Negative, Ooh, Nega-Negative (ansaya saya)

Ang post na ito ay isinulat sa Tagalog para kung may makabasa man na hindi imbitado dito ay hindi maintindihan ang mga nakalahad.

Isang umaga habang ako ay abala, nagkakagulo ang dalawa kong katrabaho. Palakad lakad sila sa labas ng aming opisina sabay lapit at bulong sa akin na positibo ang isa naming katrabaho na itago na lang natin sa pangalang Babaita #1.

Tumawag daw si Babaita #1 sa aming manahero upang ipaalam na nangangati at masakit ang kaniyang lalamunan at tumutulo ang kaniyang uhog. Isinalang siya sa pagsusuring anti-gen at lumabas na siya ay positibo. At dahil sa kaniya, mahigpit na pinag-utos ng aming pinuno na lahat ay dapat dumaan sa pagsusuring anti-gen.

At iyon ang pinaka-ayaw ko sa lahat. Ang dumaan ang aking ilong sa madugong pakikipagbaka.

Nagbasta ang nars ng lamesa at nagsimula na ang pila balde. Ang nakakaaliw tingnan, lahat ng nakapila ay parang tuwang-tuwa pa. Parang ang pinipilahan ay ayuda at hindi dutdutan.

Sa dalawang taon ng pandemyang ito ay limang beses lang nadutdot ang aking ilong at makokonsiderang hindi pa ito laspag. Limang beses sa loob ng dalawang taon. Pero nung araw na iyon, nabago ang lahat. Dalawang beses akong nadutdot sa loob ng isang oras. Error daw ang lumabas na resulta sa akin. Hindi daw sapat ang tubig sa loob ng boteng pinaglagyan ng aking sampol. Sa totoo lang ay hindi ko problema na kakaunti ang tubig sa loob ng boteng iyon. Pero wala akong nagawa kung hindi magpadutdot ulit. Inalo pa ako ng nars at sinabing, buti nga ikaw dalawang beses lang. Si ‘kwan’ tatlong beses ko ng dinutdot puro error pa din. Hindi namin alam kung ano ang nahithit niya at error siya.

Dapat pa pala akong magpasalamat.

Sa mahigit kumulang isang daang tauhan, may sampung nag positibo sa pagsusuring anti-gen. Kritikal ang kondisyong ito kung may sampung taong positibo dahil napakaliit ng isla namin.

Dahil hindi ko naman alam ang gagawin bukod sa pag-uusisa sa mga resulta ay bumalik na lang ako sa trabaho. Kinahapunan ay nakita ko pa ding paikot-ikot sa labas yung sampung positibo. Kako ay bakit?

Hindi daw sigurado yung pagsusuring antigen kaya sinuri naman sila ngayon sa pamamagitan ng PCR. Silang sampu at si Babaita #1 na pinagmulan ng lahat ng kaguluhan. At nung makuha na ang resulta ng PCR, lahat naman sila ay negatibo. Salamat naman. Pero hiniwalay si Babaita #1 sa kaniyang kakwarto na tawagin na lang nating Babaita #2. Kahit pa nagnegatibo si Babaita #1 ay kailangan siyang ihiwalay dahil nakakahawa pa din ang pagtulo ng kaniyang uhog.

Subalit sa hindi maintindihang rason, si Babaita #1 ay pabalik-balik pa din sa kwarto nila na para bang hindi sila mapaghihiwalay ni Babaita #2.

Nung araw na maari na sanang palabasin si Babaita #2 dahil kontak lang naman siya, nakita kong pumasok ito sa aming kainan para magpuno ng kaniyang tubigan. Nairita ako ng makita kong nakalugay ang kaniyang pekeng blonde na buhok na siya ko namang isinumbong sa kaniyang manahero dahil, alam ng lahat ng kailangan nakapusod ang buhok pag papasok sa hapag kainan. Maari itong mag sanhi ng kontaminasyon at kung sakaling may mahulog na kahit isang hibla ng buhok sa malaking lyanera ay kailangang itapon lahat ng pagkain sa lyanerang iyon.

Malaman-laman ko naman kinagabihan na si Babaita #2 na pumasok sa kainan, na hindi nakapusod sa buhok, ay nagpakalat-kalat nung araw na iyon kahit alam niyang parang nilalagnat na siya dahil mainit ang kaniyang katawan, ay positibo. Gusto kong kumuha ng baseball bat nung panahong iyon at ihampas sa bumbunang walang laman ni Babaita #2.

Sa loob ng dalawang taon ng pandemya, wala ni isa sa aming tauhan ang naging positbio kahit pa nagkaroon kami ng mga bisitang positibo na sinimulan ng mga energy ballers nung Nobyembre ng 2020. Kahit pa yung mga tagalinis ng kwarto at mga tagasilbi ng pagkain sa mga naka-quarantine ay hindi nahawa dahil sumusunod sila sa mga protocol – iyon ay magsuot ng PPE, at maglinis ng dapat linisin, maghugas ng dapat hugasan.

Ang dalawang babaitang ito ay baguhan at ilang buwan pa lang sa kumpanya at sila pa ang tinamaan ng virus na ito. Bakit? Obvious ba sa mga pinagagagawa nila. Bago pa man nagkaron ng pandemya, alam ng lahat ng ang ubo, sipon o lagnat ay nakakahawa at dapat umiwas sa mga taong may sakit. Sintido komon naman.

Nilagyan na ng harang ang kulungan ng babaita para malaman niyang bawal siyang lumabas at makipaghuntahan sa mga Marites.

Sa mga panahong ganito, naalala ko ang kanta ng Sunflower Daycamp na Paano Na Yan na may lyrics sa bandang dulo na:

Negative wohoo

Negative wohoo

Nega-negative (ansya saya)

Ang kanta nila ay tungkol sa magjowang gumawa ng kabulastugan pero ayaw maging magulang. At nung lumabas na negatibo ang pregnancy test ay nagdiwang na. Those were the days. Pregnancy test lang ang pinagdadasal na maging negatibo.

Salamat Rhea sa podcast niyong nagsilbing inspirasyon ng post na ito.

9 responses to “Negative, Ooh, Nega-Negative (ansaya saya)”

  1. Jusko si babaita #1 at #2 pakitapon sa dagat! Cheret. Ingat lagi te!!

    Liked by 1 person

    1. Kung pwede lang eh hehe

      Like

  2. Nakakairita, Inang Bibe! Pagsama-samahin natin sila nina Poblacion Girl.

    Liked by 1 person

    1. bwahahaha pag nakikita ko sila ngayon minsan gusto kong tsinelasin

      Liked by 1 person

  3. Babaita #1 and Babaita #2, sarap sabunutan!

    Like

  4. I learned something new… Manahero 😊

    Liked by 1 person

  5. What in the actual heck (ngayon ko lang nabasa 😅)!! Hay nako na lang sa mga babaitang yan..

    Liked by 1 person

I’d love to hear from you!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: