“Habang maliliit pa ang mga anak mo, parang gusto mo, lumaki na sila agad. Kasi, ang harap mag-alaga ng bata. Pero pag nagsilaki naman, halos gusto mong ibalik ang panahon, ibalik sila sa ‘yo. Kasi, pakiramdam mo, ang layo na nila. Hindi mo na sila maabot.
Pero wala kang magagawa. Sinasabi lang natin na ang anak ay karugtong ng buhay ng ina pero ang totoo, oras na pinutol na ang pusod ng sanggol, nagiging hiwalay na tao na sila. hindi na sila karugtong ng isa.”
Ang librong ito na isinulat ni Lualhati Bautista ay isa na namang makapagbagbag damdaming nobela tungkol sa tatlong ginang, ang kanilang mga buhay bilang asawa, ina, lola at kaibigan.
Napakaganda ng pagkakakwento at talagang makulay at totoong totoo ang buhay ng tatlong bida sa istorya. Walang nakakainip na mga sandali. Ramdam ang tuwa at ganun din ang pagkaasar ng mga tauhan dahil sa sitwasyon nila sa buhay. Pero gaano man kasaya ay hindi ko pa din napigilang maging si Judy Ann Santos (kanang mata lang ang lumuluha) nung matapos kong basahin ito.
Hindi pa ako nagkakaanak kaya wala naman siguro akong karapatan na sabihing nakaugnay talaga ako sa buhay ng mga karater sa istorya. Pero may iilang bagay na patuloy at patuloy kong iniisip. Isa dito ang tungkol sa pagtanda at isa pa ay ang patuloy na pangangarap.
Marami tayong gustong gawin sa buhay na dahil sa pamilya o trabaho ay iniisang tabi natin. Minsan pinapatulog na lang natin ng mahimbing ang mga pangarap natin hanggang sa tuluyan na itong mahimlay sa walang katapusang katahimikan. Minsan naman ay dumarating pa ang panahon na muling nasisilaban ang ating mga pangarap at masasabi nating hindi pa huli ang lahat.
Sino ang may sabi na may ipinagkaiba ang damdamin ng isang sisenta’y singko sa isang disisais? Walang pinagkaiba yan, magkasingtalim lang ang damdamin niyan ng pagkabigo, magkasingdami ang luhang ititigis sa kamatayan ng kanyang pag-asa.Β
Marami pa rin akong nais gawin sa buhay pero dahil sa trabaho ay wala din namang panahon para gawin ang mga ito. Hindi na ako bumabata at hindi ko alam kung maraming maraming panahon pa ang nalalabi para gawin ang napakadami kong pang gustong gawin. Sana lang ay magkaroon pa ako ng oras para sa mga nais ko at sana ay magkaroon ng pagkakataon bago pa mahuli ang lahat.
Napakaganda ng librong ito. Talaga namang may kurot sa puso lalo na siguro kung mababasa ito ng mga ilaw ng tahanan.
I’d love to hear from you!