Zumba Invasion

We Zumba people love us some Pitbull. This could also apply to Daddy Yankee. Check out my post for more about music. http://thezumbamommy.blogspot.com/2013/07/the-dance-styles-and-music.html:
image: someecards.com

Hindi pa man ako nakakauwi ng Pilipinas ay narinig ko na ang bagong kinahuhumalingan ni Ermats – Zumba.

Wala pa pala ako dito ay pinlano na niyang isama ako sa isa sa mga Zumba sesh niya ayon sa aking mga kapatid.

Unang umaga ko pa lang dito ay ginising na ako ni Ermats mga bandang alas kwatro y media ng umaga dahil alas singko y media daw ang Zumba sesh nila. May jetlag pa ako kaya hindi ko talaga kinayang gumising at pinangakong kinabukasan na lang ako sasama.

Kinabukasan ay ginising na naman niya ako at kahit ayaw ko pang bumangon ng ganun kaaga ay pinilit kong dahil nangako ako. Pinagsuot niya ako ng berdeng t-shirt dahil iyun daw ang dress code para sa umagang iyon.

Pagdating namin sa venue na carpark ng Puregold dito sa amin ay nakita ko ang humigit sa 40 mommies, lolas and middle aged ladies na parang magkakakilala na.

Halo ang naramdaman ko. Parang nagsisi ako sa pagsama dahil sa nakita kong mga nagchichismisang mga lola and mommies habang nag-aantay sa pagdating ng Zumba instructor na hindi marunong gumalang sa oras ng ibang tao.

May isa ding Ate na naka gray sleeve less and jogging pants na sumuway na sa dress code ay masama pa kung makatingin.

Nung dumating na yung Zumba instructor ay dali-dali ng nagsalang ng halong retro at makabagong tugtog. Hataw ang mga mommies, indak dito, indak doon. Hindi ako masyadong makasabay dahil medyo parehong kaliwa ang mga paa ko. Halos ayaw ko na ituloy dahil hindi ako makasunod pero ng makita kong marami naman ding hindi makasunod kahit si Ermats pero hataw pa rin sa pagpapapawis ay gumalaw-galaw na lang din ako at nagpaikot-ikot para naman masulit ang binayad kong 50 pesos na registration form.

Mahigit isang oras din kaming pinagtitinginan ng mga tao, lahat ng mga pasahero ng mga dumadaang jeep at tricycle ay nagkakandabali ang leeg sa paglingon sa amin. Hiniling ko lang na sana ay wala akong kakilalang dadaan para hindi ako mahiya sa pinaggagagawa ko.

Nakakapagod ang isang oras na pagpapapawis lalo pa’t hindi man lang ako nakapagalmusal o kape man lang pero ang pinakamahirap kalabanin ay ang amoy ng french fries na tinatangay ng hangin papunta sa akin sa tuwing may magbubukas ng pinto ng McDo sa tabi ng Zumba venue.

Pila Pa Rin ng Pila

Kanina ay nagpunta ako sa isang sangay ng gobyerno upang humingi ng ID. Humigit sa tatlong oras ang pag-aantay at pagpila ko para sa transaksyong inabot lamang ng labing limang minuto.

Naisip ko na parang ang saklap naman ng kapalaran ko na mula kolehiyo pa lamang ay pila na ako ng pila, hanggang ngayon ay pila parin ako ng pila.

Para sa mga hindi nakakaalam, ako ay nagtapos ng kolehiyo sa P.U.P. (Pila Uli Pila este Polytechnic University of the Philippines) na may reputasyong hindi lang nagsusunog ng upuan o kaya ay nagrarally pag tinaasan ng piso ang tuition fee kada unit, kundi kilala din sa napakahabang pila sa Cashier’s Office tuwing bayaran na ng tuition – na hindi naman sa pagp-e-egsahera ng kwento pero naranasan ko talagang pumila mula alas onse ng tanghali hanggang alas syete ng gabi pero hindi pa rin ako nakapagbayad at kinailangan ko pang bumalik kinabukasan dahil sobrang haba talaga ng pila pero siguro at sana naman ay hindi na ganito ang sistema ngayon.

Nung nasa unang taon ako ng kolehiyo, sinabihan kami ng isa sa aming propesor na masanay na kami sa ganung kahabang pila tuwing magbabayad kami ng tuition fee, that’s the price you have to pay for paying only 500 pesos tuition fee, wika niya.

May mga salita na tumatatak sa ating isipan lalo na kung ang nagsabi sa atin ay ang ating mga magulang o guro bilang mas madalas sa hindi, sila ang ating tinitingala at hinahangaan. Hindi ko makalimutan ang sinabing iyon ng propesor namin at pakiramdam ko noon ay dapat kong ipagpasalamat na nag-aaral ako sa isang State U at pakiramdam ko ay dapat nga naman ay magtiis na lang kami sa ganoong sistema bilang napakababa nga naman ng binabayaran naming tuition fee.

Pero kanina habang nakapila ako, naisip kong muli ang sinabi ng dating propesor at pinagnilay-nilayan. Naisip ko na sa murang edad ay itinatak niya na sa isip ko na dapat ay maging mapagpasalamat ako sa kung ano mang ihain sa akin ng gobyerno, na parang ang mapag-aral ng gobyerno (na ang pera naman ay galing sa mga nagbabayad ng buwis) ay isang pribilehiyo at hindi karapatan, na parang sinabi niya na rin na pagtyagaan ko ang katotohanang ipinanganak akong mahirap dahil kung may pambayad ako ng mataas na matrikula ay dapat nag-aral ako sa mamahaling unibersidad para hindi ko kailangang pumila ng mahaba

Inobserbahan ko ang sistema ng sangay ng gobyernong pinuntahan ko kanina. Hindi mabagal ang serbisyo ng mga empleyado dahil halos lima hanggang labing limang minuto lang ang transaksyon ng bawat taong nakapila doon. Ang problema ay yung sistema na tatlo lang ang empleyado para sa isang daang mamamayang dumudulog ng serbisyo ng sangay na ito.

