Palengke Chronicles 9: Spaghetti Strap

Lumapit sa akin si Buding kanina na kumakanta ng ay mas, ay mas, ay mas inkris may bas habang parang bibe na pinapagaspas yung pakpak.

Kako, ‘nak sa’n mo na naman natutunan ‘yan?

Kay Ate Sione po, sagot naman n’ya habang patuloy pa rin ang pagkanta ng ay mas inkris may bas.

Pati ba naman ehersisyong pampalaki ng boobs ay tinuturo nila Sione sa anak ko? At ano na naman bang pauso ito? Kaya naman para malaman ko, matapos mananghalian ay nakiusyoso ako kila Sione at sa mga girls dahil nag-uumpukan sila’t mukhang may bagong pinagkakaguluhan. Alam n’yo naman dito, napakabilis mauso ng mga bagay-bagay.

Nakita kong kumakanta si Sione ng ay mas inkris may bas habang parang bibe na pinapagaspas yung pakpak. Nagtatawanan namang nakikigaya yung ibang mga tindera. Pero may napansin din akong kakaiba kay Sione.

Lumapit ako sa umpukan ng mga girls.

Kako, hoy Sione, bakit naman nageehersisyo kayo ng ganyan sa harap pa ni Buding? Nakokopya tuloy.

Hindi ho namin siya tinuruan ah, siya lang yung gumaya na lang, sagot naman n’ya.

Yung anak ko pa ‘yong nasisi nila ‘no? Pero bukod pa d’yan, di ko talaga natiis na punahin ang suot ni Sione.

Kako, Sione aba at naka spaghetti ka ata ngayon?

Ngumiti lang si Sione at tinaas ang kanang kilay. Biglang nagsalita si Cheenee.

Ate Mertha, di mo ba napansing napakaputi ng kilikili ni Sione? Kaya nga keri na niyang mag spaghetti ngayon. 

Aba, napatingin ako sa kilikili n’ya at oo nga. Mala porcelana sa puti. Ano kayang ginawa niya?

At ano naman ang pinahid mo riyan para pumuti? Tanong ko kay Sione.

Ngumiti ulit siya at tinaas ang kanang kilay. Tawas lang ‘yan Ate Mertha,  ang sabi niya habang ginagalaw galaw ang balikat n’ya tulad sa commercial ni Alice Dixon habang sinasabi ang linyang I can feel it.

Asus, sagot ko habang nanliliit ang mata ko. Di ako naniniwala. Kahit pa tawas lang ang gamitin eh mangingitim ang kilikili kapag binubunutan ng buhok. Malamang may hokus pokus na ginawa itong si Sione.

I smell something fishy.

Minatyagan ko at ilang araw nga talagang puro mga de-spaghetti strap ang damit ni Sione. At talagang pinagtataasan niya pa ang kamay at braso habang nanuningkit ng mga panindang damit.

Sa isip-isip ko, malalaman ko din ang hokus pokus mo. Imposibleng tawas lang ang ipinahid mo.

Kinabukasan ay hindi pumasok si Sione dahil daw magbebeach sila sa Batangas at dalawang araw daw sila doon. Pinakita niya pa sa amin yung mga two piece na isusuot niya. Kaya pala nagpaputi ng kilikili at nagpapalaki ng boobs. Magtwo-two piece pala.

Hmmmm I smell something fishy. Muli ay nanliit ang mga mata kong katulad ng kay Maricel Soriano pag nagtataray.

Limang araw na ang nakalipas bago muling pumasok si Sione.

Naka long sleeve si Sione kahit sobrang init. At hindi na siya kumakanta ng ay mas ikris may bas.

Hindi ako nakatiis kaya nagtanong ako, oh Sione, asan na mga spaghetti mo? Bakit naka longsleeves ka?

Sagot n’ya eh, medyo na sunburn ho kasi ako. Sabay tumalikod na siya at nagtupi ng mga paninda. Duda pa rin ako sa sagot n’ya, kung na sunburn ang mga braso niya, bakit amputi pa rin ng mukha n’ya.

Hmmm, I smell something fishy. Muli ay nanliit ang mga mata kong katulad ng kay Maricel Soriano pag nagtataray.

Ilang araw pa ay hindi na naka longsleeves si Sione, naka tshirt na lang. Walang bakas ng sunburn ang mga braso n’ya.

Maya-maya ay nakita kong patakbo takbo si Buding at pari’t parito habang kumakanta ng ay mas inkris may bas, ng biglang may narining kaming tili. Hinanap namin kung saan nanggaling ang tili at nakita namin si Sione at ang anak kong nakatitig lang sa kanya at gulat na gulat dahil sa lakas ng tili niya.

Ansakit Buding, sabi ni Sione sa anak ko habang magkakrus ang mga braso niya at sapo ng mga kamay niya ang kilikili niya.

Nangingilid ang luha ni Sione kaya halatang nasaktan siya. Tinanong ko si Buding, kako, ‘nak anong ginawa mo? Bakit nasaktan si Sione?

Nikiliti ko lang kilikili n’ya eh, sagot naman ni Buding.

Wag mo na ulit gawin ‘yon, sabi ko kay Buding.

Isang hiwaga pa rin sa akin kung paanong pumuti ang kilikili ni Sione at kung bakit ayaw na niya itong ipakita ngayon at kung bakit ito masakit. Ano kaya ang nangyari?

Ilang araw pa ang nakalipas ay hindi na naungkat pa ang tungkol sa kilikili ni Sione at nakalimutan na ang kantang ay mas inkris may bas.

Isang matumal na hapon habang nakikipagkwentuhan sa akin si Cheenee, may isang mamang naglalako ng mga nail cutter, nipper at tawas. Inaalok ako ng mama ng super tawas pero hindi naman ako gumagamit no’n kaya itinuro ko si Sione para s’ya ang maalok tutal s’ya naman ang gumagamit ng tawas.

Natawa bigla si Cheenee. Tinanong ko kung bakit.

Hindi naman talaga gumamit ng tawas si Sione para pumuti yung kilikili n’ya.

Kako, eh naku, ganun ba? Gustong-gusto ko na malaman kung ano ba talaga ang sikreto ni Sione pero nagtitimpi lang ako at nagpapasimple. Inantay kong si Cheenee ang magkwento sa akin kahit atat na atat na ako sa chika.

Pinahidan n’ya ng Maxifeel yung kilikili n’ya kaya pumuti ora mismo. Kaso may problema, sabi ni Cheenee at huminto saglit at sinilip kung may ibang taong malapit sa amin na makakarinig.

Luminga linga kaming dalawa at lumapit ng kaunti sa akin si Cheenee at pabulong na sinabi, nasunog yung kilikili niya nung maligo s’ya sa dagat. Tumawa ng mahina si Cheenee matapos sabihin iyon.

Sinasabi ko na nga ba. I smelled something fishy. Muli ay nanliit ang mga mata kong katulad ng kay Maricel Soriano pag nagtataray.

Palengke Chronicles 8: Sundae

Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.

***

Busy talaga dito sa palengke pag Linggo ng umaga. Minsan kakabukas ko pa lang ng tindahan, mga bandang alas sais y medya ng umaga eh dinadagsa na ako ng mga mamimili lalo na ngayong papalapit na naman ang pasukan, andaming namimili ng uniform.

