Nakapaglaro ka ba ng Gunbound? (ehem ehem napaghahalata ang edad)Â Sa mga batang hindi nakakaalam, isa ito sa mga online games noon, halos kasabayan ng Counter Strike. Hindi naman ako gamer pero natutuwa ako sa Gunbound kasi yung mga characters parang pokemon at uod. Ang cute.
Saka nakakatuwa yung tunog niya. Kahit pinapasabog mo yung kalaban eh nakakarelax yung tugtog. So feeling ko hindi ako bayolente talaga. Saka parang simple lang kasi yung laro. Di ko kailangan ng complicated methods or tactics. Ang kailangan ko lang ay tantyahin yung trajectory para sakto ang babagsakan ng bomba.

Anyway, sa larong ito, pag hindi ka marunong Noob ang tawag sa iyo. Masaklap yun pag natawag kang Noob. Aayawan ka ng mga kakampi mo. Iiwan ka na lang basta basta. Kasi ibigsabihin baguhan ka. Di ka marunong. May mga kagrupo ka na tutulungan ka dahil Noob ka, mayroon namang iiwan ka na lang sa ere.
Kamakailan lang ay naghanap kami ng photographer na kukuha ng litrato para sa aming hotel. May dalawang photographer kaming pinagpilian, isang Noob at isang propesyonal. Mas pinili ko yung propesyonal bilang kailangan naming mabilisan ang gawa at kita sa portfolio niya kung gaano kaganda ang mga kuha niya at ako mismo ang nagpilit na siya na lang ang kunin dahil mas maganda yung mga litrato niya.
Nung magsimula na siyang magtrabaho, napakaraming kondisyon. Lagi siyang late sa schedule at ang bagal niya kumilos. Dumating sa punto na lumabas ang pagkabayolente ko dahil nahuli ko pang nagsisinungaling.
Dalawang buwan na ang nakakaraan at hanggang ngayon ay hindi nya pa natatapos yung proyekto. Hindi na sumasagot ng tawag o email namin. Ganun-ganun na lang na iniwan kami sa ere.
Nung nakaraang linggo, nagkaroon ng pagkakataon na makapunta sa isla namin yung Noob photographer na tinaggihan ko. Napakasipag niya. Mula pagsikat ng araw ay kumukuha na siya ng litrato. At baguhan man siya, hindi maitatangging magaganda din ang kuha niya.
Naalala ko sa kaniya nung sinabak na ako sa Sales na wala naman akong alam. Wala akong kilala at wala akong koneksyon (na siyang pinakamahalaga sa lahat). Kasa-kasama ko yung Sales Manager namin na matagal na sa industriya. Mainit ang pagtanggap sa kaniya ng bawat opisinang pasukin namin na para siyang artista. Sikat siya. Kilala na siya sa industriya. Akong baguhan at wala pang pangalan ay kailangan kumayod ng doble. Habang siya ay pa easy easy lang at tatamad tamad, kailangan kong ipakilala ang sarili ko. Kailangan kong patunayan ang sarili ko sa lahat. Kailangan kong doblehin ang trabaho dahil malayo na ang hahabulin ko para maabutan siya.
Bilang baguhan ay may mga nagawa akong pagkakamali pero nandiyan ang mga amo kong sumusuporta naman sa akin at hindi ako iniiwan sa ere.
Minsan, risky magtiwala sa mga baguhan. Kaya nga sa pagpili ng mga trabahante, kinukuha ng mga kumpanya ay yung mga batikan na sa larangan para hindi na kailangan turuan. Pero minsan naman din, kung sino pa yung magaling, sila yung mga feeling DIVA.
Iniisip ko tuloy, siguro kung nag-take kami ng risk at kinuha yung NOOB photographer, siguro tapos na yung trabaho at malamang nakuha na namin yung mga litrato.
I’d love to hear from you!