Siguro naman ay alam ng mga nasa sangay ng gobyernong ito kulang ang empleyado para sa dami ng taong kailangang serbisyuhan pero parang hinahayaan lang nila ito dahil ‘mag-aantay naman’ ang mga tao dahil sila ang may kailangan.

Hindi ko kasi maintindihan kung bakit kailangang mag-aksaya ng oras ang mga tao, tatlong oras para sa labing limang minutong transaksyon. Parang hindi makatarungan di ba? Pero madalas ay nananahimik na lang tayo at nagsasabing ‘wala naman tayong magagawa, pagtyagaan na lang natin kaysa hindi matapos ang ating nilalakad na dokumento.’

Paulit-ulit ko pa ring iniisip ang sinabi ng dating propesor at patuloy na pinagninilay-nilayan.

Love Is Never Been

Ako si Mae at ito ang buhay pag-ibig ko.

Nakilala ko si Berto nung ako’y siyam na taong gulang pa lamang. Hindi ko pa alam noon kung ano ang ibig sabihin ng pag-ibig pero duda ko, mas lalong hindi ito alam ni Berto. Parehas pa kaming medyo uhugin noon, mabuti na lang at hindi na ngayon.

Tuwing tag-init ay nagbabakasyon s’ya sa bahay ng lola niya na  kapitbahay namin.

Palagi kaming naglalaro ng tagu-taguan mula umaga hanggang hapon. Sabay kaming nananaghalian at nagmemeryenda sa bahay ng lola niya.

Madalas siyang inaayang maglaro ng tumbang preso ng mga bata sa amin pero hindi niya ako pinagpapalit sa kanila. Ako lang palagi ang kalaro niya. Hindi siya sumasama kahit sino pang bata ang magyayang makipaglaro sa kaniya. Kaya naman pakiramdam ko ay napaka-espesyal ko sa kaniya.

Hindi naiinip si Berto kahit ano pa ang laro namin. Pag nagsawa na kami sa maghapong taguan ay naglalaro naman kami ng bahay-bahayan. Pag nagsawa na kami doon ay habulan naman o kaya ay bisikleta. Pero ang pinagtakhan ko ay kung bakit kahit lutu-lutuan ang laro at damit-damitan ng manika ay ayus lang sa kaniya. Ayun pala si Berto, pagtanda ay magiging si Berta. Pero hindi sumama ang loob ko dahil ngayon ay magbespren kami ni Berta.

Nung high school ako ay mayroon akong nakilala. Michael ang pangalan niya, ubod ng talino at gwapo pa. Lahat yata ng babae sa school ay may crush sa kaniya. Nakakapanlumo, ang liit ng aking tsansa na mapansin niya.

Gabi-gabi ay nagsusulat ako ng mga love letter at itinatago ko sa ilalim ng aking unan. Sabi ng isang kaibigan ko nung high school, pag tinago mo daw ang love letter na sinulat mo sa ilalim ng iyong unan ay mapapanaginipan ka at mamahalin din ng taong mahal mo. Gabi-gabi akong nagsusulat ng love letter para ilagay sa ilalim ng unan ko pero walang nangyari, kaya naman nung inadd ako kahapon sa facebook nung kaibigan kong nagsabi sa akin na magsulat ng love letter ay agad ko siyang binlock.

Hindi ko alam kung paano ako mapapansin ni Michael. Section 1 siya habang ako naman ay Section 35. Sa limampung estudyante kada section na may humigit kumulang tatlumpung babae, ano ang odds na mapapansin niya ako?

Pero ang totoo, sa tingin ko, mas malaki ang tsansa na mapansin ako ni Michael kesa mapataas ko ang grades ko.

Kaya hindi ako sumuko. Nagvandals ako sa CR. Sinulat ko ang Mae and Michael Forever sa loob ng dinrowing kong puso. Siguro naman mapapansin niya ito kapag nagCR siya. Ha. Ha. Ang talino ko talaga. Matapos kong magvandals ay lumabas na ako ng CR at sumipol-sipol pa dahil hindi maglalao’y makikita ni Michael ang sinulat ko. Kapag kayo ang naka-destine para sa isa’t isa, pagtatagpuin kayo ng universe sa kahit papaanong paraan.

Nakagraduate na kami’t lahat ng high school ay hindi pa rin niloob ni destiny na mabasa iyon ni Michael. Hindi niloob ni destiny na pumasok si Michael sa loob ng CR ng mga babae.

Nung college ako ay nakilala ko si Jake. 3rd year ako habang siya naman ay graduating na. Unang beses niya akong niyayang mag-date sa tapsilugan sa kanto. Ang sweet niya. Nilibre niya ako ng extra rice kasi ako na daw nagbayad ng lahat ng kinain namin kaya siya na daw bahala sa extra rice.

Sabi ni Jake ay kailangan niya daw ng tulong ko. Ako naman ay willing tumulong kahit ano pa ito. Kailangan niya daw ng mga references para sa thesis niya. Kailangan daw isulat yung name nung book, year published at yung author.

Kahit hindi ko talaga alam kung ano ang kailangan ni Jake, pumayag na lang ako. Sabi niya, sa National Library daw sa may Kalaw maraming libro. Dun daw ako maghanap ng mga references. Pagtapos ko daw ilista lahat, itype ko daw sa computer at i-save sa diskette niya.

Maghapon ako sa National Library pero dalawang reference lang ang nahanap ko na may kinalaman sa thesis niya. Pero hindi ko dapat biguin si Jake. Umimbento ako ng title ng mga libro at nilagay kong pangalan ng mga author ang pangalan ng lahat ng mga tiyo at tiya ko pati ng mga pinsan ko. Siguro naman ay mataas ang markang makukuha ni Jake sa dami ng mga reference na nilagay ko.