So kaninang umaaga nga ano, mga alas diyes, talagang kasagsagan ng dami ng tao at hindi ako magkandaundagaga. Tanong ng presyo dito, buklat ng stocks do’n, tawad si ate dito, tawad si kuya do’n, halungkat ever dito, bulatlat ever do’n. So para talagang binagyo yung mga stocks ko nung mga bandang mag aalas dose na. Sobrang gutom na’ko, as in nanginginig na ko sa gutom dahil hindi ako nakakain ng meryenda kaya dali-dali ko na lang kinain yung banana cue na inabot ni Mang Obet kanina. Hindi ko na nga nabayaran kasi busy talaga ako kaya inutusan ko na lang si Buding. Kako, ‘nak, bayaran mo nga ‘nak si Mang Obet ng banana cue ko kanina oh. Lumapit sa’kin si Buding at kinuha yung pambayad sabay sabing, Ma, weewee ako, penge lima. Inabutan ko naman ng pambayad niya sa cr, kasi nga dito sa palengke kada gamit ng cr eh may bayad.

Halos kakatapos ko lang magtupi ng mga stocks, magsabit ng mga display at magtapon ng mga sobrang plastik ay may dumating na costumer. Pasado ala una na di pa ko nanananghalian, itong si Buding ay kusa nang kinuha yung baon namin at kumain na lang mag-isa, kawawa naman ang anak ko di ko na maasikaso pero at least marunong na siya sa buhay.

So ito ngang customer eh kakaiba. Naka puting t-shirt tapos naka hapit na maong na pantalon. Tapos pag gumagalaw siya eh parang may kumakalansing kasi madami siyang mga bracelet at kung ano-ano pa. Tapos medyo blonde yung buhok n’ya at sobrang puti ng balat niya. Tapos naka-shades siya kaya di ko masyado maaninagan yung mukha pero mukhang maganda siya. Parang artista nga yung dating ni ate eh. Tapos ang bango niya sobra.

Bale may kasama siyang bata saka yaya ata nung bata. Una patingin-tingin lang si ate, sabay nagtanong, Miss, merrron ba kayong white na sandong pambata? Hala kako bakit ganito to magsalita, parang nilalamon yung R? Pero ang lamig ng boses niya ha parang boses nung mga mayayaman sa mga palabas sa TV. Tapos sabi ko, para dito ho ba?  Tanong ko sa kaniya sabay turo dun sa bata. Sabi n’ya naman na para nga daw dun sa bata yung sando.

So kumuha ako ng size na sakto para dun sa bata tapos paglingon ko, at ipapakita ko na eh si ate panay ang dutdot sa cellphone niya. So humarap ako sa yaya, kako, isukat natin para makasiguro kayo na kasya. Kinuha naman nung yaya yung sando at sabi niya, Amaranth come here. Huwow naman mga ate, ang susyal naman ng  pangalan ng bata, pero mas susyal yung yaya, nag-Iingles. Tapos hindi siya pinapansin nung bata ano, kain lang ng kain yung bata ng ice cream na nasa cup, Chocolate Sundae ata yung tawag do’n, yung nabibili diyan sa may fastfood diyan.

Amaranth, isukat na natin ito dali ng matapos na at makaalis na, sabi na uli nung yaya. Eh ayaw pa ring sumunod. Ang tagal nilang magyaya na parang nagliligawan. Nakatingin na lang kami ni Buding sa kanila sabay sabi ni Buding, ma, wewee ako penge lima. Binigyan ko naman at umalis siya.

Amaranth, if you won’t follow yaya, I won’t let you play with you tablet later. Sabi na nung nanay niya habang panay pa rin ang pindot sa cellphone. Pero sa wakas ay sumunod na rin yung bata. Nasukat na rin sa wakas sabay nagtanong sila ng presyo. Kako, kwarenta ho kada sando. So tumawad si ate, Miss, tatlo isang daan na lang. Ay sabi ko, nako ate hindi ho pwede at mag-aabono ako niyan. Kahit 110 na lang ho yung tatlo. Tapos para bang may kausap lang akong hangin ‘no, kasi nakatingin pa rin siya sa cellphone niya. Ako, malapit na’ko mainis eh, di pa ko nanananghalian eh. Sabay lumapit na naman si Buding. Ma, weewee uli ako, penge lima. Binigyan ko naman ano at parang napapansin kong binabalisawsaw ang anak ko pero di ko maasikaso dahil dito sa mga ito.

Dahil hindi ako pinapansin ni ate at panay cellphone lang siya, inulit ko, ah ate, 110 na lang po yung tatlo, tapat na ‘yon. Pero nakatingin pa rin siya sa cellphone niya. At hindi pa rin siya sumagot. Tumingin ako sa yaya, tapos sabi nung yaya, mas mura ba kapag mas maliit dito? Mukha naman kasing malaki yung size nito. So sabi ko, sakto lang iyan eh, pero sige para makita niyo isukat din natin yung mas maliit. Kahit gutom na gutom na talaga ako at nauubos na talaga ang pasensya ko ay nilabas ko pa rin yung mas maliit na size ng sando at pinasukat sa bata. Hindi na halos magkasya sa tiyan nung bata dahil maliit talaga at gusto kong matawa na dahil lang sa kabaratan nila ay ipipilit pa talaga yung mas maliit na size.

Ate, ito lang yung pwede sa tatlo isang daan oh, yung maliit kaso hindi naman kasya sa anak niyo. By size po kasi ang presyo niyan, paliwanag ko. Pero panay pa rin ang pindot ni ate sa cellphone niya. Naiinis na talaga ako sa babaeng ito. Sabay lumabas si ate ng tindahan nang walang sinasabi. Lumingon ako sa yaya, sabi niya sa’kin, saglit lang ho ah titingin muna kami sa iba. Anak ng teteng naman oh, halos isang oras tayo ditong nagsusukatan, nagtatawaran at nagtitinginan tapos eh hindi pala kayo bibili. Hay nako, babalik din kayo no dahil ako na may pinakamurang tinda dito. Ganda-ganda ng cellphone mo ang barat-barat naman. Susko, makakain na nga, ano ba ‘yan pasado alas tres na eh hindi pa ako nakakapananghalian, buti na lang si Buding eh nakakain na. Pero asan na kaya ‘yon? Panay ang cr niya kanina pa ah.

Maya-maya pa habang kumakain na ko ng malamig na kanin at sarsiadong sardinas eh bumalik na naman itong si ate na mukhang artista pero barat.

Ate kukunin na namin ‘yan, sabi sa’kin nung yaya. Sabi ko, 110 po ah, tapos tumango siya habang yung amo niya ay nakatingin pa rin sa cellphone.

Tapos dali-daling binihisan nung yaya yung bata dahil natapunan ng pala ng Chocolate Sundae yung tshirt nitong pink. Pinahawak pa sakin yung namantsahang tshirt nung bata, nakita ko yung tatak, KoshKosh ba ‘yon? Meron bang gano’ng tatak? Pero basta mukhang mamahalin.

Pero ayun diba, sa wakas nagbayad na sila at umalis na. Di mo talaga pwede husgahan ang tao ‘no? Minsan yung mga namimili sa’kin na nakabotang puro putik, may mga dalang bilao at amoy daing pa, yun pa yung pakyawan kung mamili at hindi pa tumatawad eh, samantalang si ateng mukhang artista eh, hay nako, ewan!

So tinutuloy ko na yung naunsyame kong tanghalian nang dumaan si Mang Obet, kako, pass muna ako dahil nagtatanghalian pa ako. Di nako makakameryenda ng banana cue. Tapos lumapit siya at bumulong , Mertha yung bayad mo pala kanina. Kako, pinahatid ko na kay Buding kanina ah. Hindi naman siya nagpunta sa’kin, sabi ni Mang Obet. So ako naman nahiya dahil baka akalain niyang di ako marunong magbayad so nag-abot ako ng bayad at kako, sensya na Mang Obet ha.

