Paano mag-sulat ng tungkol sa pag-ibig?

Paano magsusulat ng mga bagay na tungkol sa pag-ibig na hindi lalabas na kornik ang iyong obra? Paano kung kornik kang talaga, kornik ang iyong pagkatao at feeling mo hopeless romantic ka pero kornik ka naman pala talaga? Kelangan mo bang itaon ito sa araw ng mga puso para pagbigyan ka na kahit kornik ka dahil napapanahon naman? Eh paano kung gusto mong magsulat ng tungkol sa pag-ibig sa buwan ng Nobyembre? Wala na bang lusot?

Paano hindi magiging boring ang iyong kwento kung ang sarili mong lab layp ay boring din naman talaga? Paano mo bibigyan ng buhay ang isang bagay na lantang gulay? Konting dilig, konting sikat ng araw, ayos na ba yan? Hindi kaya’y kailangan pa ng konting ulan o kaya’y bagyo para masilayan ang makulay na bahaghari matapos ang pagbayo ng unos? Bahagharing parang malapit pero hindi maabot. Nagdudugtong sa lupa at sa langit, parang padulasang galing sa alapaap na muling maghahatid sa iyo sa kalupaan.

Paanong hindi magtutunog ampalaya kung dumanas ka naman talaga ng mala-apdo sa pait na karanasan sa pag-ibig? Hindi ba’t tsokolate man ay may naitatago ring pait? Paano magbabalik ang tamis sa pusong nahagupit? Paano pahuhupain ang damdaming punong-puno ng galit?

Paano ka gagawa ng obra na hindi makapanlilinlang ng mambababasa, at higit sa lahat ng iyong sarili?

Ngayon sabihin mo, paano nga ba magsulat ng tungkol sa pag-ibig? Kailangan ba ng kumpletong sangkap at pampalasa? Dapat ba’y may tamis at pait? Lungkot at saya? Init at lamig? Paano ba? Paano?

Your Song

Masaya ang araw na ito, hindi dahil ito ay araw ng mga puso kundi dahil:

1. Nilibre ako ni Boss ng Club Sandwich for Lunch at kape sa starbaks
1.1. Pumapag ibig din ang starbaks

Mocha

2. Dahil Valentines, uuwi si Boss ng maaga kaya nangangahulugang dapat umuwi na din ako (pagtapos kong ipost ito 😛 )

3. Haha. Masaya ako at nagpapasalamat sa isang ka blog na palihim akong kinontak. Natuwa tuloy ako.

4. Dahil walang pag-asa na makapanood pa ako ng UP Fair, pinapakinggan ko na lang din ang mga kanta (OPM) na nirecord ko kahit nasisintunado.

At dahil dyan, ibabahagi ko na lang din ang paborito kong kanta ng Parokya.

https://soundcloud.com/ay-sa-baw/your-song

5. PS. May nagbigay pala sa akin ng rosas na pula kahapon, yung katrabaho kong babae. Lahat kami binigyan nya ng pulang rosas. Isa syang matamis na empleyado.

rosas

Happy Balentayms to all 🙂

Love Letter (para sa sarili ko)

Para sa aking Minamahal,

Sana ay nasa mabuti kang kalagayan habang binabasa mo ang sulat kong ito.

Nagulat ka siguro ng matanggap mo ang sulat na ito mula sa akin. Wala akong maisip na ibang paraan para masabi sa iyo ang nararamdaman ko. Nauumid kasi ang dila ko kapag nakakasalubong kita at hindi ako makapagsalita.. Hindi ako makaharap sa iyo at nanlalamig ako tuwing nakikita kitang papalapit. Hindi ako makatitig sayo kaya tumatanaw na lang ako mula sa malayo.

Ilang araw na akong hindi makatulog sa kakaisip sa iyo. Hindi ko alam kung paano nangyari ito pero nagising na lang ako isang araw na ikaw na ang laman ng isip ko. Nakaukit sa alaala ko ang tamis ng iyong ngiti. Hindi ko makalimutan yung araw na nakasalubong kita. Matagal na kitang kakilala at lagi naman kitang nakakasalubong pero nagbago ang lahat nung araw na iyon.

