Magsimula Tayong Muli

Bakit tayo nagkaganito?

Bakit tayo nagkagulo?

Nakinig ako sa sangdaang boses pero hindi ko pinakinggan ang sayo. Nakinig ako sa sangdaang boses na walang alam sa nadarama mo at sa nadarama ko.

Ngayong nagkakaganito tayo, lahat ng dadaaning boses ay naglaho at ang natitira na lamang ay ang sa’kin at sa’yo. Boses mo at boses ko. Boses ng puso mo at puso ko na lamang na umaalingawngaw sa katahimikan ng napakalaking espasyong sa atin ay namamagitan.

Mga basag na tinig. Matinis. Masakit sa pandinig.

Ibangon muli natin ang mga nabuwal na haligi. Sindihang muli ang apoy na unti-unting pinatay ng hamog ng malalamig na gabi.

Simula ngayon, boses mo na lamang ang aking pakikinggan.

Magsimula tayong muli. Katulad ng dati.

Ikaw lang at ako.

 

Broken heart - image by hdwallpaper.nu 

image by hdwallpaper.nu

Liham ni Andres Bonifacio kay Oryang

Liham ni Andres Bonifacio kay Oryang
1897 Mayo 1

Mahal kong Oryang,

Mali ka. Hindi kita nakasalubong upang sa dulo ng kalsada, ako ay liliko sa kanan at ikaw sa kaliwa. Sapagkat saan man tayo dalhin ng ating pakikibaka, ikaw lang ang aking itatangi at makailang ulit na ihaharap sa pulang bandila. Hindi tayo nagpalitan ng mga kwento upang sa pinakahuling tuldok ng pangungusap, ang karugtong ay alingawngaw ng katahimikan. Walang pagod kitang aawitan ng imnong pambayan, Oryang. Hindi kailanman ako mauubusan ng salita upang maialay sa iyo bilang mga tula. Maging ang bulong at buntung-hininga’y magpapahayag ng pagsinta sa tulad mong umiibig din sa bansa.

Hindi tayo sabay na tumawa, nagkatinginan, at tumawa pa nang mas malakas, upang sa paghupa ng halakhak ay may butil ng luha na mamimintana sa ating mga mata. Loobin man ng Maykapal na pansamantala tayong magkawalay, tandaan mong ang halakhak at sigaw ng ating mga kasamahan ay sa akin rin. Hindi ka dapat masabik sa akin sapagkat ako’y mananatili sa iyong piling.

Hindi kita niyakap nang ilang ulit upang sa pagkalas ng mga braso ko sayo ay maramdaman mong iniiwan kita. Habambuhay akong magiging tapat sa ating panata, Oryang. Kapara ng binitawan kong sumpa sa ngalan ng bayan, tayo’y mananatiling katipun, kawal, at bayani ng ating pagmamahalan. Hindi tayo bumuo ng mga alaala sa umaga, tanghali at gabi upang sa muli mong paggising ay maisip mong hindi tayo nagkasama sa pakikidigma.

Hindi ko man hawak ang bukas, nais kong tanganan mo ang aking pangako na ilang ulit kong pipiliing mabuhay at pumanaw upang patunayan sa iyong mali ka.
Hindi ako bumati sa simula upang sa huli ay magpaalam.

Ikaw ang aking bayan,

Andres

 

 

***

This is a historical poem written by playwright Eljay Castro Deldoc

Buwan, oh buwan…

Moon
Ilang araw kong napansin. Umaga na pero nariyan pa ang buwan….Ang litratong ito ay kuha nung umaga ng ika 29 ng Oktubre…

May kung ano sa buwan

Kaya’t palagi ko siyang tinitingnan

Ilang araw nang ganiyan,

Umaga na, lagi pa siyang nariyan.

Buwan, oh buwan,

Mayroon ka bang hindi maiwan?

***

May isa pa akong post na tungkol sa buwan na puro lang naman kadramahan. LOLs.

Hinahanap hanap kita Manila

Pinakamahirap na parte para sa mga OFW na nagbabakasyon sa Pinas ay yung araw na kailangan na naman nilang mag-impake ulit at lumipad papunta sa bansa kung saan sila nagtatrabaho. Yung alam nilang kapalit ng ilang linggo nilang kasiyahang kasama ang kanilang pamilya ay ilang taon na namang pangingibang bayan.

Free as a bird
nakakamiss na view mula sa aming bintana

Pag may nakikita akong umiiyak sa airport habang nagpapaalam sa pamilya nila, sinasabi ko “ay mga baguhan pa ‘yan.

