeelerLangAtEmotera

#KulangSiguroSaLablayp

Hindi Sakit ang Homesickness

Kahapon ay may nabasa akong artikulo sa Gulf News na pinamagatang Homesickness : Invisible enemy of working abroad. Nilahad dito ang ilang mga panayam sa mga taong naninirahan dito sa disyerto, gayun din ang mga symptoms ng sakit na “Homesickness.”

“Homesickness often has psychological symptoms such as lack of concentration, disorientation, sadness, and recurrent mood changes. But it eventually manifests through physical symptoms such as changes in appetite, in patterns of sleep, or sometimes nausea, and dizziness.”

Sinuri ko ang aking sarili. Naho-homesick ako. Pero wala sa mga symptoms na nasa itaas ang pinagdadaanan ko. Naho-homesick ako, pero wala akong sakit. -__-

Ang alam ko lang ay namimiss ko na ang aking pamilya at ang aming bahay. Namimiss ko ang sikat ng araw na bumubulaga sa akin sa umaga at ang sariwang hangin na aking nilalanghap pag lumalabas ako kapag bibiili na ako ng mainit na pandesal.

Ito…….

……oo ito ang bumubulaga sa akin sa umaga. Ang bundok na natatakpan ng hamog na unti unting nawawala pag sumilip na si haring araw. Ito ang bumubulaga sa akin tuwing umaga. Ang mga kawad ng kuryente na nakabalandra sa harap ng aming bahay. Ito ang bumubulaga sa akin tuwing umaga. Ang mga kalawanging bubong ng aming mga kapitbahay. Oo ito, ang mga simpleng bagay na namimiss ko sa umaga kasabay ng pagtilaok ng mga manok at pagtahol ng mga aso sa mga tricycle na dumadaan upang sunduin ang mga estudyanteng papasok na sa eskwela.

Umaga pa lang ay magigising ka na sa ingay ng mga tricycle na pari’t parito sa pagsundo ng mga bata. May sumisigaw ng taho, pandesal, goto, dyaryo at kung ano ano pa. Dagdag pa rito ang mga pansabong na manok na nakapalibot sa aming bahay na nakikisabay sa panggigising (ay mas maaga pa pala sila dahil alas kwatro pa lang ay tumitilaok na sila.) Kapag Sabado’t Linggo naman, magigising ka sa ingay ng mga batang naglalaro na sa labas o kaya mga kapitbahay na nagwawalis o naglalaba, o di kaya’y nagkwekwentuhan habang nag iigib ng tubig. Talagang nakakamiss.

Sa tanghali naman ay ang masarap na tanghaliang tuyo at kamatis na may malagkit at mainit pang kanin na may kasamang softdrinks na may yelo. Sa kainitan ng tanghali ay hinaharap ko pa ang electric fan sa akin para mas mabilis lumamig ang kanin (oo, masarap ang kaning mainit pag mejo malamig na ng konti. anudaw?) Ilang oras pa matapos ang tanghalian ay may mga naglalako na ng banana cue at turon (nakakapaglaway -__-) at iba pang mga meryenda tulad ng palitaw at biko.

Dahil puro pagkain naman ang nabanggit ko, itutuloy ko na sa hapunan ang talagang nakakamiss na Andok’s Lechon…..waaaahhhhhh….Nakakahomesick lalo……Kasabay ng hapunan ang masayang kwentuhan ng buong pamilya at biruan ng magkakapatid at ang pagbibidahan kung sino ang mas higit at mas magaling at kung sino ang may pinaka nakakatawang istorya.