Nagkita kami ni Jake ng matapos ko ng gawin ang pinagawa niya. Inabot ko ang diskette sa kaniya at hinalikan niya naman ang aking noo. Kinilig ako. Sabi n’ya, salamat Mae. Wish me luck! Sabay naglakad na siya papalayo.

Hindi ako nakapagreact ni nakapagsalita dahil sa gulat at kilig ko matapos niya akong halikan sa noo. Kami na ba? Ang tanong ko sa sarili ko. Pero parang isang beses lang naman kami nagdate sa tapsilugan, yun na ba yun?

Hindi ako nakatulog nung gabing iyon kaya imbes na humiga ay nagreview na lang ako para sa final exam namin kahit wala talagang pumapasok sa utak ko. Binubuklat ko lang ang mga notes ko pero ang totoo ay iniimagine ko ang paghalik ni Jake sa noo ko. Inlove na ba ako? Inspired na inspired ako ng gabing iyon at hindi ko mapigilang isulat ng paulit-ulit sa mga blankong papel sa notebook ko ang Mahal, you are an inspiration.

Inantay ko si Jake sa labas ng campus nung araw ng defense nila. Gusto ko siya icongratulate pero lumabas na at lahat ng mga classmates niya ay hindi ko pa rin siya nakikita.

Umuwi na lang ako at hindi ko na siya nakita pa.

Hindi madaling maghanap ng trabaho pagkagraduate ng kolehiyo. Sa dami ng mga gumagraduate taon-taon at sa napakakaunting trabahong nababakante ay napakahirap talaga. Pero matapos ang anim na buwan kong pagtambay, sa tulong ng mga amiga ng nanay ko ay nakapasok ako bilang receptionist sa isang law firm.

Maliit lang ang law firm na ito. May tatlong abogado na may kani-kaniyang opisina at ako naman ang nasa reception na siyang sasagot ng tawag, haharap sa mga bisita at magtitimpla ng kape ng mga abogado at mga bisita.

Ang mga abogadong boss ko ay sina Sir Fred, Sir John at Sir Eric. Naisip ko lang, wala kaya sa tatlong ito ang destiny ko?

Si Sir Fred na medyo seryoso ay nasa 40 plus na ang edad at pamilyado na kaya tatanggalin ko na siya sa pagpipilian. Sayang at napakapogi niya pa naman. Tall, dark and handsome. Napaka gentleman niya pa at napakamahinahon. Nakikita ko kapag babae ang kliyenteng bumibisita sa kaniya ay hinahatid niya pa ito sa labas pag tapos na ang meeting at pinagbubukas ng pinto ng kotse.

Si Sir John naman ay nasa 30 plus ang edad, medyo masungit at tahimik at dapat walang gatas o creamer ang kape niya at may isang kutsaritang asukal lang. Dapat din ay hindi gagalawin ang mga papeles niya sa lamesa at ayaw niya itong ipalinis sa akin kahit minsan ay gusto ko lang punasan ang alikabok.

Single pa siya kaso nga ay ubod ng sungit at hindi man lang ngumingiti, napakagwapo pa man din sana. Balita ko din ay wala pa siyang nagiging girl friend kaya ganyan kasungit.

Si Sir Eric naman ang pinakabata sa lahat, 27 years old pa lang, masayahin, palabati at gwapo pa. Maputi siya at may dimples sa kanang pisngi at napakaputi ng pantay-pantay na ngipin. Hindi ko alam kung bakit nasa law firm siya, dapat ay nag-artista na lang siya. Palagi niya akong kunukulit at dinadalhan ng pasalubong na chocolate kapag galing siya sa meeting sa labas. Napaka sweet niya. May chance kaya na siya ang destiny ko?

Ilang buwan pa ang nakalipas at wala naman akong naging problema sa trabaho ko dahil medyo madali lang naman ito. Kasundo ko naman ang lahat ng mga boss ko pero nalaman ko din na wala sa kanila ang destiny ko.

Nakilala ko ang office boy sa kabilang building ng magsimula siyang magdeliver ng mga papeles para sa mga amo ko.

Once a week lang siya dumadaan sa opisina para maghahatid ng mga papeles nung una. Pero di naglaon ay halos araw-araw na siyang nasa office kahit wala siyang papeles na dala.

Billy ang pangalan niya.

Niligawan ako ni Billy at lagi niya akong dindalhan ng siopao. Minsan asado, minsan bola-bola. Makulit si Billy at mahilig magbiro, maasikaso at maalalahanin kaya naman nahulog agad ang loob ko sa kaniya. Hindi nagtagal ay sinagot ko na siya. Naging kami na.

Abot langit ang saya ko noon dahil sa wakas ay hindi na ako NBSB. Hindi na ako kakantsawan ng aking mga friends at pati na rin ng aking mga tiyo at tiya. May natatanggap na rin akong bulaklak at stuff toy sa wakas at may naghahatid na rin sa akin pauwi ng bahay.

Tumagal ang relasyon namin ni Billy. Nagbilang kami ng buwan hanggang umabot na kami ng dalawang taon. Parang napakaperpekto ng lahat. Minsan iniisip ko kung ano ang magiging reaksyon ko kapag nagyaya si Billy ng kasal. Handa na ba ako? At siya na kaya talaga?

Kilalang-kilala na si Billy ng aking pamilya at mga kaibigan pero napansin kong hindi niya pa ako pinapakilala sa kahit isang kamag-anak niya. Dahilan niya’y nasa IloIlo lahat ng kamag-anak niya at sooner or later ay dadalhin niya daw ako doon.

Isang umaga ay may natanggap akong text sa isang number na hindi nakaregister sa cellphone ko. Ang nakasulat lang ay Homewrecker.

Finorward ko ang text na iyon kay Billy pero wala akong natanggap na reply. Tinawagan ko siya pero nakapatay ang cellphone niya. Pumasok ako sa opisina at nung lunch break ko ay pumunta ako sa opisina nila Billy pero ang sabi ay hindi daw siya pumasok nung araw na iyon.

Hindi ko na muling nakita pa si Billy.

Umiyak ako ng umiyak. Inalo ako ng tatlong kong gwapong amo. Sinabihan nila akong magpahinga muna ng ilang araw at sila na muna ang sasagot ng lahat ng tawag at sila na din muna ang magtitimpla ng sari-sarili nilang kape.

Umiyak ako ng umiyak mula umaga hanggang gabi. Magang-maga na ang mga mata ko pero parang hindi nauubos ang luha ko. Madalas ay wala akong ganang kumain pero minsan nauubos ko ang isang galon ng vanilla ice cream.

Pinanood ko ng ilang beses ang Titanic at inisip na sana ay namatay na lang din sa lamig si Billy tulad ng pagkamatay ni Jack.

Hindi ko na alam kung ilang araw at gabi ang lumipas basta iyak lang ako ng iyak.

Ilang linggo pa ang nakalipas ay medyo nahimasmasan na ako. Nakakasagot na ulit ako ng tawag sa opisina at natitimpla ko na ng tama ang mga kape nila pero madalas ay nakatulala ako na para bang inaantay ko na biglang magpakita muli si Jack. Pero hindi na talaga siya nagbalik.

Isang araw habang nakatulala ako sa opisina at nag-iisip  ng mga paraan para makalimot, tinawag ako ni Sir John at inutusan na i-print ang file na sinend niya sa akin.

Nakita ko ang unang pahinang may nakasulat na ‘A Novel by John Cruz.’ Sinearch ko sa google kung ano ang ibig sabihin ng novel.

Nung gabing iyon, nagmamadali akong umuwi ng bahay. Pagdating na pagdating ko pa lang ay binuksan ko ang computer ko at nakita ko na lang ang sarili ko na nagsusulat ng nobelang pinamagatang Love Is Never Been.

 

** ang inspirasyon ng maikling kwentong ito ay ang mga vandals na nakita ko sa CR sa Baclaran na siyang mga larawan sa post na ito

Habulin Ako Eh

December pa pala nung nagpost ako na nagiisnorkeling ako dahil gusto ko magkaroon ng abs na katulad ng kay Dionne Monsanto. Pero hindi ko pa masyadong sineryoso ang languy-languyan ko noon.

Nagsimula ang aking masigasig na paglangoy bago matapos ang buwan ng Enero.

Tuwing hapon bago pumatak ang alas sais ay hindi na mapakali ang pwet ko sa upuan sa opisina dahil nagmamadali na akong magpalit ng kasuotang panlangoy.

Iniiwan ko ang mga trabaho na hindi urgent at binabalikan ko na lang sa gabi matapos ang aking paglangoy at pagkain ng hapunan.

Nakakaadik pala ang paglangoy. Lungkot na lungkot ako sa mga araw na hindi ako nakakalangoy. Minsan pakiramdam ko ay para akong isdang hinuli at inahon mula sa tubig na nagpupumiglas at nagmamadaling makabalik sa tubig.

Pero sa halos tatlong buwan ko ng paglalangoy sa humigit kumulang 45 minutes kada araw (na may distansyang 600 meters) ay parang wala namang abs na nangyayari. Minsan pa may nagtanong sa akin kung ‘may progreso’ daw ba? Kako anong progreso? Kung nabawasan daw ba ako ng timbang mula sa araw-araw na paglangoy. Sinagot ko na lang ang nagtanong na ito na hindi naman ako nagpapayat. Sa loob-loob ko, ayokong pumayat. Gusto ko lang ng abs.

Pero infairness, hindi man nababawasan ang timbang ko, nababawasan ang taba ko. Feeling ko nagiging muscles na yung mga fats. Isa pa, ang healthy ko at ang gaan ng pakiramdam at pag tumitingin ako sa salamin, kahit walang abs ay masaya ako  – at ito naman ang pinakamahalaga. Ang maging masaya ka sa iyong pangangatawan at wala kang pakialam sa sasabihin ng iba.

Hindi ako naglalangoy para pumayat at purihin ng mga kapwa ko babae o maging habulin ng guys. Wala na akong amor sa ganyan dahil may asawa na ako. Noong single ako oo, ninais kong maging habulin kahit minsan lang pero wala talaga. Yung mga cute na guys na inilusyon kong habulin ako ay sa panaginip lang ako hinahabol, ng itak.

Pero ngayon, nagbabago na ata. Hindi ko inasahang maging habulin sa time na hindi ko na ito kailangan. Pero hindi tao ang humahabol sa akin kundi mga marine creatures. Baka amoy isda na ako sa kakaligo sa dagat kaya hinahabol nila ako.

Noon ay mga stingray ang humahabol sa akin. Ngayon naman ay trigger fish.

Pabalik na ako sa pampang ng may nakasalubong akong trigger fish. At para sa inyong kaalaman, ito ang itsura ng trigger fish:

 

Image result for trigger fish
image by: Scuba Dive Asia

Hindi naman sa choosy ako ‘no, pero kung sana may itsu-itsura yung isdang hahabol sa akin ay baka makipaghabulan ako. Sana man lang dolpin na lang ang nanghabol o kaya ay pagong. Pero trigger fish pa talaga ang nanghabol sa akin.

Balita ko, ang trigger fish daw ay nananatili sa medyo kababawan kapag nagmamarka ng teritoryo nila. At habang nagmamarka sila ng teritoryo at may nakita silang ibang creatures na palangoy-langoy sa paligid lalo na kung natethreaten sila sa creature na iyon ay sinusugod nila ito.