Habang naglalakad ako ay napatingin ako sa iyo at mula noon ay ikaw na lang ang nakita ko. Ang pungay ng iyong mga mata at ang ganda ng iyong ngiti. Ang ganda ng iyong mahabang buhok na hinahangin pa nung araw na iyon. Ninais kitang tawagin pero walang salitang lumabas sa aking bibig. Nanatili na lang akong nakatulala at nakatitig sa iyo hanggang sa ikaw ay makalayo.

Sana ay hindi ka magbago sa akin kahit na nalaman mo pa ang nararamdaman ko. Sana dumating ang araw na pumayag kang makipag usap sa akin kahit sandali lang. Pero masilayan lang kita kahit isang beses man lang sa isang araw ay lumulundag na ang puso ko sa tuwa.

Wag mo sana isiping nambobola lang ako, totoo lahat ng mga sinabi ko at tunay ang nararamdaman ko para sa iyo. Sana bigyan mo ako ng pagkakataon na mapatunayan sayo na tunay ang pag-ibig ko.

Hanggang dito na lang.

Nagmamahal,
Isang taong hindi nakatanggap ng love letter sa talambuhay nya

PS. Salamat sa teknolohiya at ginawa mong convenient lahat. Puro love quotes, text at pm na lang ang natatanggap ko.Wala na tuloy nag eeffort na magsulat. Nawalan ako ng chance na makatanggap ng isa sa mga priceless at napaka romantic na bagay sa mundong ito. Pero teka, wag isisi lahat sa teknolohiya. Opposite attracts diba? Di kaya walang na-aattract na romantiko at sweet sakin dahil ubod na ko ng tamis? Hmmm, naalala ko nga pala –always add salt and pepper to taste 

Nakalimutan ko yung Forever

Ngayon lang kita muling nakita. Kelan pa ba yung huli? Halos isang dekada na yata. Halos nakalimutan ko na.

Ganitong araw din yata iyon, Huwebes – nung una kong narinig ang salitang forever. Hindi ko halos maituwid ang katawan dahil pinipilipit ng mga paru paru ang aking tyan. Hindi malaman kung papaano pipigilin ang pagngiti at kung paano pupulbusan ang namumulang pisnging madalas naman ay maputla. Nilalamig ang palad at pinagpapawisan ng malamig. Ito pala ang ibig sabihin ng forever.

Hatid sundo. Magkahawak kamay habang naglalakad. Bumibili ng sorbetes kay manong. Tumatambay sa may palaruan kahit hindi naman mga bata. Nagkukuwentuhan sa kinahapunan at nagtatawanan. Parang walang katapusan. Ang saya naman ng forever.

Nagsimula na tayong bumuo ng mga pangarap. Bawa’t isa’y naging abala sa kani kaniyang buhay. Wala nang sundo. Wala na ring hatid. Wala ng tawag, madalang na lang na mensahe. Wala ng sorbetes, wala na ring dapit hapon. Kanya kanyang kape sa tabi ng mesang punong puno ng papel na kahit magdamagin ay hindi mauubos. Nawala na sa isip yung forever.

image by services.filkie.com
image by services.filkie.com

Di nagtagal ay nagkaroon pa ng mas malayong distansya at napagkakilanlan na ang mga pagkakaiba. Nagkaroon ng sari sariling mundong inikutan, may kanya kanyang pinagpilian. Naging malamig ang panahon, hindi na pwedeng kumain pa ng sorbetes. Hindi na bata para magpunta sa palaruan at hindi na rin pwedeng magi sip bata. Wala na talaga yung forever.

Pagkatapos ng isang dekada, saka ko lang ulit naalala yung forever, halos nakalimutan na nga. Nakakatawa naman. Naalala nya din kaya yung forever? Sabagay hindi na iyon mahalaga. Parte na lang iyon ng mga alaala ng dapat daw ay magiging forever.

