So ipinadala ako ng kumpanya sa Phuket, Thailand, para sa training. Para magkaroon ng karagdagang kaalaman para sa Road to Stardom ko.
Umalis ako ng isla ng 10am nung Lunes, nag speedboat ako papuntang airport tapos ang flight ko papuntang Bangkok ay 12pm (local time). Dumating ako sa Bangkok ng pasado alas syete (local time, bale 5 hours yung biyahe) tapos ang flight ko naman papuntang Phuket ay 9:50pm.
Dumating ako ng Phuket ng bandang alas onse na. Bilang connecting flight galing Bangkok, sa domestic airport kami bumaba. Pero dahil galing ako sa Maldives, nasa International Airport yung check in luggage ko at kailangan ko lumipat ng airport para makuha yung luggage ko. So lumabas ako ng Domestic Airport at nagpunta sa International Airport. Malapit lang naman, mga isang minutong lakaran.
Nagtanong ako sa guard na nasa tabi nung machine kung saan ineexray yung luggage, sabi ko, I need to collect my luggage inside. I came from an international flight. Tapos si kuyang guard, nginitian lang ako tapos tinuro yung security office.
Pag punta ko sa security office, andaming security guards. Babae at lalake.
Sabi ko, excuse me! I need to collect my luggage inside. I came from an international flight.
Tapos, sabi nung isang kuya guard, Follow me!
So sumakay si kuya dun sa hoverboard niya. Sumunod naman ako. Tapos, pumasok siya sa isang pinto na sa taas may karatulang may nakasulat na – staff only. Tapos, may scanner. Dumaan ako doon. Tas kinapkapan ako ni Ate guard. Tas si kuya guard na naka hoverboard, nakita ko na-stuck dun sa gilid nung scanning machine. Kasi ang kitid nung daan, di ko alam bakit pinagpipilitan niya ipasok yung hoverboard niya at kung bakit ba siya nakahoverboard. Hello, ang liit liit naman ng airport. Hindi naman po Changi or Dubai Airport ito. Hindi ko alam kung bago yung hoverboard niya o nagpapasikat sya sa mga babaeng guard pero mukha namang hindi sila naiimpress sa pinagagagawa ni kuya dahil kita ko sa expression ng mga mukha nila na parang naiinis pa sila dahil sagabal si kuya sa pag-unlad ng ekonomiya.
So parang sasakyang dumaan sa makitid na kalsada yung hoverboard ni kuya. Pininahan niya talaga yung pader at yung scanning machine.
So nung after ilang minutong nagmamaneobra si kuya, nakalabas na din siya. Pinauna ko ulit siya, syempre dahil hindi ko alam kung saan pupunta.
So ayun na nga, nakapasok na kami tapos dinala niya ako sa office ng lost and found luggage. Nagpasalamat ako tapos umalis na si kuya kahit mas matagal ko siyang inantay kakamaneobra ng hoverboard niya kaysa sa ilang minutong nilakad ko (bilang hindi siya naglakad) papunta sa luggage area.
May lumapit sa akin na ate girl at hiningi yung boarding pass ko at luggage claim tapos tiningnan niya yung listahan niya. Wala doon yung name ko. Tapos tinanong niya ako, did you check Luggage Collection 1? Tapos sabi ko, No. The guard brought me here. Tapos parang nainis si Ate tapos sabi niya, check first. Parang nainis pa si ate girl dahil inistorbo ko siya na hindi man lang nagcheck sa mga luggage carousel. Malay ko ba? Dun ako dinala ni kuya guard na nakahoverboard.
So nagpunta nga ako dun sa baggage carousel nunber 1. Wala sa converyor belt yung maleta ko. Luminga linga ako at nakita siya sa gitna ng carousel 1 and 2, pakalat kalat.
Hand carry size lang naman yung maleta ko, kung alam ko lang na ganito ang mangyayari edi sana di ko na siya chineck in.
