Unang nagka-mens ang kapatid kong si Colay kesa sa akin. Ten years old siya noon at ako, magtutwelve. Sabi ng mga pinsan ko, nauna raw si Colay kasi mas mataba siya at mas aktibo sa paggalaw-galaw kesa sa akin.
Naging sentro ng atensiyon si Colay noong araw na reglahin siya. Lahat kami, nasa labas ng kubeta, naghihintay sa paglabas ng “bagong” dalaga. Pagbukas ng pinto, itong stepmother ko, biglang pumasok. Hinanap niya ang panty ni Colay sa loob ng kubeta. Gulat na gulat si Colay syempre.
Bakit? Tanong niya sa stepmother namin. Labhan mo. Tubig lang. ‘Wag kang gagammit ng sabon. Kusot-kusot lang. Tapos ipunas mo sa mukha mo ‘yang panty. Tapos sabihin mmo, sana maging singkinis ng perlas ang mukha ko. Ulit-ulitin mo. Habang ipinupunas mo sa mukha mo ang panty.
Kapag nabasa mo ba ang summary ng librong ito (nakasulat sa itaas) ay maeengganyo ka bang bilhin ito? Lalo na kung lalake ka? Anong kinalaman mo sa Mens? At ano ang kinalaman ng katas ng unang regla para kuminis ang mukha?
Ilang ulit ko nang nakita ang librong ito at ilang beses ko ding pinag-isipan kung dapat ko bang bilhin. Baka kasi chakabels lang at masayang ang 195 pesos ko. Pero ilang araw lang ang nakakaraan ay naisip kong, hindi ko malalaman ang laman nito kung hindi ko ito babasahin (pero kung hindi lang ako engot, matagal na sana akong nagbasa ng book review nito edi nalaman ko sana kung maganda ba ito o hinde). Kaya binili ko na nga.
At syempre! Iba! HA HA! Ang librong ito ay hindi lang tungkol sa regla. HA HA!
Tuwang-tuwa ako sa pambungad nitong mapa na guhit kamay at d’yan pa lang ay naisip kong hindi nasayang ang pera ko.
Mga kwento talaga ni Bebang Siy ang mga maiiksing kwento sa librong ito. Napakakulay naman ng buhay niya kung totoong nangyari sa kaniya ang lahat ng mga nasa kwento.
Ang kwento niya ay kwento ng bawat isa sa atin na nakapaglaro ng langit-lupa, shake shake shampoo, at mataya-taya. Kwento ng bawat batang nakatikim ng palo ng alpombra, uminom ng palamig, kumain ng goto at nagkaroon ng crush.
Kwento ng bawat taong umabot sa pisong minimum fare hanggang sa naging otso na ito. Bawat taong sumasakay sa mga mabibilis na bus sa EDSA, bawat taong may kamag-anak na seaman, bawat taong nainggit sa kaniyang pinsan.
Maganda ang pagkakakwento at walang nakakabagot na sandali. Minsan nga lang ay nalilito ako sa paglipat-lipat ng petsa ng kwento at sa pabigla-biglang pagsulpot ng bagong tauhan.
Maari mong pagtawanan ang kanyang mga linya, o suriin pa ang mas malalim nitong kahulugan.
Maganda ang libro at talagang irerekomenda ko siya. (O baka naman ako na lang ang hindi pa nakakabasa nito sa bahaging ito ng mundo HAHA).

Pasok mga suki
Presyong Divisoria.
I’d love to hear from you!