Tapos nakita ko na lang si Buding na paparating. Nanlilimahid yung itsura. May naninikit na tsokolate sa pisngi tapos yung sandong suot niya ay may mantsa ng Chocolate Sundae.

 

***

Palengke Chronicles 1 : Bokya

Palengke Chronicles 2 : Rebond

Palengke Chronicles 3 : Slimming Tea

Palengke Chronicles 4: Ekonomiya

Palengke Chronicles 5: Guhit ng Palad

Palengke Chonicles 6: Reunion

Palengke Chronicles 7: Notebook

Palengke Chronicles 7: Notebook

Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.

***

Pagtapos ng graduation, ang pinaghahandaan naman namin sa palengke ay yung susunod na pasukan. Nagiistock at nagdidisplay na kami ng mga uniforms at mga school supplies  kahit kakatapos pa lang ng school year. Siyempre marami diyan na unti-unting namimili na ng mga gamit kasi hindi naman nila kayang biglain ang pamimili. Malaki-laki rin kaya ang gastos sa school supplies lalo na kung hindi lang iisa ang anak mo.

Si Buding ieenroll ko na yan sa Mayo. Excited ako ‘no at Kinder na ang anak ko. Pero yung mga school supplies niya ay saka ko na bibilhin pagtapos ng enrollment kasi ibibigay naman nung adviser nila yung requirements.

Kaso kahit na sobrang busy ko nitong mga nakaraan, napapansin ko ‘tong si Buding, pabalik-balik dun sa mga display na notebook nila Sione. Minsan nakatayo lang s’ya don at nakatunganga kako, ‘nak ano bang ginagawa mo d’yan? Eh hindi naman s’ya nagsasalita. Basta na lang tatakbo papunta sa’kin o kaya papalayo.

So sinilip ko yung mga display nila Sione. Ay kaya naman pala binabalikbalikan ni Buding. Puro pala litrato ni Dora at Barbie ang nasa notebook cover.

Nung bandang tanghali ‘no, medyo matumal kasi nanananghalian yung mga tao, tinawag ko si Buding. Biglang iniwan n’ya yung dalawang kalaro n’ya ng teks tapos tumakbo papunta sa’kin. Tinawag pa s’ya ni Buknoy, huy Buding talo ka, bayad teks ka muna!

Kaya pala ambilis manakbo ni Buding at tumatawa-tawa pa ay ayaw niyang magbayad ng teks. Walang nagawa sila Buknoy dahil ambilis magtago ni Buding sa likod ko. Napakamot ulo na lang tuloy siya at yung isa pa nilang kalarong si JunJun dahil lugi sila.

‘Nak anong gusto mong notebook? Barbie o Dora?’ Bigla siyang tumawa. Tapos naglakad kami papunta sa mga notebook display nila Sione. Nakakagaan ng pakiramdam makita yung ganitong reaksyon ng anak ko eh. Kaya kahit isang meryenda ang palalampasin ko para mabilhan siya ng notebook eh ayos lang.

So parang nahirapan pa s’yang mamili pero bandang huli ay yung Dora notebook ang pinili n’ya at yun na lang ang binili namin. Binilhan ko na rin siya ng isang lapis.

Ambilis ni Buding na nanakbo papunta sa tindahan dala yung notebook at lapis. Nakaplastar na agad sa may lamesa, excited masyado.

Pagbalik sa tindahan, sinulatan ko ng pangalan ni Buding yung unang hilera ng unang pahina nung notebook. Kako, ‘nak, dapat matutunan mo na isulat yung pangalan mo ha kasi papasok ka na eh.  Tapos, hinawakan ko yung kamay niya habang sinusulat naman namin yung pangalan niya sa ikalawang hilera.

Pag tapos no’n sabi ni Buding, ma ako na, dun ka na.

Aba! at pinaalis pa ako. Edi hinayaan ko na lang. May tiwala naman ako sa bilis ng pickup ni Buding at sadyang matalino naman ang bata. Baka nga kaya niya na talagang gayahin kahit isang beses ko pa lang siya tinuruan magsulat. Tapos andaming customer na dumating kaya na-busy din ako. Maya-maya binalikan ko si Buding. Hay naku! Hindi naman pala nagsusulat! Nagdodrowing lang ng mga bilog at linya. Kako ‘nak bakit di ka nagsusulat? Anu ‘yang dinrowing mo?

Pinakita niya sa’kin yung mga bilog at linya sabay sabi, ma, puno ‘yan.

Nilakihan at niliitan ko yung mata ko at tiningnan kung saang anggulo pwedeng maging puno yung dinrowing niya pero hindi ko talaga maitsurahan eh. Pero sabi ko, wow anak marunong ka na magdrowing. Pero dapat ganito yung puno, medyo parang kulot kulot yung dahon oh parang buhok ko diba? Tapos nagdrowing ako ng puno. Bigla tuloy nanariwa sa akin yung alaala ko nung kinder ako.

Sinabihan kami no’n ng adviser namin na si Teacher Mona na magdala ng oslo paper, lapis at crayons para sa arts subject namin. So excited naman ako kasi magdodrowing kami. At ayun pinagdrowing kami ng puno.

Ako naman masayang-masayang nagdodrowing sa isang tabi ‘no, guhit dito, kulay diyan nang biglang lumapit sakin yung kaklase kong si Miko na naka hairband na green at parang salbabida yung hairstyle. Bigla siyang sumigaw, Teacher Mona si Merta iba po yung dinodrowing! Edi siyempre biglang napatakip ako ng papel ko, dahil nagulat ako at feeling ko inaakusahan akong may ginawa akong kasalanan kahit wala naman talaga. Kako bakit ba nangengelam ‘to? Tapos sabi niya pa, di ba Teacher sabi mo magdrowing ng puno bakit ‘to si Mertha nagdodrowing ng robot?

Siyempre napahiya ako nung magtinginan lahat ng mga kaklase namin. Bigla ding tumingin si Teacher Mona kaya para depensahan ko ang sarili ko ay nasabi ko na lang na, Teacher, puno po itong dinodrowing ko. Pero halos mangiyak-ngiyak nako sa inis at kahihiyan no’n. Paulit-ulit kong tiningnan yung drowing ko pero puno talaga ‘yon. Puno talaga at hindi robot!

So kailangang hindi mapagdaanan ni  Buding ang mga kahihiyang ganon kaya dapat ngayon pa lang matuto na siyang magdrowing. Kako, ‘nak ganito talaga ang puno, gayahin mo ha tapos ipakita mo sa’kin mamaya. Tapos may biglang dumating na costumer na nagtatanong kung magkano ang sandong puti na pangpitong taon. Busy ako sa pagaasikaso sa customer nang biglang tumawag si Buding, ma!  Napatingin ako pati yung customer. Kako, ano ‘yon ‘nak?

Seryoso yung mukha ni Buding na para bang may nangyaring hindi maganda. Tapos tinaas niya yung notebook at tinuro yung drowing ko. Ma, puno ba talaga itong dinrowing mo?

***

Yung karanasan ni Aling Mertha nung kinder siya na napagkamalang robot yung puno niya ay hango sa tunay na buhay ng may-akda.

