Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.
Pero dahil matagal na akong hindi nakapagsulat ng kwento nila Aling Mertha, 7 years old na si Buding ngayon.
***
Summer na naman ‘no. Ambilis ng panahon. Andami na naman nagpapapayat para makapag tupis. Yung ibang bilbil di pa naka move on sa Noche Buena eh kaya mag rash guard na lang daw kesa tupis. Kaya mas mabili ngayon dito sa palengke ang mga rash guard. Tapos salbabida.
Uso na naman yung mga out of town na ‘yan susme. Wala na inisip mga tao lalo mga kabataan kundi gumastos.
Tapos panay post sa pesbuk ng kung ano ano. Hay nako! Eto ngang si Buding eh nagtanong sa akin nung isang araw. Saan daw ba yung Hong Kong Disneyland. Eh kako, edi sa Hong Kong.
Tapos eh lumayas ng walang ano ano. Akala ko nakalimutan na. Bumalik na naman at nagsabing gusto niya daw sumakay sa cable car. Ay naku, sabi ko, wala tayong pambayad niyan ‘nak. Tapos hayun lumayas na naman.
Maya-maya pa napansin ko nakikitumpok si Buding sa mga tinderang nasa labas ng tindahan nila Sione.
Ay nako, nakakatakot naman itong cable car, salamin ang sahig nakakalula ito! Sabi ni Sione. Hindi ko susubukan ‘yan pag nagpunta ako sa Hong Kong.
Hoy Sione, may pera ka ba pang Hong Kong? Sabi naman ni Inday sabay hagalpak ng tawa.
Echosera ka! Sabi ni Sione.
So inisp kong magcheck ng pesbuk ng malaman kung ano bang kaguluhan tungkol sa Hong Kong na iyan.
Aba! Sila Aling Loleng pala ang nag Hong Kong. Dami nilang litrato oh.
Caption: Celebrating the achievement of my apo! Congratulations John Paul for being the Top 1 in your class. #Travel #Hong Kong #Bucketlist – at 香港迪士尼樂園 Hong Kong Disneyland Resort
Aba, may paganyan ganyan pa sila. Naku! Kawawa naman ang Buding ko. Baka naiinggit. Kaso wala naman kami pang Hong Kong. Yung pera ko Kang Kong lang ang kaya bilhin. Bakit ba nila kailangan ilagay sa pesbuk ‘yan? Baka mainggit lang si Buding. Baka sabihin niya top 3 naman siya sa klase pero di ko siya maipasyal. Baka ny’an sa susunod tamarin na siya mag-aral. Naku saan ko kaya siya pwedeng dalhin?
Ilang gabi na akong puyat kakaisip kung saan ko siya pwede ipasyal. Bukambibig pa kasi sa palengke ang Hong Kong na iyan. Yung mga cable car at Disneyland. Kawawa naman anak ko. Gusto ko din naman siyang makitang nag-eenjoy.
So ayun na nga, biglang nagtilian sila Sione at tumakbo papunta sa akin. Aling Mertha, Aling Mertha! Sigaw niya.
Anu na naman ‘yan? tanong ko naman sa kaniya.
Punta kami ng waterpark sa Sabado! Sama kayo ni Buding? Ano, wantwenty daw entrance pag matanda pag bata sisenta lang.
Aba, natuwa ako! Pagkakataon ko na ito para maipasyal si Buding. Kayang-kaya ko naman bayaran yung entrance. Sige! Sama kami! Sabi ko kay Sione. Naku naexcite ako ng sobra kaya binilhan ko agad ng bathing suit ang anak ko. Kulay neon green! Tapos binilhan ko din ng salbabidang pink. Naku ang anak ko makakapag enjoy!
So ilang gabi ulit akong di makatulog ano, pero dahil sa excitement. So dumating ang Sabado at handang-handa na kaming lahat. Nagkita-kita kami sa palengke ng alas syete. Maaga kami para masulit yung bayad.
Nung kumpleto na kami, sumakay kami ng tricycle papunta dun sa waterpark. Pagtigil ng tricycle tumalon na agad si Buding. Excited talaga. Binasa ko yung karatula sa taas ng Entrance nung Park. Jonel’s Resort & Waterpark. Hinila ni Buding ang kamay ko at nagtatakbo papasok. Binaba lang namin yung mga gamit sa cottage at nagtatakbo na siya papunta sa swimming pool na pambata. Panay ang padulas niya. Siguro naka 100 times siyang akyat baba sa padulasan. Panay ang kampay niya, walang humpay. Titigil pag nagugutom. Hihingi ng pagkain. Mabuti na lang madami akong baong tuna sandwich. Tapos magpapadulas ulit at lalangoy. Ako naman panay ang piktyur. Minsan lang ganito kasaya ang anak ko. At para din may maipost naman ako sa pesbuk.
Maghapon kami dun sa Jonel’s Resort & Waterpark. Sulit talaga. Mag aalas singko na kami umalis.
Pagdating sa bahay ay nakatulog na agad si Buding. Pagod na pagod. Ako naman ay naglaba pa ng mga basang damit at pagtapos no’n ay tiningnan ko ang mga piktyurs ni Buding. Pinili ko yung mga magaganda at pinost ko sa pesbuk.
Nagcaption din ako: Masaya siya. – at Jonel’s Resort and Waterpark.
Tapos niyan ay natulog na din ako.
Kinabukasan ay maingay yung mga tindera sa palengke. Pinagkukuwentuhan nila ang mga pangyayari sa outing na nangyari sa waterpark, mga excited pa. Chika chika pa sila kung sino ang marunong lumangoy at kung sino ang nakainom ng madaming tubig sa pool sabay tawa. Sino ang nagweewee sa pool at sino ang nakahanap ng lablayf sa waterpark sabay asaran. Andami din nilang mga litrato na naipost sa pesbuk. Huh! Natabunan na din ‘yang Hong Kong Disneyland na ‘yan. Baka wala na maipost sila Aling Loleng dahil nakabalik na sila.
Maya-maya pa ay nakita ko na lang tumatakbo si Buding papunta sa akin na nakasimangot.
Ma! Sigaw n’ya. Sino ba may-ari nung pinuntahan nating swimming pool? Aba, at bakit naman kaya siya nagtatanong ng ganito.
Sino ba ‘yang Joneeeel na ‘yan ma? Bakit natatawa yung kuya nni John Paul nung sinabi kong sa Jonel’s Waterpark tayo namasyal? Bakit nila ako pinagtatawanan?
Aba, ano ba ang nakakatawa sa pangalan nung waterpark?
Sino nga ba si Joneeeel?
***
Palengke Chronicles 2 : Rebond
Palengke Chronicles 3 : Slimming Tea
Palengke Chronicles 4: Ekonomiya
Palengke Chronicles 5: Guhit ng Palad
I’d love to hear from you!