Kanina nga ay nakasalubong ko ang isang trigger fish na halos ga-braso ang haba na kamukhang kamukha at kakulay nung nasa litrato. Ok na sana dahil papunta pa lang s’ya ay pabalik na ako pero nung nilingon ko ay bigla siyang bumalik at humabol. Natakot ako. Ang laki ng ngipin nito. Kayang kayang pumutol ng daliri ng paa ko. Wala akong suot na flippers.

Ngayon lang, sa ilang buwan ko ng paglalangoy, ako nakalangoy ng ganun kabilis. Yung usual na 35 to 45 minutes kong langoy na minsan ay isang oras pa pag malakas ang alon, ay nadali ko ng wala pang 30mins.

Hindi ko malaman kung paanong langoy ang ginawa ko kanina para lang makalayo. Lahat na ata ng estilo ng pagkampay at pagpadyak ay nagawa ko para bumilis, Butterfly stroke na lang ata ang hindi ko nasubukang gawin dahil hindi ako marunong nito. At kanina lang ako nainitan ng husto habang lumalangoy na pakiramdam ko ay pinagpapawisan ako kahit nasa tubig. Feeling ko talaga nagpawis ako dahil nakita ko ang mga bubbles sa may braso at siko ko, yung bubbles ba na katulad ng sa cherry pag nilagay mo sa baso ng sprite.

Anyway, sa anumang kadahilanan ay nawala na ang suitor kong trigger fish at nakahinga ako ng maluwag. Ayoko na maging habulin. Mahirap pala iyan.

swimming-sabaw
syempre ako yang nasa kaliwa ha ha

Magsusulat Na Lang Ako Ng Kahit Anong Gusto Ko

Kailan lang ay nabasa ko ang libro ni Jack Alvarez na Ang Autografia ng Ibang Lady Gaga. Sa unahang parte ng libro ay nasabi ni Jack na kung karamihan daw sa mga OFW ay matututo magsulat, mamulaklak siguro ang libo’t isang karanasan at kwento, adhika at inaasam, damdamin at dunong (pati ng iba’t ibang hilatsa ng kasiningan) na mapapagsaluhan ng bansa; isang tunay na pagyabong ng panitikan.

Gusto kong pumalakpak matapos kong basahin ang parteng ito.

Nakaka-inspire.

Naisip kong sa tagal ko ng nasa ibang bansa, napakarami ko ng naranasan at nasaksihan na kung noon pa man ay sinimulan ko ng isulat ang lahat ng mga ito ay baka ilang nobela na siguro ang naisulat ko.

Noon ko pa gusto na magsulat ng libro ng maiikling kwento na tungkol sa mga karanasan ko sa ibang bansa pero hanggang plano lang ang lahat.

Pero ang kagustuhang ito ay muli na namang nabuhay matapos ko basahin ang libro ni Jack Alvarez.

Nagsulat ako ng dalawang maikling kwento at ang isa ay pinost ko, ang kwento ay pinamagatang Chai.

Pagtapos ko itong isulat ay inisip ko kung ipopost ko ba dahil parang hindi ko ito likha. Parang sinulat ko lang pero parang hindi ako ang nagsulat. Ang gulo. Pero yun ang pakiramdam ko.

Hindi ako masyadong natuwa sa sinulat kong ito. Para kasing pilit ang pagkakasulat.

Ito ang problema ko noon pa pag masyadong nakakainspire ang mga librong nababasa ko. Kaya hinding-hindi na talaga ako magsusulat kapag kakatapos ko lang magbasa ng napakagandang libro o artikulo.

Ito pala ang dahilan ng pagiging ningas kugon ko at ng pagkakaroon ko ng napakaraming folder sa desktop ko na pinamagatang Writing Project 1, 2,3…. na lahat ay walang laman.

Hindi ko na muna pagiinteresan ang pagsusulat ng libro, hindi naman ako propesyonal na writer at wala naman akong pinag aralang tungkol sa creative writing.

Magsusulat na lang ako ng kahit anong gusto ko.

Magsusulat ako kung kailan ko gusto.

Magsusulat ako kung ikasasaya ko.

Magsusulat ako gamit ang estilo ko at hindi ang estilo ng iba kahit gaano man ito kahusay o kaganda.

Magsusulat ako ng mga likhang gugustuhin kong basahin ng paulit-ulit matapos ko itong ma-i-publish.

Hindi ko alam kung ako lang ba ang may isyu sa pagiging Over Inspired. Kayo rin ba?

 

Flat Lay

Hindi ko maintindihan ang konsepto ng flat lay.

Sinubukan ko itong gawin nung nakaraan at medyo nagtagumpay naman ako sa paglalagay ng 3 in 1, skyflakes at lipstick sa tabi ng libro.

20170207_192921

Pero ang hindi ko maintindihan, may rule ba sa paglalagay ng mga bagay-bagay sa paligid ng main object?

Halimbawa, kapag ang main object ay libro, ano ang mga background object na pwede dito? Tasa ng kape? Mga lapis at notebook? Bulaklak? Pero pwede mo ba itong lagyan ng lata ng facial cream at garapon ng hand cream sa gilid? Kung ganon, ano ang kinalaman ng facial cream sa libro?

Ang pagpili ba ng mga bagay na ilalagay sa flat lay ay tulad ng pagsama-samahin ang pare-pareho? O dapat ba parang connect the dots? O dapat bang ang mga bagay na katabi ng main object ay may kinalaman dito? O basta ba kakulay at ka hugis ay pasok na?

Para kasing nakakadistract pag may mga bagay sa gilid na walang kinalaman sa main object (kung main object ba ng tawag dito).

Ang laki ng problema ko.

Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga

Ang Autobiografia ng Ibang Lady Gaga ay sinulat  ni Jack Alvarez, isang OFW na nakabase sa Saudi Arabia.