Nakakamiss din ang pagbuhos ng ulan. Namimiss kong marinig ang pagpatak nito sa aming bubong at ang biglaang pagtakbo ng mga kapitbahay para makuha ang kanilang sinampay. Ang tagal ko ng hindi nakakita ng ulan. Namimiss kong magpayong ha ha. Namimiss kong humigop ng mainit na sabaw ng noodles na magpapainit sa aking tyan habang malamig at maulan. Haay …

Nakakamiss ang lahat ng yan. Naho-homesick ako, pero wala akong sakit. Namimiss ko lang sila 😦

Minsan Ako’y Isang Tanga

Minsan ako’y isang tanga

Natalisod at nadapa

Lumuha at umiyak

Natakot at nangamba

Minsan ako’y isang tanga

Umibig sa bula

Mapungay ang mata

Pero biglang nawala

Minsan ako’y isang tanga

Nagtiwala at natuwa

Ngunit ako ay binalewala

At hindi na nagpakita

Minsan ako’ isang tanga

Kung bakit ay hindi ko alam

Minsan ako’y isang tanga

Pero ngayon, hindi na

Pamamalantsa at mga Alaala

Noong Sabado ng hapon, napilitan na talaga akong magplantsa dahil mahigit isang buwan na akong hindi nakapag plantsa ng aking mga damit panlakad. Wala na akong maong na maisusuot kapag naisip kong lumabas at maglakwatsa.

Isinalang ko ang CD ni Regine Velasquez sa player para naman may background music ako habang namamalantsa. Ang CD na itinago sa akin nga aking kakwarto dahil daw baka pagtawanan ko sya pag nalaman kong nakikinig sya ng mga kanta ni Regine (sapagakat puro maiingay ang mga musikang pinapakinggan ko). Hindi nya alam na isa rin akong masugid na taga hanga.

Noong una ay pakanta kanta pa ako at sinasabayan ko ang mga awitin nya. Isinasabay ko sa bilis at bagal ng mga kanta ang pag urong sulong ng plantsang hawak ko at ako ay napapa kembot pa.

Ito ang itsura ng kwarto ko. Wag kalimutan ang electric fan sa gilid at ang mga paintings ng kawayan sa dingding.

Pasayaw sayaw pa ako sa kantang Urong Sulong at feeling diva habang On the Wings of Love na ang nakasalang. Nakaguhit sa isip ko si Regine na nakaharness habang sya ay bumababa sa stage na kala mo ay talagang lumilipad sya. Bulaklakin pa ang gown at may pakpak na parang pang diwata ang kanyang kasuotan. Kinilig naman ng kaunti ng marinig ang Kailangan Ko’y Ikaw ng maalala ang palabas nila ni Robin Padilla. Halos magasgas noon ang DVD na nirentahan ko sa Video City dahil ilang beses ko itong pinanuod.

Nagsimula ang pagiging emotera ko nung marinig ko ang kanyang bersyon ng Bituing Walang Ningning. Biglang bumalik sa aking isip ang mga panahong ako ay namamalantsa ng uniporme ng aking mga kapatid at mga maong ni papa. Ganun din ang mga baro ni mama. Noong mga panahong iyon na wala pa akong trabaho at wala pang maiambag kundi ang gawin ang mga gawaing bahay. Wala din akong mabili para sa sarili ko at hiyang hiya ako sa mga magulang ko na manghingi ng pambili dahil hindi pa naman ako makatulong. Gumuguhit sa aking isipan ang palabas ni Sharon Cuneta na ilang ulit ng nireplay sa telebisyon. Nakahawak ang kanyang dalawang kamay sa mala rehas na bintana, nakatanaw sa langit at sabay sambit na bukas luluhod ang mga tala.  Dagdag pa rito ng marinig ko ang kantang Narito Ako. Maluluha luha na ako. Naalala ko ang mga panahong wala na ngang trabaho, wala pang buhay pag ibig. Aray!

Sumunod namang kumurot sa dibdib ang kantang Kung Maibabalik Ko Lang. Dito naman nagbalik ang alaala ng unang naging pag ibig at ang mga kasawian (ayeee mahabang kwento hindi ko na isasali dito).

Napansin ko na lang na ako ay napapagod na at halos dalawang oras na akong nagpaplantsa at nag eemote kaya ako ay natauhan at binilisan ko na.

Siguro kung papakinggan ko pa lahat ng kanta ni Madame Regine ay mas marami pa akong maalalang mga masaya at malungkot na mga bagay at mga pinagdaanan. Isa syang kinatawan ng musika na kinalakihan na natin at nakapg-relate tayo ng napakaraming pangyayari sa ating buhay sa halos lahat ng kanyang awitin.

