Luluwas ako papuntang siyudad. Patitingnan ko ang ngiping ilang araw na akong binabalisa.
Alas siete y media ng gabi nung lumulan ang speedboat na siyang magdadala sa amin papuntang Male’.
Madilim. Maulap.
Tatlumpung minuto ang itatagal ng biyahe. Habang tagtag kami sa bayo ng alon ay nakatingin lang ako sa kadiliman. Minamasdan ang linyang namamagitan sa langit at sa dagat. Iniinda ang patuloy na pagsakit ng aking panga.
Maya maya pa ay bumuhos na ang ulan. Wala na akong ibang makita kundi tubig. Tubig ng dagat at tubig na binubuhos ng langit. Lalo pang dumilim. Hindi ko na makita pa ang linyang namamagitan sa langit at sa dagat. Parang isang malagim at nakakatakot na panaginip ang lahat. Nagliliwanag lang tuwing hahatiin ng kidlat ang madilim na kalangitan.
Sobrang lakas ng ulan. Mas malakas pa ang tunog ng ulan kaysa sa tunog ng makina ng speedboat.
Basa na yung ibang pasaherong nakaupo sa dulo kahit ibinaba pa yung trapal.
May halos labing limang minuto din kaming sinukob ng kadiliman sa gitna ng malawak na karagatan. Pero hindi rin nagtagal ay natapos din ang unos. Nalampasan na namin yung ulap na may dala nung ulan.
May liwanag na din. Kumukuti-kutitap na ilaw ng siyudad na unti unting lumalaki habang kami ay papalapit na sa daungan.
Basa ang kalsada pero wala na ding ulan.
Humupa na.
Narating ko ang klinika at nagpatingin sa dentista. Malala na. Namamaga na.
Ilang gamot ang nireseta. Ilang araw lang daw, ang sakit ay huhupa din.
**
Part 1
I’d love to hear from you!