Kinuha ko ang librong ito sa NBS, randomly at akala ko, yung usual na makabagbag damdaming kasaysayan na naman ng mga OFW na overly-dramatic at kung anek anek pa ang mababasa ko. Pero mali ako.

Nagulat ako sa mga kwentong tumambad sa akin nung mabasa ko ang librong ito.

Ang sabi sa likuran ng libro ay confession daw ito ng may akda at kung totoo man ang lahat ng mga kwentong nasa loob ng librong ito ay saludo ako kay Jack Alvarez. Una, dahil sa tapang niyang harapin lahat ng mga hinarap niya sa Saudi, ultimo pagkakakulong ng ilang araw at pangalawa, dahil sa tapang niyang ihayag ang mga sensitibong parte ng buhay niya.

Para sa mga nakapagtrabaho sa Gitnang Silangan, kahit pa hindi talaga sa Saudi, basahin niyo ito. Paniguradong kahit isa sa mga dagling kwento ni Jack Alvarez ay makakarelate kayo.

At kung hindi man kayo makarelate dahil hindi niyo naranasan ang kahit isa man sa mga kwento niya, maaliw naman kayo sa pagbabasa dahil sa husay ng pagkakasulat niya ng mga isyung kinakaharap ng mga OFW na minsan ay pinipikitan na lang natin ng mata, mga isyung pabulong lang natin minsan kung pag-usapan at mga isyung minsan ay ating tinatakasan.

20170207_192921
Nag-effort ako mag flat lay mga Bes! Pansinin niyo! Nag-effort ako!!!

Banyo Kings

Nitong huling bakasyon ko, dinalaw namin ni Erpats at ni Hubby yung lupang nabili ko na kasing laki lang halos ng paso.

Habang tinitingnan namin yung lupa ay nangangarap kami na sana matayuan na ito ng bahay dahil tumataas na yung mga talahib at namumunga na yung ilang papayang itinanim ng mga future kapitbahay ko.

Habang nagda-day dream kami ay lumapit sa amin ang isang manong na nagpakilalang si Roger (na tatawagin kong Ka Roger) at tinanong kung sa amin daw ba yung bakanteng lupang katabi ng bahay nila.

Nung kinompirma namin na kami nga ang magiging kapitbahay niya ay agad niyang sinabing naku patayuan mo na ng bahay ‘yan at tumataas ang presyo ng materyales. Maghanda ka na din ng mga 2M.

Agad-agad ibinida ni Ka Roger sa amin kung magkano ang nagastos n’ya at kung gaano karaming kwarto at banyo meron siya.

Iyan, apat ang banyo niyan! Bawat kwarto may banyo! ika ni Ka Roger.

Nung marinig naming mag-asawa ‘yan, nagkatinginan kami at natawa. Sa isip ko, patay na, makakahanap ng katapat sa kwentuhan si Erpat.

At hindi nga ako nagkamali.

Tama ka naman, sabi ni Erpats kay Ka Roger. Mahirap kasi pag malaki pamilya mo tapos kaunti ang banyo. Nag-aantayan sa umaga. Kami nga tatlo na yung banyo, pinagawan ko pa sa labas ng isa pang paliguan lang. (Yung totoo, 2 lang banyo namin sa bahay + isang extrang paliguan ha ha).

Hindi na nakatiis pa si Ka Roger at inaya kami sa bahay para ipakita niya ito. Nagulat nga ako dahil perstaym pa lang namin nagkita pero talagang inaya niya kami sa kanilang bahay (pano kung modus operandi pala kami ha ha ha).

Infairness kay Ka Roger, maganda ang loob ng bahay niya pero hindi ko maisip kung paano nagkasya ang apat na kwarto sa 60sqm na lote plus parking pa, kahit pa 2 storey ito.

Ibinida ulit ni Ka Roger na malaki ang nagastos niya talaga noong unang batch ng pagpapagawa niya kasi iba yung kontraktor. Nakatipid daw siya ng kaunti nung yung anak na n’ya yung kontraktor.

At dahil naibida ni Ka Roger ang propesyon ng kaniyang anak, sa kung papaanong paraan ay naisingit naman ni Erpat na ako ay isang OFW.

Aalis na ‘yan uli sa Martes  pabalik ng Maldives, ika ni Erpats.

Ah ganun ba? Sagot ni Ka Roger. Saan ba yung Maldives?

At ako na ang nagpaliwanag dahil alam kong hindi alam ni Erpats kung nasaan ba talaga ang Maldives at nagpaalam na din ako dahil hindi matapos tapos ang pagbibidahan nila kung hindi kami aalis.

Pagkaalis na pagkaalis namin ay natawa ako ng malakas at sinabi kay Erpat, siguro Bisaya din yun, parehas kayong mayabang eh (no offense sa mga friends kong Bisaya – internal biruan lang namin yun ni Erpats).

Pero kahit na parehas medyo palabida si Erpats at si Ka Roger, natawa ako at natuwa dahil hindi dalawang mayabang na tao ang nakita ko sa kanila kundi dalawang amang parehas na ipinagmamalaki ang kanilang mga anak.

Para lang silang dalawang amang umattend ng recognition day ng mga anak na nagbibidahan kung kaninong anak ang nakatanggap ng mas maraming medal.

Palengke Chronicles 9: Spaghetti Strap

Lumapit sa akin si Buding kanina na kumakanta ng ay mas, ay mas, ay mas inkris may bas habang parang bibe na pinapagaspas yung pakpak.

Kako, ‘nak sa’n mo na naman natutunan ‘yan?

Kay Ate Sione po, sagot naman n’ya habang patuloy pa rin ang pagkanta ng ay mas inkris may bas.

Pati ba naman ehersisyong pampalaki ng boobs ay tinuturo nila Sione sa anak ko? At ano na naman bang pauso ito? Kaya naman para malaman ko, matapos mananghalian ay nakiusyoso ako kila Sione at sa mga girls dahil nag-uumpukan sila’t mukhang may bagong pinagkakaguluhan. Alam n’yo naman dito, napakabilis mauso ng mga bagay-bagay.