Ikaw, ano ang awiting kumukurot sa puso mo? 🙂

Sa Paglipad ng Aking Utak

Habang sinusulat ko ito ay kasalukuyang akong nakaupo  sa harap ng lupon ng sampung tao na nagpupulong upang pag usapan ang isyung pinansyal ng aming kumpanya. Habang nagpapaliwanag si big boss at nakikinig ang lahat, bigla namang  lumipad ang aking isipan. Inisip ko kung ano ang itsura nitong mga kaharap ko kung sila ay magiging karakter sa komiks. At dito na nagsimula ang kalokohan ko. 🙂

Ipapakilala ko sa inyo ang ilan sa mga miyembro ng Kurbata Gang. Sila lamang ang aking naiguhit dahil sila ang mga nakaupo sa aking harapan kung kayat sila ang naging sentro ng aking makalokohang pagtingin.

 Ang nasa kaliwa ay si Kurbata Kid. Isa sya sa pinakabatang miyembro ng Kurbata Gang. Sa pulong na ito, sya ay nakikinig lamang at nag tsa-tsaa. Wala syang kontribusyon masyado sa araw na ito.

Katabi naman ni Kurbata Kid, si Alahas Kid. Marami syang ginto at accessories sa katawan kaya ko sya tinawag na alahas kid. Sya naman ay tahimik sa pulong pero nakakapag ambag sa usapan.

Si Labo naman ang nasa kanan ni Alahas Kid. Si Labo ay madaldal at nakakairitang talaga.

Kahuli hulihan naman ay ang bagong hirang na Prinsipe ng mga Kurbata. At dahil bago pa lamang sya ay inoobserbahan nya pa lang kami.

 Sa pagpupulong na ito, mangilan ngilan lang ang nagsasalita kung kaya’t iniisip ko na baka tulad ko, ang iba sa kanila ay kalokohan din ang naiisip. Iba’t iba ang itsura ng mga taong nasa pulong at ang reaksyon nila sa bawat diskusyon. May ibang nakatulala lang at nagmamasid sa mga nagsasalita, may iba namang bida ng bida at wala naman talagang alam. Meron namang tahimik pero syang nakakaalam ng mga bagay bagay at meron din namang nakikitawa lang. May ilang hindi nakakaintindi ng salitang “sarcasm” at may mga ibang walang pakialam. Meron ding nagmamadali na matapos ang pagpupulong na animoy masyado syang abala sa kanyang iba pang gagawin at akala mo’y ang kanyang trabaho ay isang bagong silang na anak na pinananabikan nyang makapiling.

Habang lumalamig ang aking kape sa loob ng silid ay patuloy din ang pagdugo ng aking tenga sa  pakikinig sa mga taong “minu-murder” ang wikang ingles at sa tingin ko ay kaylangan munang bumalik sa pag aaral at itatak sa isip ang kahalagahan ng grammar.

Nabasag naman ang aking paglipad dahil sa isang babaeng walang ginawa kung hindi magpadala ng mensahe upang ihabol ang papeles nyang pinapapirmahan. Dahil iisa lamang ang gagawin nya sa buong maghapon (at iyon ay ipaalala sa akin na kelangan nya ang dokumento nya ngayon) ay wala syang ibang ginawa kundi tawagan ako o padalhan ng mensahe ng pagpapaalala upang ipakita na meron syang ginagawa. Nawala ako sa konsentrasyon kaya dito na magtatapos ang aking kwento. Ipapakilala ko muna  sya bago pa matapos ang lahat.

 

Sya si Yosi Girl. Dahil wala syang magawa sa opisina sa buong maghapon ay suki sya ng aming bakuran at nangunguna sa pagbuga na parang tambutso at isa sya sa nag aambag sa polusyon ng sangkatauhan. Sya at ang kanyang usok. Wala syang ginawa sa maghapon kung hindi manigarilyo at makipag kwentuhan at pagbalik naman sa opisina ay makinig ng musika.

 At dahil ako ay isang abalang tao sa opisina, napakaiksi ng oras ko para gumawa ng mahabang kwento kaya dito nagtatapos ang maikling istorya para sa araw na ito. Hanggang sa muli 🙂