***

Palengke Chronicles 1 : Bokya

Palengke Chronicles 2 : Rebond

Palengke Chronicles 3 : Slimming Tea

Palengke Chronicles 4: Ekonomiya

Palengke Chronicles 5: Guhit ng Palad

Palengke Chonicles 6: Reunion

Palengke Chronicles 6: Reunion

Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.

***

Grabe! Sobrang busy namin sa palengke dahil andaming nagbibilihan ng mga uniform, mga bagong medyas, mga bestida at barong kasi isusuot ng mga bata sa graduation. Yung isang nanay nga hay naku, naghanap ng Filipiniana. Kala ko para sa anak n’ya yun pala para sa kan’ya. Anu ba yan, parang yung mga nanay ata ang nagpapabonggahan ng damit, hindi naman sila yung gagraduate.

Pero ayun, dahil tapos na ang school year, nag-aya ng reunion itong mga kaklase ko nung high school. Kasi nga daw hindi na sila masyadong busy at bakasyon na ng mga bata. Marami na kasi sa amin ang pamilyado kaya mahirap na yayain. So ayun nga, nagpasimuno itong si Gerry, siya yung President namin nung high school at laging nag-o-organize ng kung ano-ano. Mukhang nadala n’ya na yung pagkaPresidente n’ya hanggang ngayon.

Naeexcite ako ‘no kasi antagal ko na silang hindi nakita kasi wala man lang sa kanilang dumadaan sa palengke para mangamusta kahit alam naman nilang nandito lang ako. Ang palagi lang dumadaan ay si Rosemarie, yung bestfriend ko nung high school. Teacher na siya ngayon d’yan sa may elementary school na malapit dito. Di ko inakalang ang mahiyaing iyan ay magiging Teacher pala. Actually, apat kaming sobrang close nung high school. As in forever friends kami noon. Di pa uso yung BFF ay uso na kami. Pero yung dalawa, si Jenny at Richelle ay hindi ko na nakita pa matapos yung high school graduation.

Hindi nako tumulong sa pag-o-organize kasi wala naman akong maitutulong talaga saka busy ako, wala naman akong day off sa palengke. Pahirapan pa nung nagpaalam ako para sa reunion pero bandang huli pinayagan din naman ako.

Natuloy nga yung reunion nung Sabado dun sa Christian’s 13 Waves Resort. Grabe ang mahal pala nung entrance dun, 350 pesos pag matanda tapos buti na lang free entrance pa si Buding dahil maliit pa. Sabay na kami nagpunta ni Rosemarie kasi nahihiya ako, ewan ko ba basta nahihiya lang ako. Ninenerbyos kasi ako na makita nilang ganito, tindera lang ako sa palengke habang silang lahat halos ay may mga narating.

Pagdating sa loob ay sinalubong kami ni Gerry. Akalain mo nga namang yung payatot na si Gerry noon ay parang body builder na ngayon at may ngiting parang si Jomari Yllana (nung binata pa). Pero parang may kakaiba sa kanya na di ko maintindian.

Kwentuhan ng kwentuhan ‘tong mga ‘to, tungkol sa mga trabaho nila, sa mga anak nilang nag-aaral sa exclusive schools, sa mga bansang napuntahan nila, mga bundok na naakyat nila, sa mga dagat na nasisid nila, mga palabas na napanood nila, mga lupang nabili nila at kung ano-ano pa. Hindi ako makasingit di ba, anong ikukwento ko? Kung gaano karaming medyas o puting tshirt ang nabebenta ko sa isang araw? Hay nako, wag na di ba?  Kaya namamapak na lang kami ni Buding ng singkamas sa isang tabi. Buti na nga lang at hindi ako iniiwan ni Rosemarie.

Maya-maya pa ay dumating na si Jenny. Halos hindi ko talaga sya nakilala kung hindi biglang sumigaw si Gerry na uy si Jenny nandito na! Parang artista kasi siya pag malayo. Sobrang puti ng balat nya, ang seksi nya, medyo blonde yung mahabang buhok nya tapos wavy yung dulo. Ngumiti s’ya, tapos kumaway parang Miss Universe, tapos nagbeso-beso sila ni Gerry. Sa isip-isip ko, kailan kaya naging magkasundo ‘tong dalawang ‘to? Eh lagi silang nag-aaway nung high school dahil magkalaban sila sa pagkabalediktoryan? Hay. Umiikot nga talaga ang mundo. Andaming nagbabago.

Ayun nga ano, dumating si Jenny pero parang artista lang na pakaway-kaway. Hindi n’ya pa kami lalapitan kung hindi kami tinuro ni Gerry, sabay lapit sa’min at sabing, Oh My God! Rosemarie? Is that you? Mertz? Is that you? Napangiti lang kami, at nakipagbeso-beso siya sa’min. Ambango n’ya ha grabe. Baby cologne pa rin kaya ang gamit nya? Tapos biglang sinabi nya, Mertz, is this your kid with that Conrado guy? Hay naku! Sampu naman ng mga santo! Bakit n’ya pa kailangan banggitin? Oo, sya si Buding. ‘Nak bless ka sa Tita Jenny mo.

Such an adorable kid. Ok ladies, will catch up with you in a bit, sabay nilayasan na kami at nagpunta dun kila Gerry. Nagkatinginan lang kami ni Rosemarie. Grabe naman, ni hindi man lang n’ya kami kinamusta o tinanong man lang kung ano na nangyari sa’min sa loob ng mahabang panahon na hindi n’ya kami nakita. Anlaki na ng pinag-iba n’ya. Walang-wala sa Jenny na nakilala namin noon na halos ayaw mahiwalay sa amin ng upuan sa klase. Lagi siyang lumilipat ng upuan, sa last row kaming tatlo kasi sa letter M nagsisimula ang apelyido namin at ang apelyido n’ya naman ay sa B nagsisimula. Dun s’ya sa row namin nagsusumiksik kahit pagalitan pa s’ya ng mga teachers.

Siguro nga masyado nang malayo ang narating n’ya kaya nabura ang ilan sa kan’yang mga alaala.

Maya-maya pa ay binuksan ni Gerry yung laptop n’ya tapos parang may ginawa sila para makita sa puting pader yung nasa laptop n’ya. Kasi yung ibang kaklase naming nasa ibang bansa ay ivivideo call daw para daw makita man lang namin sila.

So lumabas sa screen ‘tong si Richelle. Grabe, blonde na blonde s’ya at naka jacket at naka scarf, para bang lamig na lamig habang kami ay pawis na pawis naman sa init. Nasa Florence, Italy daw s’ya, nakapangasawa kasi ng Italiano kaya dun na sya ngayon nakatira talaga. Ang swerte nga naman ‘no? Di mo alam kung kanino dadapo.  Ako din naman, naanakan ng isang Italiano eh. Half Inutil na Tanggero at Half Masarap Balian ng leeg eh no?

Iniikot ni Gerry yung laptop n’ya para makita daw kaming lahat. Tapos biglang nung natapat sa’min sumigaw si Richelle. Oh My God! Rosemarie? Mertz? I really miss you guys and I’m sorry I didn’t have a chance to say goodbye to you! But I have those letters and photos of us back in the days. I miss you my forever friends! Kulang na lang ay maiyak siya at lumabas s’ya sa screen para yakapin kami. Ako din halos maiyak. Buti pa s’ya naalala n’ya pa kami kahit literal na malayo na ang kanyang narating. Pero bakit kaya di nya binanggit si Jenny?

Maya-maya pa ay nag-aya nang mag-inuman ‘tong sila Gerry kaya naman nagpaalam na kami ni Rosemarie dahil may kasama kaming bata. Mertz, pagod na ba kayo? Gusto mo ba munang dumaan d’yan sa may coffee shop? Pumayag ako kahit alam kong medyo pagod na si Buding. Mapungay na yung mga mata n’ya sa antok pero nung sinabi ni Rosemarie na, Buding gusto mo ba ng chocolate cake? Aba’y akalain mong nanlaki yung mata sa excitement.

Umorder kami ng kape at chocolate cake. Antagal na pala naming hindi nakapagkwentuhan ni Rosemarie dahil parehas kaming abala sa buhay. S’ya sa pagtuturo, ako sa pagtitinda at sa pag-aalaga kay Buding. Nakangiti kami habang binabalikan namin ang mga alaala namin nung high school. Kung paanong si Richelle ang supplier namin ng intermediate paper dahil s’ya lang ang may pambili, kung paanong si Rosemarie na siyang pinakamahiyain sa amin ang may pinakamaraming natanggap na imbitasyon nung JS Prom at kung paanong sabay-sabay kaming nagsukat ng mga gown dun sa Lyn’s Gowns for Rent.  Kung paanong si Jenny lang ang nakakaintindi ng Trigonometry at sa kanya kami kumokopya ng assignment, at kung paanong si Richelle naman ang napakahusay sa pagsayaw at leader lagi ng Cheering Squad, kung paanong si Rosemarie naman ang pinakamagaling sa World History at kung paanong ako naman ang Volleyball Varsity. Kung paanong nanlilibre lagi ng kwek-kwek si Richelle tuwing uwian, at si Rosemarie naman ang taya sa palamig kapag binabalatuan siya ng kuya niyang nanalo sa sabong, kung paanong naghihiraman kami ng bagong 3310 ni Richelle para makapaglaro ng snakes at makapagpataasan ng score at level, kung papaanong ginagaya namin ang style ng buhok ni Jolina at kung paanong paulit-ulit naming pinapanood ang mga palabas nila ni Marvin. Kung papaanong nagsumpaan kami nung gabi ng aming graduation na kami ay friends forever at kung paanong andaming nagbago sa mga buhay namin.

Lahat ito nginitian naming dalawa ni Rosemarie, habang inuubos ang aming unti-unti nang lumalamig na kape at habang napupuno na ng tsokolate ang pisngi at baba ni Buding.

***

Inspirasyon ng post na ito ang pagkamiss sa mga kaibigang kaklase ko mula prep hanggang highschool. Magkakasama kami halos araw-araw sa loob ng labing isang taon pero ngayon, nakakatawa na medyo nakakalungkot, na halos ilang minuto na lang kami kung mag-usap online dahil sa milya-milya naming distansya sa isa’t isa, at sa pagkaabala sa sari-sariling buhay. 

***

Palengke Chronicles 1 : Bokya

Palengke Chronicles 2 : Rebond

Palengke Chronicles 3 : Slimming Tea

Palengke Chronicles 4: Ekonomiya

Palengke Chronicles 5: Guhit ng Palad

Palengke Chronicles 5: Guhit ng Palad

Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.

***

Antok na antok ako kasi nabusog ako sa kinain naming tanghalian tapos ang init-init pa ng panahon. Napipikit-pikit na’ko tapos bigla akong nagulat sa bulyawan nitong sila Sione. Aba kung mga makatili ay akala mo may sunog. Tapos biglang tumakbo sa’kin ‘tong si Buding na humahagikihik.

Anong nangyari anak? Tanong ko. Tumawa lang si Buding tapos pinakita yung palad n’ya nang biglang lumapit si Sione. Hala Ate Mertha binasa ni Betcha yung palad ni Buding. 

Eto nga palang si Betcha eh bagong kasambahay ng amo nila Sione na galing probinsya pa daw. Marunong daw s’ya magbasa ng palad. Hindi sya marunong magbasa ng libro ha dahil grade 1 lang daw ang inabot n’ya pero marunong s’ya magbasa ng palad.

Naghahatid s’ya ng kanin at ulam tuwing tanghali para sa amo nila Sione at sa kanilang mga tindera. Kaya tuwing tanghali ay nagkakagulo yung mga tindera sa pagpapabasa ng mga palad nila.

Ate Mertha sabi ni Betcha, maglalakbay daw ‘yang si Buding pagtanda n’ya. Tapos daw magkakaroon s’ya ng unang asawa pero magkakahiwalay sila dahil paghihiwalayin sila ng magiging pangalawang asawa n’ya.

Hay anu ba ‘yan! Sabi ko. Kung anu-ano ang pinaparinig n’yo sa bata. Hindi naman totoo ‘yang mga ganyan-ganyan. Kaya pala nananakbo kanina at humahagikhik ‘tong si Buding eh kung ano-ano ang pinagsasabi ng mga ‘yun sa anak ko.

Kako ‘nak wag ka maniniwala ah di totoo ‘yan. Tinawanan lang ako ni Buding.

Lumapit pa kamo itong si Betcha na ito. Ate, ate, ‘yang anak mo maraming paiiyaking lalake ‘yan paglaki. 

Aba at hindi pa nakuntento ‘tong mga ‘to ha. Kako, naku tigilan n’yo na ‘yan at di totoo yan.

Antayin mo lang ‘te paglaki nyan. Yang matang ‘yan maraming paiiyakin ‘yan. 

Aba kako, pati mata nababasa n’ya rin?

Pag-alis ni Betcha, nagpunta ako sa fitting room ng tindahan at tiningnan ang mata ko sa salamin. Kako, magkahawig ang mata namin ni Buding eh mas malalim lang yung kanya ng kaunti pero bakit wala akong pinaiyak na lalake at ako pa ang pinaiyak?

Tiningnan ko rin yung palad ko at nag-isip kung ano kaya ang kahulugan ng mga guhit pero wala akong ideya.

At di pa nakuntento ang Betcha na ‘to, binalikan pa ako. Ate tingnan ko nga din ‘yang palad mo, at bago pa ‘ko nakatanggi ay hinila n’ya na yung kamay ko. Sabi n’ya, ate may isang lalakeng babalik-balik sa’yo. Tinawanan ko lang s’ya at kako walang babalik dahil ako pa nga ang pinagtaguan. Sa isip-isip ko eh, iisa lang naman ang naging lalake sa buhay ko, ‘yung tatay ni Buding na pagtapos akong buntisin ay nawala nang parang bula. May mukha pa ba s’yang ihaharap para bumalik-balik pa. Dinugtungan pa ni Betcha, pero Ate ‘yung lalakeng babalik-balik sa’yo ay di mo makakatuluyan kasi yung makakatuluyan mo ay matagal na nagmamasid-masid lang. Syempre kumabog ng konti ang dibdib ko pero sabi ko, naku tama na nga ‘yan baka di naman totoo ‘yan.

Pag alis ni Betcha ay napaisip ako kung sino kaya yung sinasabi n’yang nagmamasid lagi sakin. Hindi kaya isa sa mga kapitbahay namin ‘yan? O kaya isa sa mga tricycle drivers dyan? Naku naman, kung totoo man ‘yan, bakit pamasid-masid pa s’ya diba. Di naman masama magkalablayp eh. Pangiti-ngiti pa ako nang biglang sumigaw si Buding. Ma, sabi n’ya sabay turo sa katabi n’yang lalake. Sino po s’ya? Nung tiningnan ko, nagulat ako. Kumabog ang dibdib ko at nanlamig yung mga palad ko. Antagal ko nang hindi nakita itong si Conrado. Nak, kako, s’ya ang papa mo. Pinakilala ko na kahit masama talaga sa loob kong gawin ‘yun dahil wala naman s’yang nacontribute sa buhay ni Buding kundi yung sperm cell n’ya.