Nakita kong kumakanta si Sione ng ay mas inkris may bas habang parang bibe na pinapagaspas yung pakpak. Nagtatawanan namang nakikigaya yung ibang mga tindera. Pero may napansin din akong kakaiba kay Sione.

Lumapit ako sa umpukan ng mga girls.

Kako, hoy Sione, bakit naman nageehersisyo kayo ng ganyan sa harap pa ni Buding? Nakokopya tuloy.

Hindi ho namin siya tinuruan ah, siya lang yung gumaya na lang, sagot naman n’ya.

Yung anak ko pa ‘yong nasisi nila ‘no? Pero bukod pa d’yan, di ko talaga natiis na punahin ang suot ni Sione.

Kako, Sione aba at naka spaghetti ka ata ngayon?

Ngumiti lang si Sione at tinaas ang kanang kilay. Biglang nagsalita si Cheenee.

Ate Mertha, di mo ba napansing napakaputi ng kilikili ni Sione? Kaya nga keri na niyang mag spaghetti ngayon. 

Aba, napatingin ako sa kilikili n’ya at oo nga. Mala porcelana sa puti. Ano kayang ginawa niya?

At ano naman ang pinahid mo riyan para pumuti? Tanong ko kay Sione.

Ngumiti ulit siya at tinaas ang kanang kilay. Tawas lang ‘yan Ate Mertha,  ang sabi niya habang ginagalaw galaw ang balikat n’ya tulad sa commercial ni Alice Dixon habang sinasabi ang linyang I can feel it.

Asus, sagot ko habang nanliliit ang mata ko. Di ako naniniwala. Kahit pa tawas lang ang gamitin eh mangingitim ang kilikili kapag binubunutan ng buhok. Malamang may hokus pokus na ginawa itong si Sione.

I smell something fishy.

Minatyagan ko at ilang araw nga talagang puro mga de-spaghetti strap ang damit ni Sione. At talagang pinagtataasan niya pa ang kamay at braso habang nanuningkit ng mga panindang damit.

Sa isip-isip ko, malalaman ko din ang hokus pokus mo. Imposibleng tawas lang ang ipinahid mo.

Kinabukasan ay hindi pumasok si Sione dahil daw magbebeach sila sa Batangas at dalawang araw daw sila doon. Pinakita niya pa sa amin yung mga two piece na isusuot niya. Kaya pala nagpaputi ng kilikili at nagpapalaki ng boobs. Magtwo-two piece pala.

Hmmmm I smell something fishy. Muli ay nanliit ang mga mata kong katulad ng kay Maricel Soriano pag nagtataray.

Limang araw na ang nakalipas bago muling pumasok si Sione.

Naka long sleeve si Sione kahit sobrang init. At hindi na siya kumakanta ng ay mas ikris may bas.

Hindi ako nakatiis kaya nagtanong ako, oh Sione, asan na mga spaghetti mo? Bakit naka longsleeves ka?

Sagot n’ya eh, medyo na sunburn ho kasi ako. Sabay tumalikod na siya at nagtupi ng mga paninda. Duda pa rin ako sa sagot n’ya, kung na sunburn ang mga braso niya, bakit amputi pa rin ng mukha n’ya.

Hmmm, I smell something fishy. Muli ay nanliit ang mga mata kong katulad ng kay Maricel Soriano pag nagtataray.

Ilang araw pa ay hindi na naka longsleeves si Sione, naka tshirt na lang. Walang bakas ng sunburn ang mga braso n’ya.

Maya-maya ay nakita kong patakbo takbo si Buding at pari’t parito habang kumakanta ng ay mas inkris may bas, ng biglang may narining kaming tili. Hinanap namin kung saan nanggaling ang tili at nakita namin si Sione at ang anak kong nakatitig lang sa kanya at gulat na gulat dahil sa lakas ng tili niya.

Ansakit Buding, sabi ni Sione sa anak ko habang magkakrus ang mga braso niya at sapo ng mga kamay niya ang kilikili niya.

Nangingilid ang luha ni Sione kaya halatang nasaktan siya. Tinanong ko si Buding, kako, ‘nak anong ginawa mo? Bakit nasaktan si Sione?

Nikiliti ko lang kilikili n’ya eh, sagot naman ni Buding.

Wag mo na ulit gawin ‘yon, sabi ko kay Buding.

Isang hiwaga pa rin sa akin kung paanong pumuti ang kilikili ni Sione at kung bakit ayaw na niya itong ipakita ngayon at kung bakit ito masakit. Ano kaya ang nangyari?

Ilang araw pa ang nakalipas ay hindi na naungkat pa ang tungkol sa kilikili ni Sione at nakalimutan na ang kantang ay mas inkris may bas.

Isang matumal na hapon habang nakikipagkwentuhan sa akin si Cheenee, may isang mamang naglalako ng mga nail cutter, nipper at tawas. Inaalok ako ng mama ng super tawas pero hindi naman ako gumagamit no’n kaya itinuro ko si Sione para s’ya ang maalok tutal s’ya naman ang gumagamit ng tawas.

Natawa bigla si Cheenee. Tinanong ko kung bakit.

Hindi naman talaga gumamit ng tawas si Sione para pumuti yung kilikili n’ya.

Kako, eh naku, ganun ba? Gustong-gusto ko na malaman kung ano ba talaga ang sikreto ni Sione pero nagtitimpi lang ako at nagpapasimple. Inantay kong si Cheenee ang magkwento sa akin kahit atat na atat na ako sa chika.

Pinahidan n’ya ng Maxifeel yung kilikili n’ya kaya pumuti ora mismo. Kaso may problema, sabi ni Cheenee at huminto saglit at sinilip kung may ibang taong malapit sa amin na makakarinig.