Ang yabang ko porke’t di na ko umiiyak pag nagpapaalamanan na sa airport.

Pero kahit pala inugat na ako sa ibang bansa ay tinatablan pa rin ako ng lungkot. Tinablan ako nitong nakaraan lang.

Nalungkot ako nung nakita ko yung mukha ni ermats nung nagpaalam na ako eh. Nalungkot ako nung nakita kong nalungkot siya. Nalungkot ako nung mapansin kong malaki ang itinanda niya. Nalungkot ako kasi tumanda ako at tumanda siya na magkahiwalay kami. Nalungkot ako kasi iilang beses lang kaming nagkita sa loob ng siyam na taon at mas matagal ko pa nakakasama yung mga taong hindi ko naman kaano-ano kaysa sa sarili kong pamilya.

MIA Terminal 3
mga naghihintay. may naiinip, may nalulungkot

So ayun, nung sleep mode na ang lahat sa eroplano ay saka ko na pinatulo ang pailan-ilang luhang kaytagal kong pinigilan.

Di naman ako masyadong madrama eh. Kaso pag pinigilan ang pagluha eh sobrang bigat. Kaya dapat hayaan na lang ding umagos paminsan-minsan.

Sunset
sunset sa Manila

*Pinipilit kong wag na isipin eh para di na malungkot. Kaso tinablan pa rin. Tinatablan pa rin.

Uy Pogi!

20151010_114532_resized

Uy Pogi! Ang pogi nung kotse!

Ngayon lang ako may nakitang pakalat-kalat na Porsche Cayenne sa may bandang Payatas ah.

Kako baka pogi din drayber ah! Chos!

Maya-maya pa ay aba! Aba! Aba! Nagbukas ng bintana!

Pero ngek ngek ngok. Binuksan ang bintana para lang magtapon ng basura sa kalsada.

Tsk. May pambili ka ng Porsche pero wala kang pambayad sa teacher na magtuturo sa’yo na bawal magtapon ng basura sa kalsada.

Di naman porket nasa Payatas ka ay pwede ka na lang magtapon kahit saan. Marami nang basura sa Payatas kaya wag ka na dumagdag pa este wag mo na dagdagan pa.

Ang kalsada ay daanan ng sasakyan at hindi tapunan ng basura gaya na lang na ang basurahan ay hindi daanan ng sasakyan.

Sabong?!

Hindi totoong nagsasabong ako. Napagkatuwaan ko lang ang aking camera at ang napili kong modelo ay ang aming mga manok pansabong.

Ito ang aking Model No 1.

Cool na cool lang siya at madaling kuhanan ng litrato. Hindi rin siya masyadong malikot.Model No 1

Ang aking Model No 2 naman ay medyo malikot at mahirap kuhanan ng litrato.Model No 2

Ang Model No 3 ko naman ay maligalig nung umpisa. Parang gusto niya pa akong sugurin at tukain pero bandang huli ay nanahimik din siya at nagsimula nang mag-pose.Model No 3

Aysabaw
si Sabaw ay punong-puno talaga ng kakulitan…pati manok ay hindi pinatawad

Papel

Napakaraming papel sa opisina. Papel na may nakasulat, papel na may naka-drawing, papel na manipis, papel na makapal, papel na parang karton, papel na kailangan pirmahan, papel na blangko, papel na pinagpapasa-pasahan, papel na ginagawang eroplano, papel na masarap waratin at itapon sa mukha ng iyong kaaway, papel na tinatago sa loob ng volt, papel na may sikreto, papel na may drawing na pusong may pana, papel na ginagawang basahan, papel na tinatapon sa basurahan at papel na dinadala sa banyo.

Marami na ngang papel ay mas marami pang pumapapel.

Hindi ko lubos maisip at hindi ko lubos maubos. Kung pwede lang kainin ang mga papel, sana ay nabusog pa ako.

video by: UniveraslRecPH

May post na akong tungkol sa Lapis, ngayong naman ay Papel. Ano naman kaya sa susunod?

Ako si Sabaw at ito ang aking Kwento

Masyado pang maaga para sa pagbabalik tanaw pero itong si facebook eh meron ng “See your 2013 year in review” ayan tuloy nahalungkat yung mga pictures and albums.

si sabaw
si sabaw

Kuha ito noong Enero ng taong ito at (haha) mahaba pa ang buhok ni Sabaw dyan at kulay itim pa. Ngayon ay hanggang balikat na lamang na gupit pusa at mamula mula pag naarawan.