Musta na Mertz?

Aba ang kapal ng mukhang tawagin ako sa nickname ko nung high school.

Anong ginagawa mo dito? tanong ko sa kan’ya. Tumakbo sa’kin si Buding at tumayo lang sa tabi ko. Nakatingin lang din kay Conrado.

Ah, napadaan lang kasi namalengke yung asawa ko eh. Sige ha.  At umalis na s’ya.

Ang tindi talaga nito. Umasa pa man din ako na baka gusto  n’ya rin kaming kamustahin man lang o kahit si Buding man lang pero kahit magpanggap na concerned s’ya eh hindi man lang nagawa.

Kinabukasan naghatid na naman ng pananghalian itong si Betcha at sa isip-isip ko, akalain mo ha tumama s’ya na babalik itong si Conrado ha. Pero baka nagkataon lang. Nakakainis lang dahil kahit ayokong maniwala sa mga sinabi n’yang nakaguhit sa palad ko kahapon ay hindi ko mapigilang isipin kung sino kaya ang nagmamasid-masid d’yan. Baka kasi nasa harap ko na ay hindi ko pa makita. Anu ba ‘yan, para naman ako nitong high school na kinikilig na hindi mawari.

Bigla ko tuloy naalala ang nakaraan namin ni Conrado. Nung masaya kaming umiinom ng palamig habang nakaupo sa bangko dun sa ilalim ng puno ng santol sa gilid ng school, pag hinahatid n’ya ko pauwi, pag dinadala n’ya yung gitara at kinakantahan n’ya ko habang nakatambay kami sa labas ng tindahan ni Ka Susan, hanggang sa mabuntis ako at bigla n’ya akong pinagtaguan at kung paano ako pinagtabuyan ng nanay n’ya. Biglang kumulo yung dugo ko nung maalala ko. Kahit pala limang taon na ang nakalipas eh masakit pa rin pag naalala ko ang nangyari sa akin, hindi pa rin nawawala yung sakit, para bang peklat sa tuhod, na kahit pahiran mo ng pahiran ng cebo de macho eh hindi matanggal-tanggal. Ganun ang alaala ni Conrado eh. Parang pangit na peklat ko sa tuhod.

Ma, tawag ni Buding. Pagtingin ko ay may nginunguso. Ayun s’ya. Sabi ko, sino? Wala na, sabi n’ya. Umalis na.

Kahit antok na antok ulit ako matapos ang pananghalian ay pilit kong binubuksan ang mata ko. Baka mamaya dumaan nga yung nagmamasid-masid na yun nakakahiya kung makikita n’ya akong tutulog-tulog dito at nakanganga pa. Kaya para mawala yung antok ko, nagpunta na lang ako sa fitting room at tiningnan ang sarili sa salamin. Nagpulbo ako dahil ang mantika na ng mukha ko sa init at bahagyang dinagdagan ko ng baby oil yung buhok ko para hindi magulo.

Ma, tawag ni Buding. Pagtingin ko ay may nginunguso s’ya. Ayun s’ya. Tapos nakita ko si Conrado na papalapit.

Mertz, pwede ba tayo mag-usap saglit? Kumabog ang dibdib ko ‘no at nanlamig yung kamay ko pero hindi ako nagpahalata na kinakabahan kaya tinaasan ko s’ya ng kilay at inirapan. Nak, dun ka muna saglit kay Ate Sione mo. At tumakbo na si Buding. Ano ba ‘yun? tanong ko sa kanya.

Alam kong malaki atraso ko sa’yo at alam kong nakakahiya itong ginagawa ko, sa isip-isip ko, malaki talaga ang atraso mo at buti alam mo kaya kahit maglumuhod ka d’yan ay hindi na kami babalik sa’yo at tinitingnan ko s’ya ng tuwid, napapayuko ang mokong at di makatingin ng diretso, sabay sabing, Mertz, baka pwedeng makahiram ng two hundred. Walang-wala na ako eh.

Tumawa ako ng malakas sa sinabi n’ya sabay kinuha ko yung bakal na pansungkit ng mga damit.

***

Inspirasyon nito ang isa sa mga napakinggan kong sawing kwento sa makabagong Love Notes ni Joe D’ Mango 😀

***

Palengke Chronicles 1 : Bokya

Palengke Chronicles 2 : Rebond

Palengke Chronicles 3 : Slimming Tea

Palengke Chronicles 4: Ekonomiya

 

Palengke Chronicles 4: Ekonomiya

Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.

***

Kanina pa may pinagkakaguluhan yung mga tindera kaso di ako maka-usyoso. Parang may pinapanood sila dun sa touch screen ni Sione. Hindi ako makaalis kasi andito si bossing, galing sa Baclaran at namili ng mga stock na ititinda namin. So ako naman ‘no salansan dito, salansan don. Hanger dito, hanger don. Sabit dito, sabit don. S’yempre kelangan ko ayusin ‘tong mga paninda namin diba alangan naman unahin ko pa ang pag-usyoso. Pero gaya nga ng una kong natutunan dito kay Ate Beth nung baguhan pa lang ako dito sa tindahan, dapat daw matutong mag multi-tasking. Kaya heto habang nagaayos ako ng mga paninda eh nakikinig ako sa pinagkakaguluhan nila. Kaso bahagya lang naririnig ko dahil may mga kostumer din na nagtatanong kung magkano ‘to, magkano ‘yan, nawawala ang focus ko.

Paro’t parito din itong si Buding ‘no at nakikiusyoso din. Ika nya, ma nanonood sila sa youtube. Kako, anong pinapanood ‘nak? Sagot n’ya eh, ewan ko ba mama. Tapos tumakbo ulit si Buding papunta kila Sione. Sumigaw ako, hoy Sione anong pinapanood n’yo? Baka kako kung anong pinapapanood nila kay Buding ko. Presidential Debate to Ate Mertha. 

Ayun pala, usap-usapan nga din yan ng mga tricycle driver dun sa terminal kanina. Nagtatalo-talo sila kung sino ang gusto nilang maging susunod na presidente.

Sa’kin naman, di naman ako mahilig sa mga ganyang usapan. Wala naman akong alam sa pulitika pero ang akin lang, parang kahit sino namang manalo eh ganun pa rin. Tulad na lang dito sa bayan namin, pag may bagong naupong mayor eh kulay lang ng waiting shed ang nagbabago. Yun bang pag naupo si Mayor ganto ay nagiging orange yung mga waiting shed tapos pag napalitan na s’ya ni Mayor ganon eh kulay green naman yung mga waiting shed.  Tulad din n’yan, kanina nagtatalo-talo pa itong mga tricycle drivers na ito kung sino dapat ang maging pangulo eh kahit naman manalo pa yung gusto nilang kandidato eh tricycle drivers pa rin naman sila, bakit pa nila kelangan magtalo-talo diba? Eh sa tagal ng panahon ang nakita ko lang na pagbabago eh yung kulay ng tricycle na pwedeng bumiyahe dito o di pwedeng bumiyahe d’yan pero yung mga drivers, sila-sila pa rin. Para bang color coding lang ang labanan?