Luminga linga kaming dalawa at lumapit ng kaunti sa akin si Cheenee at pabulong na sinabi, nasunog yung kilikili niya nung maligo s’ya sa dagat. Tumawa ng mahina si Cheenee matapos sabihin iyon.

Sinasabi ko na nga ba. I smelled something fishy. Muli ay nanliit ang mga mata kong katulad ng kay Maricel Soriano pag nagtataray.

Sa Likod ng UV Express Van

Nung mapadaan kami ng Trinoma (ako, si Ermats, si hubby at si Sister Dear), nakita namin yung display ng mga kotse at natawag ang aming pansin ng Chevrolet Duramax Trailblazer 2017 Model.

chevrolet
may problema na ata ang kamay ko sapgakuha ng litrato…madalas blurred

Gandang-ganda kami sa sasakyang ito dahil maluwag ang loob at ayon kay Ateng Sales  Lady ay ito daw ang pinakamaluwag sa lahat ng mga 4×4 ngayon.

Isa pa ay napakataas nito at talagang pwedeng-pwedeng pambaha, panlubak at pambundok. Saktong-sakto sa lugar kung saan kami nakatira. Hindi naman kami dumadayo sa bundok pero may mga kalsadang sa sobrang lalim ng lubak ay feeling mo matarik na bundok ang tinatahak mo na kung mababa ang sasakyan mo ay hindi uubra.

Alam niyo yung mga kalsadang binatakan ng bakal habang sinesemento? Yung kahit may budget ay tinitipid para lang maraming makurakot? Maraming ganitong kalsada sa may amin, at malamang ay sa inyo rin.

Kaso lang 1.4m ang presyo ng sasakyang ito at 148k ang down payment. Ilang isda ba ang aking huhulihin bago makaipon n’yan?

So dahil wala naman kaming pambili ng sasakyan ay nagtungo na lang kami sa JCO para magkape. May libre palang donut kapag bumili ng kape.

jco

Hindi kami makaget over sa ganda nung Chevrolet na yun kaya’t hanggang sa maubos na namin ang kape at donut at nagsimula na kaming maglakad papunta sa terminal ng UV Express ay pinaguusapan pa rin namin ito.

May isang van na nakaparada sa terminal at nung dumating kami ay tinawag kami ng barker at sinabing apat na lang aalis na!

Natuwa naman kami at hindi na namin kailangan pang mag-antay.

Dun kami sa likod ng van dinala ng barker. Tanong ni hubby sa barker, akala ko ba apat pa? Dahil ng tingnan namin ay parang pang dalawa na lang ang space.

Sabi nung barker, apat pa yan! Sabay talikod at naglakad palayo dahil alam niyang hindi na makatarungang paupuin ang apat sa upuang pangdalawa.

Hindi na lang kami nagsalita dahil naipit din kami sa pagitan ng magtitiis ba kami sa maliit na space o mag-aantay pa kaming mapuno ito at umalis para sa susunod na sasakyan na kami sasakay.

Pero naisip namin na sumakay na lang para makauwi na dahil pa-rush hour na din no’n at gusto na naming makauwi agad.

Nagkasya si Ermats at Sister Dear dun sa upuan sa may bandang kanan at kami naman ni hubby ang pumwesto dito sa may kaliwang bahagi. Ako ang nahuling umupo. At halos wala pa sa isang kapat ng left and right wetpax ko ang nakaupo. May katabi kasi kaming babae na may kargang anak na chubby kaya halos pang dalawang tao ang sakop ng pagkakaupo ni ate. Idagdag pa ang kalaparan ng balakang ko kaya hindi ko maisiksik.

Inisip ko kung worth 50 pesos ba ang pagkakaupo kong iyon dahil hindi pa man kami umaalis ng Trinoma ay nangangawit na ako.

Pinanalangin ko na lang na sana ay hindi trapik para mabilis ang biyahe pero medyo trapik sa may Commonwealth ng gabing iyon. Umuusad pero mabagal.

Dahil sa pangyayaring iyon ay lalong umigting ang aming kagustuhang bumili ng Chevrolet at kung kailang kami makakabili ay isang malaking katanungan.

Pero libre lang naman mangarap kaya nilubos-lubos na namin. Sabi ni Ermat ipa-tint daw namin yung mga salamin. Tanong naman ni Sister Dear, saan nga pala natin ipapark yun if ever makabili nga tayo? Sagot agad ni Ermats na ipapatibag niya yung pader ng bahay para magka-space.

(Later on, pagdating sa bahay, kinuwento namin kay Erpats ang mga pangyayari at pangarap. Mas matindi pa pala sa amin si Erpats. Pag daw nakabili na kami ng Chevrolet, gagawan niya ng 3rd floor ang bahay at doon daw ipaparada. Automatic parking daw ang gagawin niya. Pagdating ng sasakyan sa ground floor, may pipindutin lang daw at kusa ng tataas ang sasakyan papuntang 3rd floor).

Kinonsidera din namin ang long term gastos kung bibili kami ng Chevrolet. Hindi kasi siya tulad ng mga Toyota or Mitsubishi o Nissan na available sa kanto-kanto ang mga spare parts in case masiraan. Para siyang Ford o Bentley o Chedeng na kailangan mo atang dalhin sa service center at talagang mahal ang maintenance.

Pero anu’t-ano pa man, first love namin si Baby Chevee kaya yun pa rin ang gusto namin.

Panay ang tawa namin mula nung umalis ang Van sa Trinoma hanggang sa makarating kami sa amin dahil sa alam naming kahit anong gawin namin ay wala kaming pambili ng Chevrolet at dahil din sa itsura namin sa likod ng UV Express van at sa kinakalambre na ang mga binti namin.

Tumawa na lang kami ng tumawa kahit na ang sakit-sakit na.