Kwaderno

Ako ay mamamaalam na sa iyo. Alam ko na malaki ang naitulong mo sa akin. Tahimik mong pinakinggan ang aking mga hinaing. Sinalo mo ang mga patak ng luha na halos sa araw araw na pagbuhos ay hindi na naubos. Itinago mo ang mga mapapait na lihim ng nakaraang pag-ibig. Inakala kong kapag itinago kita, balang araw ay mababasa kita at pagtatawanan ko na lang ang iyong mga nilalaman. Nangyari nga iyon. Muli kitang nabasa. Matapos ang ilang taon mong pananahimik sa loob ng kahon ng mga libro, muli kitang nabuklat. Nakakatawa ang aking katangahan. Nakalimutan ko na nga iyon, halos lahat ng iyon. Pero dahil muli kong nabasa, muling nanariwa ang sugat na matagal nang naghilom. Oh baka akala ko ay naghilom na.

Kailangan ko nang mamaalam. Salamat muli sa lahat lahat. Salamat sa pakikiramay sa akin noong panahong ikaw lang ang tangi kong kausap. Salamat sa pakikinig.

Isa ka na lang parte ng nakaraan, kaya’t hanggang dito na lang.

—-
Isang awitin para sa iyo.

Pagdadalamhati | Ikatlo sa Pag-ibig na Hindi

Kung hindi ka rin lang pala magtatagal, sana hindi na kita nakilala at sana ay hindi na lang din kita minahal.

Sana hindi ako nag-aksaya ng panahon sa pagbuo ng masasayang alaala na aking pagdadalamhatian lang ngayon sa tuwing dadapo sa aking isipan.

Sa umaga ay matindi ang pagsikat ni Haring Araw na tila ba gusto na sunugin ang aking damdamin at sabihing hanggang dito na lang. Sa kinahapuna’y parang bumubulong ang malamig na hangin na “wala na sya.” At sa kinagabihan ay tila nauubos ang mga tala, bawat patak ng luha isang tala ang nawawala.

Paano ako magsisimula muli. Paano ko bubuuhing mag isa ang planado nang buhay na kasama ka. Masakit makita ang lahat ng bagay na nakapagpapaalala sa iyo.

– o –

Hindi lang ikaw ang nasasaktan. Doble ang sakit na aking nararamdaman. Ang mawala ka sa piling ko, at makita kang nagdurusa dahil sa aking kagagawan. Pero mauunawaan mo din ito sa takdang panahon.

Wala akong ibang hangad kundi ang mapabuti ka. Nais ko ang iyong kaligayahan sa hinaharap, kahit alam kong hindi ako magiging parte non.

 

– o –

Hihihi nakalimutan ko itong isali. Edit edit lang din. Para tunay na seryeng serye ang dating, kelangan kasali yung mga nauna.

https://aysabaw.wordpress.com/2012/11/12/halik-by-kamikazee/ 

https://aysabaw.wordpress.com/2012/11/09/ang-pag-ibig-na-hindi-ikalawang-yugto/

https://aysabaw.wordpress.com/2012/11/07/ang-pag-ibig-na-hindi/

Ang Pag-ibig na Hindi – Ikalawang Yugto

Ang isa ay gusto nang mamaalam at ang isa ay gustong pa ring manatili.

Sa kaalinsanganan ng panahon ay tila narining ng langit ang hiling ng mga nauuhaw kaya biglang umulan ng malakas. Malalaki ang patak ng ulan na masakit pag tumatama sa bumbunan. Dali dali sumilong ang mga tao sa kani kaniyang kubo. Walang mapuntahan ang magkasintahan kaya dali dali na lang silang tumungo sa una nilang nakita, ang kubo ng life guard. Dali dali nilang inakyat ang matarik na hagdan at doo muna nanatili.