Ma, sabi ni Buding. Di sya mapakali. Siguro naiinip dun sa pinapanood nila dahil ‘di nya naman naiintindihan yung debate na yun. Tanong n’ya eh, ano yung conomy? Kako, Economy ‘nak hindi  conomy. Nakakaproud talaga ‘tong si Buding ko ‘no. Ambilis makapick-up. Ang kinakatakot ko lang eh baka dumating ang panahon na hindi ko na kayang sagutin pa ang mga itatanong n’ya bilang hamak na high school graduate lang ako. Pero dahil busy nga ako sa paghahanger dito at hanger do’n kako, ‘nak busy pa ako mamaya ko na ipapaliwanag sa’yo manood ka muna d’yan.

Narinig ko nga sa pinapanood nila na maganda daw ang ekonomiya ng bansa nung nakaraang taon.  Di ko naman masyadong naiintindihan ‘yang ekonomiya na ‘yan pero sa naalala ko sa lessons namin nung high school may kinalaman ‘yan sa demand and supply. Ang sa’kin lang naman di naman namin nararamdaman ‘yang mga ganyan.  Last year daw maganda yung ekonomiya pero tindera pa rin ako. Gumanda man o hindi yung ekonomiya eh tindera pa rin ako. Hindi ko naman sinisisi yung ekonomiya kung high school lang ang natapos ko kaya wala akong alam na ibang trabaho kundi ang pagiging tindera. Ang akin lang naman, hindi ba kasali ang mga tulad ko sa magandang ekonomiya na ‘yan?

Tulad na lang dito sa bayan namin, last year may nagtayo ng sikat na mall. So s’yempre lahat ng tao hindi na nagpupunta sa palengke dahil mas susyal sa mall. Halos parehas lang din yung ibang paninda nila sa amin pero ang mahal ng benta nila. Pero kahit mahal ang paninda ay sa kanila pa rin nagpupunta yung mga tao kasi mall sila at may aircon sila. Dito sa palengke, wala na ngang aircon wala pang susyal na plastic na pambalot nung mga pinamili. Yung mga tao dito pag may hawak na plastic nung mall ang yayabang na. Nakapagmall lang feeling sikat na. Ayun humina ang benta sa palengke dahil sa mall na iyan. Nalilito nga ako. Ibig sabihin ba ng pagkakaroon ng mall sa bayan namin ay maganda na yung ekonomiya ng bayan na’min? Pero parang yung ekonomiya lang nung mall yung maganda.

Ma, sabi ni Buding. Hay nako, ano na naman kaya ang itatanong nito. Tanong n’ya eh, ano yung coconut? Kako, niyog ‘yan anak. Tapos tumakbo ulit siya papunta kila Sione, seryoso pang nanonood na ‘kala mo naiintindihan talaga eh ‘no. Ayun nga nabanggit din nila yung tungkol sa mga coconut na ‘yan ano, bale dito sa amin wala namang niyugan pero dati ang alam ko may mga maisan. Pero di nagtagal, yung maisan naging subdivision eh. Pati bundok din ata gagawin na ring subdivision. Hindi ko malaman eh paano ba malalaman kung maganda ang ekonomiya? Pag ba may mga tanim na mais o pag merong magagandang bahay?

Ano pa ba iyong narinig ko kanina kasi naman ang daming kostumer na patanong-tanong eh di tuloy ako makapakinig ng maigi. Food is available ba ‘yun o food is affordable. Para namang laging available yung food diba pero hindi na s’ya affordable. Nung high school ako tres lang kada stick ng banana cue ngayon sampu na. May kinalaman din ba ang ekonomiya d’yan? Kasi di ba, hindi naman nagbabago kung saan napipitas ang saging – sa puno ng saging pa rin. At ang puno ng saging sa lupa pa rin nakatanim. Walang nagbabago sa pinanggagalingan ng saging pero nakakapagtaka kung bakit nagbabago ang presyo nito. Nakakalito talaga.

Parang narinig ko din yung pautang daw sa mangingisda. Wala naman akong alam sa pangingisda pero may alam ako sa pautang diba. Tulad n’yan ang tagal ko na ngang tindera dito at minsan iniisip ko din kung kelan naman kaya ako magkakaron ng sarili kong tindahan. Kaso sa’n naman ako kukuha ng kapital diba, alangan sa Bumbay? Eh pag umutang ako sa kanila para lang ako nagtrabaho para lang kumita sila. Andami na kayang nalugi dito sa palengke dahil sa mga pautang na ‘yan. Para naman kasing ang hirap magsimula ng negosyo diba. Kasi pag umutang ka at nalugi ka, masakit pa sa ulo isipin ang pagbabayad nung utang pero kung ganitong steady ka lang at nangangamuhan lang, wala ka ngang malaking kita, wala ka namang utang. Hay nako, kasama pa rin ba sa ekonomiya yan? Nakakalito talaga.

Ma, sabi ni Buding. Hay nako, ano na naman kaya ang itatanong nito. Tanong n’ya eh, ano yung debate? Kako, ‘nak busy pa ako mamaya ko na ipapaliwanag sa’yo manood ka muna d’yan.

 

***

Palengke Chronicles 1 : Bokya

Palengke Chronicles 2 : Rebond

Palengke Chronicles 3 : Slimming Tea

***

Sareee, andami kong kapalengkehang taglay. Nag-uumapaw kasi ang mga kwentong bumubulusok na parang bulalakaw sa aking maliit na sisidlan kaya kailangan isalin upang hindi maglaho at masayang.

Seasonal naman ‘to, ang aking kasipagang taglay. Matatapos din ito anytime soon.

Palengke Chronicles 2: Rebond

Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.

***

Usong uso ‘tong rebond na ‘to no. Bukambibig ng lahat ng tindera dito sa palengke. Nung isang gabi ba naman lumapit sa akin si Buding at nagtanong. Ika n’ya eh, Mama pwede ba ako magparebond? Aba kako eh, anak maliit ka pa hindi pa pwede. Mga dalaga lang ang nagpaparebond. Sabay humabol pa ng tanong na, eh mama ikaw po ba nagpaparebond? Sabi ko eh, naku anak hindi, bakit naman? Kasagot-sagot ba naman eh, edi ma hindi ka maganda? Kasi sabi ni Ate Sione kelangan daw magparebond para gumanda. Naku po! Nagpantig ang tenga ko sa narinig ko. Walang matinong natututunan ang anak ko sa mga tindera na ito. Mabuti pa ay ipasok ko na sa day care ito para di na pakalat-kalat dito sa palengke. Kung ano-anong nadadampot eh.

Kako, ‘nak di naman lahat ng nagpaparebond gumaganda at marami namang hindi nagpaparebond pero maganda. Tulad mo, kahit di ka magparebond maganda ka na kasi anak kita. At dahil maganda ka at nagmana ka sa akin edi maganda rin ako diba? Aba at itong pilya kong anak ay natawa pa sa sinabi ko. Kako, ‘wag ka ng patawa-tawa diyan, ubusin mo na ‘yang pagkain mo para makapag-urong nako ng pinggan at makatulog na tayo. Pagkatalikod ko kay Buding dumiretso ako sa salamin para tingnan yung mukha ko. Siyempre hindi ko naman pinagdududahan yung kagandahan ko ‘no, tinitingnan ko lang kung kelangan ko din  kayang magparebond. Medyo kelangan nga ata kasi kinky yung buhok ko. Pag nagparebond ako ay mababawasan ang dami ng baby oil na ginagamit ko para sa pag-aayos ng buhok ko.

Kinabukasan hindi pa rin matigil ang usap-usapan sa palengke tungkol sa rebond na ‘yan kaya’t pinakinggan ko kung saan ba sila nagpaparebond. Dun sa KPOPs Beauty Salon, rinig ko kay Sione. Dun pala siya nagparebond. Inisip kong silipin ang KPOPs na’to. Pwede kong isara ng mas maaga-aga ‘tong tindahan. Di magagalit si Ate Beth kasi nakaboundary na ako.

