Life, Bakit Ka Unfair?

Lately ko lang nalaman na ‘big thing’ din pala sa Pinas ang blogging. Akala ko sa ibang bansa lang ‘yan uso. Akala ko hindi masyadong ‘in’ sa Pinas ang blogging, at ang mga bloggers ay mga tulad ko at tulad mong nagbabasa nito na hindi mainstream at pasulat-sulat lang dahil mahilig lang talaga magsulat. Pero huli na pala ako sa balita at mga pangyayari.

Continue reading “Life, Bakit Ka Unfair?”

Lumusot si Maria sa Salamin

Humarap si Maria sa salamin. Tiningnan ang bawat anggulo ng kaniyang mukha. Bawat linya, bawat nunal, bawat tigyawat. Tiningnan niya kung gaano ito hindi perpekto. Hinahanap ang mga wala rito. Matangos na ilong, mapungay na mata, makinis na kutis.

Umaga’t gabi ay tinitingnan ang salamin, sabay ang paghiling na sana man lang, siya ay dinggin. Bigyan siya ng kahit kaunti sa kaniyang mga hinahangad nang siya naman ay maging katanggap-tanggap. Pero, katanggap-tanggap saan? Sa lipunan ba? O sa kaniyang sarili? Lipunan ba ang hindi makatanggap sa kaniya o ang kanya mismong sarili?

Isang gabi nang siya ay magmuni-muni sa harap ng salamin at habang tinitingnan ang repleksyo’y humawak siya dito. Nagulat siya ng lumusot ang kamay niya sa salamin. Hinila niya ang kamay niya pabalik. Pero para malaman kung namamalik mata lamang ba siya, muli ay hinawakan niya ang salamin. Lumusot muli ang kamay niya at unti-unti ay hinigop siya nito hanggang sa buong katawan niya na ang lumusot sa salaming ito.

Napadpad siya sa kadiliman at ang tanging liwanag lamang ay nagmumula sa isang salamin. Tumingin siya rito ngunit hindi niya makita ang sariling repleksyon. Maya-maya pa ay may dumating na babae sa kabilang dako ng salamin. Nakikita ni Maria ang babaeng ito, pero tila hindi siya makita ng babae.

Tiningnan ng babae ang bawat anggulo ng kaniyang mukha. Bawat linya, bawat nunal, bawat tigyawat. Tiningnan niya kung gaano ito hindi perpekto. Hinahanap ang mga wala rito. Matangos na ilong, mapungay na mata, makinis na kutis.

Ang babaeng nasa kabilang dako ng salamin ay walang iba kung hindi si Maria. Mula sa kadiliman ng mundo ng salamin ay tiningnan niya ang sarili at dun niya lang nakita ang gandang hindi nangangailangan ng pagtanggap ng kahit sino man. Ang ganda ng pagiging malaya sa labas ng salamin.

Hindi na nakalabas pa sa madilim na mundo ng salamin si Maria at araw-araw ay nakikita niya ang sariling repleksyon na dumudungaw sa kaniya. Walang kaalam-alam tungkol sa kaniyang pagdurusa.

Puno ng pighati si Maria para sa sarili niyang lumaya na nga ang isipin pero nakakulong ang katawan sa loob ng salamin at para sa sarili niyang nasa kabilang dako ng salamin na malaya man ang katawan, nakakulong naman ang isip at tila nakakahon.

Muling Pagtipa

Kagabi ay nilabas ko ang aking gitara sa case nitong inaalikabok. Muli akong nakatipa matapos ang mahabang panahon.

Masakit na uli sa daliri dahil nawala na ang mga kalyo at madali na mangawit dahil hindi na praktisado. Medyo matigas din at ayaw sumunod ng mga kwerdas na para bang nagtatampo dahil sa tagal na hindi nalaro.

Matagal akong hindi nakatugtog hindi lang dahil sa ako ay abala kundi dahil na din sa tagal umigi ng mga hiwa ko sa daliri na dala ng talim ng mga kinolektang starfish nung naglinis kami ng coral reef. Doon pa mismo tumapat ang mga gasgas na parang mababaw na hiwa ng blade sa mga parteng  ipandidiin sa kwerdas.

Matagal na kami ng gitara ko. 2010 o 2011 pa siguro nung una kaming nagkakilala. Pasensya na at mahina ako sa mga petsa, hindi ako nakakaalala ng anibersaryo.

Saksi ang gitara ko sa mga saya at lungkot ko. Nandun siya nung mga araw na wala akong ibang makausap o malapitan, nakikinig siya sa aking mga awitin at panimdim.

Nandun din siya nung mga panahon na walang mapagsidlan ang aking tuwa.