So nung makuha ko na nga yung luggage ko, lumabas na ako at hinanap ko yung airport representative nung hotel. Hatinggabi na ako halos nakarating sa hotel.
Sarado na yung restaurant kasi sobrang late na kaya di na lang ako magdidinner. Di pati ako kumain nung layover, pinapak ko lang yung isang skyflakes na durog na nasa bag ko. Tapos yung meryenda dun sa flight galing Bangkok ay isang parang croissant na may parang ginger at apple na filling.
Sabi sa akin nungg training manager ko bago ako umalis ng isla, may convenience store daw sa harap ng hotel na bukas 24 oras kaya pwede daw ako bumili ng cup noodles anytime pag nagutom ako pero wala akong nakita nung dumating ako sa hotel. Kung alam ko lang na wala palang store sa harap ng hotel, sana nagbaon ako ng cup noodles. Anyway, late naman na. Aagahan ko na lang gising kinabukasan para makapag almusal.
So nag-unpack na ako tapos nagready na ng pamalit para makaligo na.
Nilagay ko sa lababo yung facial wash ko at nilagay ko sa may shower yung conditioner ko. Pag tingin ko, walang toothbrush at toothpaste na pinrovide yung hotel. May baon naman akong toothbrush kaya ok lang. Pero nung maghanap ako ng toothpaste sa luggage ko at sa NatGeo backpack ko, wala akong nakita. Anak ng teteng naman o. Saan ako bibili. Anong gagawin ko? Anong petsa na?
Hinalughog ko yung buong banyo. May shampoo at shower gel pero walang toothpaste. Binuksan ko lahat ng mga cabinet sa banyo pero walang toothpaste. May bath towel at face towel pero walang tooth paste.
Bumalik ako sa kwarto. May kama, unan at duvet. May lampshade, TV at remote control pero walang toothpaste.
Hinalughog ko yung cabinet. May laundry basket, plantsa at kabayo at tsinelas na kulay dilaw pero walang toothpaste.
Lumabas ako sa sala. May sofa, may anim na throw pillow, may TV at remote at dalawang lampshade pero walang toothpaste.
Nagpunta ako sa dining table. May kape, creamer, brown at white na asukal pero walang toothpaste.
Nagpunta ako sa kitchen. May dilaw na bread toaster, dilaw na kettle, coffee machine, silver na ref, itim na microwave, yellow-lined plates, espresso cup, coffee mug, pink na kaserola, at kawali, mga kubyertos, sponge at dishwashing liquid pero walang toothpaste.
So naisip ko na magtoothbrush na lang ako kahit walang toothpaste.
Ang problema nito ay kinabukasan. Pupunta ako sa training ko na bad breath. Putek! Anong klaseng first impression ang iiwan ko sa mga colleagues kong galing sa iba’t ibang bansa?
So kinaumagahan, nagtoothbrush ako na walang toothpaste tapos magmumumog na lang ako ng 10 times. Nagtungo ako sa restaurant para kumain ng almusal. Di ako nagsasalita kahit pa binati ako nung mga staff. Ngumiti lang ako.
For sure kung bad breath ako , pagkakain ko at pagkakape, mangangamoy kape yung hininga ko.
So nag-almusal ako at nagkape. Inamoy ko yung hininga ko, amoy kape nga. Nagsimula na yung training. Hindi na mahahalata ng mga kasama ko sa training na hindi ako nagsipilyo. At 10am may coffee break. Kape ulit! At 12pm lunch. At 3pm may coffee break. Kape ulit!
Hanggang sa natapos yung training namin ng bandang alas singko, amoy kape yung hininga ko.
Pagbalik sa hotel nagtanong-tanong ako kung nasan yung convenience store. Lalakarin pa pala siya, mga 3 minutes walk.
Pagdating ko sa convenience store ay dali dali kong hinanap ang shelf kung saan nakalagay yung toothpaste.
I’d love to hear from you!