Pers taym ko yang “jump shot” at nakailang take si direk bago namin napagkasunduan ang timing. Aba mahirap lumutang sa ere sa bigat kong ito? Konti na lang at isang sakong bigas na ang katumbas.

Wala naman talagang kwento sa aking larawan pero natuwa ako sa kasabihang isinulat ng aking kaibigang si Richelle sa gilid ng larawan. Saktong sakto sa akin iyan ahihi. Ayun lang. Bow.

Share na lang tayo sa payong

larawan mula sa april-umbrella.blogspot.com
larawan mula sa april-umbrella.blogspot.com

Umaambon pa rin pero mainam na yung ganito di tulad kagabi na halos mabutas na yung yero naming bubong sa lakas ng patak ng ulan. Hindi pala patak. Buhos. Nanonood ako ng balita sa pangumagang balitaktakan habang kumakain ng almusal na kanin at pritong itlog. Nagbabakasakaling walang pasok, pero merong pasok ang mga kolehiyo ayon sa balita.

Matapos makapag almusal ay lumabas na ako ng bahay at naglakad na patungo sa may kanto para mag-abang ng jeep. Di na ko magpapayong at mahinang mahina naman ang ambon. Baka mabasa yung payong. Pag nabasa ito ay di ko maititiklop at maipapasok sa bag ko. Kulay pilak ang langit. Wala din si haring araw, mukang ayaw nya pa magpakita. Malamig ang hangin at basang basa ang lupa. Punong puno din ng tubig yung kanal sa labas ng gate namen. Andaming nalaglag na dahon sa kalsada. Dama ko yung lamig ng lupa kahit nakasapatos ako at makapal na medyas pa ang suot ko. Maingat akong naglakad kasi baka maputikan yung sapatos ko at baka matalsikan pa ng putik yung laylayan ng paldang pamasok.

Pagdating ko sa kanto, antahimik ng kalsada. Walang masyadong tricycle na dumaraan kasi walang pasok ang elementary at high school level. Wala ding masyadong bumibyahe. Malamang hindi babyahe yung paborito kong jeep ngayon. Sana mabilis ang masakyan ko para di ako ma-late.

Unang unang jeep na dumating ay yung patok na kulay pink. Ayus na to, maganda naman yung pagkakaremix ng mga kanta na pinapatugtog nila. Sa may dulo ng jeep ako umupo. Ayoko sa bandang looban at nakababa yung trapal ng jeep. Maya maya pa’y iinit na doon sa gawing iyon kahit pa maulan. Dito sa hulihang banda ng jeep ay pumapasok yung malamig na hangin dahil mabilis ang takbo nito.

May pasok kaya sya? Sana makasabay ko sya. Malayo pa yung highway eh nakasilip nako kung kasama sya dun sa mga nag-aabang ng sasakyan. Inangat ko ng konti yung trapal para masilip ko sya.

Ayun nga! Nandun sya, kaso andami ding nag aabang dahil walang masyadong bumiyahe. Suot nya yung polo nyang dark violet at nakapantalong syang itim. Iilan lang ang polo nya kaya kabisado ko na din ang kulay ng mga yun. Kaya kahit malayo, naaninagan ko na sya dahil sa kulay ng suot nya. Madalas din pag napapadaan ako sa classroom nila, syempre hindi ako makakasilip dahil makikita ako ng mga classmates nya pati ng Prof nila kaya inaaninagan ko na lang yung kulay ng damit para alam ko kung saan sya nakaupo. Madalas din pag uwian na sila at naglalabasan na silang magbabarkada sa classroom, agad kong malalaman kung asan sya dahil sa suot nya. Jalousie yung binatana ng mga classroom kaya kitang kita yung mga dumaraan sa labas ganun din yung mga nakaupo sa loob ng classroom.

Naku baka mapuno agad at di na sya makasakay. Kuya D bilisan mo unahan mo yung ibang pasahero. Baka din pag napuno na yung jeep eh sumabit ka pa, di pa naman malaman kung kelan bubuhos ang ulan. Baka mabasa ka pa.

Ayan na at huminto na yung jeep at naguunahan na yung mga pasahero sa pagsakay.