Minsan ay nakokonsensya ako dahil napapabayaan ko siya sa isang sulok kapag ako ay abala. Kung nakakapagsalita lamang ito, baka nakapanumbat na ito na lagi siyang nasa tabi ko pag kailangan ko siya, samantalang pag ako ay abala na sa buhay ko ay nakakalimutan ko na siya at pinapaalikabukan sa isang sulok.

Kagabi ay tumipa ako ng walang patid hanggang bisig ay mangawit, hanggang daliri’y humapdi. Kumanta ako hanggang sa lalamuna’y sumakit.

Ako at ang aking gitara ay parang magkaibigang nagkita muli matapos ang mahabang panahon na hindi maubus-ubusan ng kwento. Nagkukumustahan, habang pinagdudugtong ang mga sala-salabid na kwento, naghahanapan ng tonong madalas ay nawawala.

Kagabi ay nilabas ko ang aking gitara sa case nitong inaalikabok. Muli akong nakatipa matapos ang mahabang panahon. Muli ay may nakinig sa aking tahimik na panaghoy.

Lumang pabebe selfie with my guitar

 

Ligo na ü. Lapit na me

Ang librong ito ay tungkol sa isang lalakeng nagmahal at nabigo sa unang pagkakataon.

Normal na istorya. Pero ang ganda ng pagkakakwento.

Habang binabasa mo ay para kang nakikipagkwentuhan sa isang tropang nabigo na naglilitanya habang hawak ang bote ng serbesa at Bakit Ba ng Siakol ang background music o kaya naman Victims of Love na kinakanta sa videoke ng lasing na kapitbahay.

Maangas ang pagkakawento. Tungkol sa pag-ibig pero hindi keso. May kaunting kainosentehan pero may kapilyuhan. Walang arte pero may kaunting landi at bahagyang harot. May halo ding kirot.

Sa unang tingin, akala ko ang librong ito’y may kabastusan dahil sa pamagat at pabalat, pero tama nga ang kasabihang Don’t Judge the Book By Its Cover.

Sistema sa Denmark

Nung isang gabi ay nakikipag-lobster-dinner under the stars ako sa isang Danish Blogger at sa kaniyang boyfie.

Habang dumadami ang naisasaling malamig na Chardonnay sa aming mga baso ay dumadami din ang kwento.

Nasabi nilang nakakainis daw ang sistema sa Denmark dahil habambuhay silang kakaltasan ng 50% ng kanilang sweldo o hangga’t hindi pa sila nagreretiro. Tinanong ko kung bakit ganoon?

Ang sabi nila ay libre daw kasi ang pag-aaral nila. Nung kolehiyo daw sila ay binabayaran sila ng gobyerno ng mahigit sa isang libong dolyar kada buwan para lamang mag-aral sila. At ang benepisyong ito ay tinatamasa ng bawat kabataan sa kanila. Walang pinipili anak ng mayaman o mahirap. Lahat ay pinag-aaral para daw lahat ay matapos at maging propesyonal.

image: visitdenmark.com

Isa pa ay wala daw babayaran kahit singko sa tuwing magpupunta sila sa ospital. Minsan nga daw ay inaabuso na ang serbisyo. May mga pupunta sa ospital na pag tinanong ng doktor kung ano ang karamdaman ay sasabihin lang nila na na-i-istress lang sila. Grabe sila. Nakaka-stress!

Sabi nila sa isang banda ay maganda ang sistema dahil walang taong grasa o taong kalye sa Denmark dahil sinusustentuhan ng gobyerno pero nakakabuwisit lang daw dahil habang buhay silang may kaltas sa sweldo. At pag lumampas pa daw sila sa sa average na sweldo at kumita sila ng mas malaki ay 70% daw ang kaltas sa kanilang sweldo. Grabe! Nakak-stress ang kaltas sa sweldo!

Tinanong ko naman sila kung hindi ba kinukurakot ng gobyerno ang kanilang pera. Sabi nila ay hindi maaaring magkakurakutan dahil ang buong bansa ay cashless. May card silang ginagamit sa lahat ng transaction at napakadali ding matrack ang pagpasok at paglabas ng kanilang pera, Hmmm! Kaya siguro walang makapag-under the table transaction.

Tinanong nila ako kung ano naman ang sistema ng Pilipinas pagdating sa tax. Sabi ko, hindi ako nagbabayad ng tax bilang sa ibang bansa ako nagtatrabaho pero balita ko sa ilang mga kaibigan ko ay halos 30 to 40% ang nakakaltas sa kanila.

Pero sabi ko, kailangan namin magbayad para makapag-aral at ganun din pag pupunta sa ospital.

At dahil habang lumalalim ang gabi at dumadami ang salin ng malamig na Chardonnay ay kung saan-saan pa napunta ang usapan.