Umupo silang magkatapat at nakasandal sa magkabilang dingding ng kubo. Yumuko na ang isa at nagsimulang humagulgol na tila sinasabayan sya ng lalo pang lumalakas na iyak ng langit. Walang magawa ang isa kundi tumanaw sa malayo.

Sa katagala’y napagod na din ang mga matang namumugto na at nakatulog. Tumabi ang isa at pinasandal sa kanyang balikat upang makatulog ng maayos, hinahaplos ang noo sabay hinalikan ito. Hindi malaman ang nararamdaman. Nalilito pa. Tama bang lumisan at hindi na lang ipaglaban.Masakit. Pero ano ba ang nararapat? Hindi nya na maintindihan.

Ansarap sa pandinig, huni ng ibon, tunog ng alon, musika ni inang kalikasan. Pagmulat ng namumugtong mga mata ay kay ganda ng sikat ng araw na parang hindi umulan ng malakas kagabi. Inikot ang mata sa paligid.

“Pag-gising ko wala ka na.”

 

Halik by Kamikazee

Kumupas na
Lambing sa yong mga mata
Nagtataka kung bakit yakap mo’y ‘di na nadarama
May mali ba akong nagawa? Tila nag-iba ang mga kilos mo at salita
Bakit kaya?
Parang hindi ka na masaya

Ika’y biglang natauhan
Umalis kaagad ng hindi nagpapaalam
Ang sabi ko hindi kita mamimiss
Hanggang kelan ito matitiis

Ika’y biglang natauhan
Umalis kaagad ng wala man lang paalam
Pag nawala doon lang mamimiss
Hanggang kelan ito matitiis

Alam ko na
Magaling lang ako sa umpisa
Umasa ka pa saakin
Mga pangakong nauwi lang sa wala
Nasayang lang ang iyong pagtitiyaga
Wala ka nga pala
At puro lang ako salita
Kaya pala
Pag-gising ko wala ka na

Ika’y biglang natauhan
Umalis kaagad ng hindi nagpapaalam
Ang sabi ko hindi kita mamimiss
Hanggang kelan ito matitiis

Ika’y biglang natauhan
Umalis kaagad ng wala man lang paalam
Pag nawala doon lang mamimiss
Hanggang kelan ito matitiis

Ika’y biglang natauhan
Umalis kaagad ng hindi nagpapaalam
Ang sabi ko hindi kita mamimiss
Hanggang kelan ito matitiis

Ngayon ko lang natutunan
Nasubukang mabuhay ng para bang may kulang
Pag nawala doon lang mamimiss
Paalam sa halik mong matamis

Ang Pag-ibig na Hindi

Maalinsangang gabi. Patawid ng kalsada ang magkasintahan. Pinagmamasdan sila ng mga drayber na nasa bungad ng mahabang linya ng mga sasakyan na naghihintay sa berdeng ilaw para sila ay makausad.

Patuloy ang paglalakad. Tahimik. Walang may gustong magsalita.

Pagod at uhaw, narating din nila ang tabing dagat. Mainit ang panahon pero malamig ang hanging sumasabay sa mga alon na dumadausdos sa dalampasigan.

Sabay na naupo sa buhanginan kung saan ang kanilang mga talampakan ay naabot ng maliliit na lang na mga alon.

Tahimik pa din. Pakiramdaman. Nakikinig sa alon at sa mga taong nagkakatuwaan habang nagtatampisaw sa malamig na tubig. Ang isa ay nakatingin sa isa at ang isa nama’y nakatingin sa mga bituin sa kalangitan. Nangigilid na ang mga luha. Ramdam na ramdam na ang sakit na dulot nang napipintong pamamaalam. Sa ilang minutong pag upo ay unti unting naaalala ang mga masasayang panahong pinagsamahan na lalong nakakadagdag sa sakit na nararamdaman.

Parehas na nagmahal, pero bakit walang pinatunguhan? Bakit walang pinagkasunduan?

Ang isa ay gusto nang mamaalam at ang isa ay gustong pa ring manatili.