Naglakad na kami ni Buding papunta dun sa KPOPs Beauty Salon nung nagtanong siya, ma saan tayo pupunta? Aba ang talino talaga ng anak ko. Hindi maloloko. Alam niyang hindi ‘yon ang daan pauwi. Nakakaproud talaga. Siyempre ayoko mapahiya sa anak ko kaya hindi ko sasabihing magpaparebond ako, kako ‘nak diba paborito mo yung banana cue ni Mang Obet? Bibilhan kita bago tayo umuwi kaya dito tayo dadaan. Natuwa si Buding kaya sabi n’ya yehey! Tapos bigla siyang kumanta ng Naniniwala na ako sa forever, magmula nung makilala kita. Aba nakakaproud talaga ang anak ko. Natutong kumanta kahit di ko tinuruan kahit pa paulit-ulit na iyon lang yung lyrics n’ya hanggang makarating kami sa KPOPs Beauty Salon. Kako, ‘nak saglit may dadaanan lang ako bago tayo bumili ng banana cue. Tumingin lang siya sa’kin habang kumakanta pa rin ng Naniniwala na ako sa forever.

Sa labas pa lang ng salon eh KPOP na talaga yung dating. Madaming poster ni Lee Min Ho ang nakadikit sa pintuan nila. Baka Korean style talaga ang salon na ito, tapos sa baba ng poster ni Lee Min Ho nandun naman yung poster ni Kim Chiu. Korean din ba yun?

Pumasok na nga ako sa KPOPs Beauty Salon at sinalubong ako ng babaeng mukhang Koreana. Natakot ako kasi di ako magaling magEnglish at mas lalong di ako marunong magKorean, pa’no ko kakausapin to?

Ate paparebond ka ba? Tanong n’ya sakin kaya nakalma ako ng konti at nagtaTagalog pala. Kako, oo sana pero magkano ba iyon? Sabi n’ya, 999 pesos lang po kasama na yung gamot tapos yung banlaw after 3 days tapos yung cellophane para mas maganda ang labas ng pagkakarebond. Mura na ho iyon kasi sinama na namin sa package yung cellophane di tulad sa iba na bukod pa ang bayad do’n. Maganda ‘yon para di mag-dry ang buhok after ng rebond.

Tapos hinawakan niya yung buhok ko at tinanong ako, Ate, virgin pa ba ‘yang buhok mo? Ay kako bastos ‘to ah. Pano nagiging hindi virgin ang buhok? Kako eh, ha? Di ko alam, sabay ismid. Hinimas-himas niya pa yung buhok ko tapos niyakad niya na ako sa upuan sa harap ng salamin at nilagyan ng tuwalya sa balikat at binigyan ng magazine. Ate titimplahin ko lang yung gamot magbasa ka muna ng magazine. Binuksan ko nga naman yung magazine ano at tinitingnan ko yung picture ni Kim Chiu sa magazine, kako kahit magparebond ako parang di naman ako hahawig kahit kaunti kay Kim kasi payat siya at ako bilugan. Tapos parang bigla akong nahimasmasan. Teka. Aba eh hindi pa nga ako pumayag na magparebond ah, nagtatanong pa lang ako ng presyo. Bakit pinaupo na niya ko dito? Aba teka nga. Nilalanse n’yo ko ha. Di niyo ko mapipilit.  Luminga-linga ako. Busy  lahat ng parlorista sa pagpaplantsa at pagboblower ng buhok ng mga kostumer na hindi ko alam kung virgin pa ba o hindi na (yung buhok man o yung kostumer, nakakalito). Nung makasiguro akong walang nakatingin sa’kin, tinanggal ko ang tuwalya sa balikat ko at nagmadali akong tumayo. Hinatak ko palabas ng KPOPs na ‘yan si Buding.

Aba ang mahal pala ng rebond na ‘yan susme! Tatlong libo na nga lang sweldo ko kada buwan eh bakit pa ako gagastos sa rebond na ‘yan. Naku po. Ipangkakain na lang namin ni Buding ko ang 999 pesos at bibili na lang ako ng ilang botelya ng baby oil. Di bale na maging kinky forever. Pinanganak akong kinky, mamamatay akong kinky.  Kako, te’na Buding at makabili na ng banana cue.

Tiningnan niya lang ako. Ngumiti s’ya habang kumakanta pa rin  ng Naniniwala na ako sa forever.

***

Palengke Chronicles 1 : Bokya

***

Naniniwala na ako sa Forever

Magmula nung makilala kita

Lyrics from Bahala Na by James Reid and Nadine Lustre

***

inspirasyon pa rin dito ang buhok kong hindi maiparebond

Palengke Chronicles 1: Bokya

Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.

***

Hapon na ay wala pa akong benta kundi tatlong puting bimpo. Mas mahal pa ang tanghalian namin ni Buding kesa sa benta ko. Ano ba ipapasweldo sa’kin ni Ate Beth nito? Puro naman pangregalo sa balentayms o kaya damit na pandeyt ang hinahanap ng mga mamimili. To naman kasing bossing ko. Napaka outdated. Kung kelan balentayms, saka naman puro uniform ang mga pinamiling stock. Paano kami mabebentahan? Di man lang bumili ng kung ano yung napapanahon. Kahit man lang pulang tshirt o kaya mga kopol’s shirt o kaya pulang bimpo o panyo. Kahit ano basta pula pwede na sa balentayms. Palibhasa matandang dalaga kaya bitter. Ayaw maki-balentayms. Tapos ako sisisihin kapag walang benta yung tindahan.

Ito namang mga tindera nila Tiya Diding at Aling Ellen parang nananadya din. Bakit kailangang magpulang blouse lahat? Uniform? Alam ko namang may kadeyt silang lahat mamaya pero kailangan pa nilang ipamukha sa’kin? Kay aarte nitong mga ito eh sa Ferdie’s Panciteria lang naman lahat pupunta mamaya. Group date lang?

Ito naman ding si Chinnie pinangangalandakan pa yung binigay sa kaniyang rosas at chocolate ni Kagawad. Hmp! If I know, nangotong pa iyan sa mga tricycle drayber kaninang umaga may maipambili lang ng Ferrero. May Ferrero lang kala mo na kung sino tong babaeng ‘to. Feeling!

Ito namang si Boy na gwapong-gwapo sa sarili. Nakataas pa yung buhok na akala mo si Goku. Kanina pa sumasabit sa paninda ko yung sako-sako ng feeds na pinapasan sa balikat. Mamaya niyan mangamoy feeds yung paninda ko eh di lalo na akong hindi mabibilhan? Di ko kasi mawari eh kung bakit dito dumadaan sa kasikip-sikip na daan makapagpapogi lang kay Sione. Kala naman nila di ko napapansin yung pagkikindatan nila. Susme! Ako pa ba? Ako pa ba?

Hay nako. Palalakihin ko nga ng tama itong si Buding ko para di matulad dito sa mga tinderang ito na walang inatupag kundi pagpapacute. At para din hindi matulad sakin na dati rin ay walang inatupag kundi magpacute kaya hayan, single mom na nga, wala pang kabalentayms.

Pero ano ba? Hapon na. Dumidilim na ay wala pa akong benta kundi tatlong puting bimpo. Bokya na nga ang balentayms ko, bokya pa din ba ang kita ko?