Pero kinabukasan, nung mataas na ang sikat ng araw at mababa na ang tama ng alkohol ay napaisip ako kung maganda kayang gayahin ng Pilipinas ang sistemang umiiral sa Denmark. Libre ang lahat, pag-aaral, medical facilities at kung ano-ano pa pero habang buhay ka namang magbabayad sa gobyerno. Parang sa tingin ko ay ok namang makalatasan ka buwan-buwan ng sa sweldo kung hindi mo naman na kailangan pag mag-isip kung saan ka kukuha ng pambayad sa ospital kapag may emergency ka at ganun din ay hindi ka mamumurublema kung saan ka hahanap ng pangmatrikula ng iyong mga anak. Ganun din hindi ka mamumurublema na kinukurakot ng mga opisyal ng gobyerno ang binabayad mong Tax dahil napaka transparent ng accounts ng lahat dahil sa card system nila. Siguro ay mainam ang ganitong sistema pero naiintindihan kong logistically speaking ay napakahirap gawin nito sa Pilipinas. Hindi ko naman pwedeng ikumpara ang ating bansa sa Denmark dahil napakaliit lang ng bansang iyon at kakaunti ang tao kaya madaling isagawa ang implementasyon ng magandang sistema.

Mahirap man ang daan patungo sa pagbabago, walang masama kung susubukan.

Bagets

Napanood ko ang Bagets kanina at hindi ako makapaniwalang pinanood ko ito ng buo. 

Di ako makapaniwala na nag-enjoy ako sa panonood nito.

Nag-enjoy akong mapanood ang mga batang-batang version nila Aga Mulach, Herbert Bautista, Willie Martinez at iba pa, mga kasuotang makukulay, mga maiiksing basketball shorts, buhok na pinatigas ng spray net na may walang kamatayang bangs, 80s background music at marami pa.

Simple lang ang istorya na malamang ay napanood na rin natin ng ilang daang beses na sa iba’t ibang bersiyon: isyu ng mga teenagers – pamilya, eskwela at lablayp.

Halos alam ko na minsan kung ano ang mga mangyayari, napaka predictable eh, pero ganun din naman kadalasan ang mga palabas at telenovela ngayon. Ang kaibahan lang, mas authentic yung Bagets. Di ko alam kung mas magaling lang yung mga artista dati o mas OA lang yung mga artista ngayon. 

Yung tipo bang alam ko ng mababangga ang bisikletang sinasakyan ni Herbert at titilapon siya sa damuhan o kaya ay may dance number si Aga Mulach o kaya yung dramang pang matapobre ni Rosemarie Gil. 

Ang hindi ko inexpect ay yung may portion na kumanta si Raymond Lauchengco sa gitna ng napakalaking stadium habang pinapanood siya ng naka gown na Eula Valdes from afar.

All in all, nakakatuwang panoorin ito. Refreshing. A break from the usual daily tele drama.

Image: pinoyalbums.com

Zumba Invasion

We Zumba people love us some Pitbull. This could also apply to Daddy Yankee. Check out my post for more about music. http://thezumbamommy.blogspot.com/2013/07/the-dance-styles-and-music.html:
image: someecards.com

Hindi pa man ako nakakauwi ng Pilipinas ay narinig ko na ang bagong kinahuhumalingan ni Ermats – Zumba.

Wala pa pala ako dito ay pinlano na niyang isama ako sa isa sa mga Zumba sesh niya ayon sa aking mga kapatid.

Unang umaga ko pa lang dito ay ginising na ako ni Ermats mga bandang alas kwatro y media ng umaga dahil alas singko y media daw ang Zumba sesh nila. May jetlag pa ako kaya hindi ko talaga kinayang gumising at pinangakong kinabukasan na lang ako sasama.

Kinabukasan ay ginising na naman niya ako at kahit ayaw ko pang bumangon ng ganun kaaga ay pinilit kong dahil nangako ako. Pinagsuot niya ako ng berdeng t-shirt dahil iyun daw ang dress code para sa umagang iyon.

Pagdating namin sa venue na carpark ng Puregold dito sa amin ay nakita ko ang humigit sa 40 mommies, lolas and middle aged ladies na parang magkakakilala na.

Halo ang naramdaman ko. Parang nagsisi ako sa pagsama dahil sa nakita kong mga nagchichismisang mga lola and mommies habang nag-aantay sa pagdating ng Zumba instructor na hindi marunong gumalang sa oras ng ibang tao.

May isa ding Ate na naka gray sleeve less and jogging pants na sumuway na sa dress code ay masama pa kung makatingin.

Nung dumating na yung Zumba instructor ay dali-dali ng nagsalang ng halong retro at makabagong tugtog. Hataw ang mga mommies, indak dito, indak doon. Hindi ako masyadong makasabay dahil medyo parehong kaliwa ang mga paa ko. Halos ayaw ko na ituloy dahil hindi ako makasunod pero ng makita kong marami naman ding hindi makasunod kahit si Ermats pero hataw pa rin sa pagpapapawis ay gumalaw-galaw na lang din ako at nagpaikot-ikot para naman masulit ang binayad kong 50 pesos na registration form.