Yes! Nakasakay sya buti na lang umabot pa. Dun sya naupo – ikatlo sya sa likuran ng driver. Sumilip ako at pinilit kong makita nya ako. Ngumiti at tumango sya. Sayang magkalayo kami ng upuan, di kami makakapagkwentuhan. Ansaya naman ng umaga ko. Kahit na kulay pilak ang kalangitan pakiwari ko’y kulay bahaghari ang kapaligiran.
Maya’t maya ang pagsulyap ko sa may pwesto nya. Natutulog sya sa byahe. Ako nama’y di makatulog dahil nawala na agad yung antok ko. Kasabay nang isang oras na byahe mula Rizal hanggang Cubao ay ang isang oras din na pagiisip kung paano ko sya babatiin at kung ano ang ikukwento ko sa kanya pagbaba namin sa jeep. “Huy Kuya, maaga ata pasok mo?” “ Kuya sabay na tayo papunta sa sakayan ng Divisoria!” “Anong subject nyo at maaga ang pasok mo?” “Tutulog tulog na naman to sa jeep, puyat kayo kagabi no? May late class ba kayo kahapon?” Haay, ano bang sasabihin ko? Madalas akong nag-iisip kung anong mga banat at pagbati ang gagawin ko pag nakakasalubong ko sya. Gusto ko kasi laging makipag usap sa kanya kasi masaya syang kakwentuhan kahit alam ko na minsan medyo halata na atang nagpapapansin na ako. Hindi kasi sya suplado. Mr. Congeniality na nga sya sa departamento naming. Sikat sya at kilala sya ng lahat ng HRM Students (of all levels) kasi lagi syang nananalo sa mga Bartending Competitions. Pero kahit ganun sya, hindi sya mayabang at hindi sya suplado. Nginingitian nya lahat ng bumabati sa kanya kahit hindi nya kilala. Kaya nga lalong hindi ako nahihiya na maunang magsimula ng usapan.

At natapos ang isang oras na byahe pero wala pa rin akong naisip na maganda gandang sasabihin o ikukwento.

Pagbaba namin sa Cubao ay tinawag nya ako at sabay na kaming naglakad papuntang sakayan ng Divisoria. Yehey sabay kami. At nagsimula na sya sa mga nakakaaliw nyang kwento habang naglalakad kami at tuloy tuloy na hanggang sa makasakay kami ng jeep. Di mawari yung pakiramdam ko. Para bang nakangiti yung puso ko. Ansaya ko.

“Tara dun tayo sa Maria Clara na jeep sumakay. Kasi mabilis yung mga yun saka maganda sounds.” Ayan, ayan ang mga matitinong natututunan ko sa kanya. Kaya namili kami ng jeep at kay Maria Clara nga kami sumakay.

Makwento si Kuya D at masaya sya magkwento. Dahil pareho ang aming kurso at ahead sya ng dalawang taon, marami syang mga kwento tungkol sa mga naranasan nila at tungkol sa mga propesor namin. Kung ano ang mga bloopers nila. Kung ano ang mga dapat paghandaan at mga projects at activities na ipapagawa sa amin. Ako naman nakikinig lang at tumatawa. Marami rin pala kaming common friends. Sa totoo lang, hindi ko sya nakita kahit kalian sa lugar namin. Magkaiba kasi kami ng school na pinanggalingan, Elementary at High School kaya napakalitt ng tsansa na magkasalubong kami. Magkaiba din kami ng barangay na tinitirahan. Pero yung ibang mga school mates ko nung high school ay naging kaklase nya nung elementary at yung iba kabarkada nya. At may mga classmate ako na kapitbahay nya kaya marami rami kaming napagtsitsismisan. Kung kelan naman kolehiyo na kami at sa Maynila na nag-aaral eh saka pa kami nagkakilala.

Bandang Sta. Mesa na at malapit na kaming bumaba sa may paglagpas lang ng Pureza bago umakyat sa Nagtahan Bridge. Ambilis nga ni Maria Clara. Nagsimula ng umambon. Haaay. Bababa na kami. Tapos na ang kwentuhan. Ang bilis naman ng byahe. Bakit walang trapik ngayon? Kung kelan naman masaya yung byahe saka naman sobrang bilis. O baka naman natrapik din kami at hindi ko lang napansin dahil masyado akong naging abala sa pakikipagkwentuhan.

Pagbaba namin ng jeep ay lumakas yung ambon. Wala syang payong kaya nakasilong kaming dalawa sa payong ko. (Actually, wala syang bag kaya wala din syang payong.) Sabi ko, share na lang tayo sa payong. Naglakad kami patungo sa building at nagpaalam sya nung makita yung mga kaklase nyang nakatambay pa sa may mamihan. “Uy salamat sa payong. Sige una na ko andyan yung mga kaklase ko. Magtatanong muna ako kung may assignment ba kami.”

‘Sana lahat ng umaga ganito’.