Pagod na isip at katawan. Ang tanging nais ko na lamang ay makatulog na. Lukot na ang aking kumot at kobre kama sa pabiling-biling at paikot-ikot.
Hanggang sa maghahatinggabi na ay hindi pa rin nakakatulog kahit antok na antok na. Marahil ay stress, marahil ay napakadaming isipin.
Nagulat na lang ako sa lakas ng ugong kaya’t mula sa ilalim ng kumot ay napabalikwas at napatayo. Nakiramdam.
Ulan.
Napakalakas na ulan. Ulang kung bumuhos ay akala mo wala nang bukas. Parang ayaw na magtira. Galit na galit. Dinig na dinig ang malalaki at sandamakmak na patak sa bubong.
Ulan.
Malakas, maugong. Pero parang musika sa aking pandinig. Nakapaghele sa isip na balisa. Di nagtagal ay unti-unti nang nahimlay ang kamalayan.
Ulan.
Malakas pa din. Umaga na. Kailangan ko nang bumangon.
Hindi na pagod ang isip at katawan. Pero ang tanging nais ko ngayon ay matulog pa. Lukot na ang aking kumot at kobre kama sa pabiling biling at paikot ikot.
**
Part 2
I’d love to hear from you!