Mahigit isang oras din kaming pinagtitinginan ng mga tao, lahat ng mga pasahero ng mga dumadaang jeep at tricycle ay nagkakandabali ang leeg sa paglingon sa amin. Hiniling ko lang na sana ay wala akong kakilalang dadaan para hindi ako mahiya sa pinaggagagawa ko.

Nakakapagod ang isang oras na pagpapapawis lalo pa’t hindi man lang ako nakapagalmusal o kape man lang pero ang pinakamahirap kalabanin ay ang amoy ng french fries na tinatangay ng hangin papunta sa akin sa tuwing may magbubukas ng pinto ng McDo sa tabi ng Zumba venue.

Pila Pa Rin ng Pila

Kanina ay nagpunta ako sa isang sangay ng gobyerno upang humingi ng ID. Humigit sa tatlong oras ang pag-aantay at pagpila ko para sa transaksyong inabot lamang ng labing limang minuto.

Naisip ko na parang ang saklap naman ng kapalaran ko na mula kolehiyo pa lamang ay pila na ako ng pila, hanggang ngayon ay pila parin ako ng pila.

Para sa mga hindi nakakaalam, ako ay nagtapos ng kolehiyo sa P.U.P. (Pila Uli Pila este Polytechnic University of the Philippines) na may reputasyong hindi lang nagsusunog ng upuan o kaya ay nagrarally pag tinaasan ng piso ang tuition fee kada unit, kundi kilala din sa napakahabang pila sa Cashier’s Office tuwing bayaran na ng tuition – na hindi naman sa pagp-e-egsahera ng kwento pero naranasan ko talagang pumila mula alas onse ng tanghali hanggang alas syete ng gabi pero hindi pa rin ako nakapagbayad at kinailangan ko pang bumalik kinabukasan dahil sobrang haba talaga ng pila pero siguro at sana naman ay hindi na ganito ang sistema ngayon.

Nung nasa unang taon ako ng kolehiyo, sinabihan kami ng isa sa aming propesor na masanay na kami sa ganung kahabang pila tuwing magbabayad kami ng tuition fee, that’s the price you have to pay for paying only 500 pesos tuition fee, wika niya.

May mga salita na tumatatak sa ating isipan lalo na kung ang nagsabi sa atin ay ang ating mga magulang o guro bilang mas madalas sa hindi, sila ang ating tinitingala at hinahangaan. Hindi ko makalimutan ang sinabing iyon ng propesor namin at pakiramdam ko noon ay dapat kong ipagpasalamat na nag-aaral ako sa isang State U at pakiramdam ko ay dapat nga naman ay magtiis na lang kami sa ganoong sistema bilang napakababa nga naman ng binabayaran naming tuition fee.

Pero kanina habang nakapila ako, naisip kong muli ang sinabi ng dating propesor at pinagnilay-nilayan. Naisip ko na sa murang edad ay itinatak niya na sa isip ko na dapat ay maging mapagpasalamat ako sa kung ano mang ihain sa akin ng gobyerno, na parang ang mapag-aral ng gobyerno (na ang pera naman ay galing sa mga nagbabayad ng buwis) ay isang pribilehiyo at hindi karapatan, na parang sinabi niya na rin na pagtyagaan ko ang katotohanang ipinanganak akong mahirap dahil kung may pambayad ako ng mataas na matrikula ay dapat nag-aral ako sa mamahaling unibersidad para hindi ko kailangang pumila ng mahaba

Inobserbahan ko ang sistema ng sangay ng gobyernong pinuntahan ko kanina. Hindi mabagal ang serbisyo ng mga empleyado dahil halos lima hanggang labing limang minuto lang ang transaksyon ng bawat taong nakapila doon. Ang problema ay yung sistema na tatlo lang ang empleyado para sa isang daang mamamayang dumudulog ng serbisyo ng sangay na ito.

Siguro naman ay alam ng mga nasa sangay ng gobyernong ito kulang ang empleyado para sa dami ng taong kailangang serbisyuhan pero parang hinahayaan lang nila ito dahil ‘mag-aantay naman’ ang mga tao dahil sila ang may kailangan.

Hindi ko kasi maintindihan kung bakit kailangang mag-aksaya ng oras ang mga tao, tatlong oras para sa labing limang minutong transaksyon. Parang hindi makatarungan di ba? Pero madalas ay nananahimik na lang tayo at nagsasabing ‘wala naman tayong magagawa, pagtyagaan na lang natin kaysa hindi matapos ang ating nilalakad na dokumento.’

Paulit-ulit ko pa ring iniisip ang sinabi ng dating propesor at patuloy na pinagninilay-nilayan.