Tama ba ang spelling? Ang hirap pala magsulat, jejemon style.
Bigla na lang pumasok sa aking isip ang linyang ‘yan, Ikaw Lang Sapat Na at nasabi kong, ‘how jeje,’ sabay tawang sakto lang dahil ako lang mag-isa nung oras na iyon at baka mapagbintangan akong may tama kung saka-sakaling may makakakita.
Nitong mga nakaraan, andaming mga pangyayari at sa totoo lang ay nakakapagod mag-isip. Pero nakakapagod man ay patuloy pa rin ako sa pag-iisip. Minsan may saysay ang aking mga sapantaha, minsan naman ay wala.
Minsan sa patuloy na paglalaro ng bola sa aking isipan ay nagugulo lamang ang aking magulo na talagang pag-iisip kaya’t ang mga simpleng bagay ay nakokomplika. May mga simpleng tanong na hindi masagot at simpleng problemang hindi maresolba.
May mga gabing pagod man ang mata at utak ay hindi pa rin makapagpahinga kaya naman upang dalawin na ng antok ay patuloy ang pagpindot at pagsalin salin ng pahina ng mga bukas na librong buhay ng mga tao sa social media.
May isang istoryang nakatawag sa aking pansin, at ito ang kaniyang sagot sa nagtanong sa kanya:
Are you happy and contented with your life now?
I used to think happiness is everything but I realized it’s a temporary emotion. Life is like a wheel, Sometimes you’re up and sometimes you’re down. The best thing is to have peace in your heart, and right now Alhamdullillah I have peace in my heart. True happiness is in heaven. This world is full of trials and tribulations.
Isa siguro sa pinaka simpleng tanong pero napakahirap sagutin ay ang tanong na “Are you happy now?”
Marami sa atin ay masaya na sa simpleng buhay at marami namang nakaparami ng inaasam para matamo ang kaligayahan.
Kaligayahan. Isang salitang napakaraming maaring depenisyon. Maraming puno per iba-iba ang dulo.
Pero napaisip ako sa nakahayag sa itaas na ang kaligayahan ay pansamantalang emosyon lamang. Tama naman talaga. Para ngang mas dapat nating asamin ang kapayapaan kaysa kaligayahan.
Pero sadyang nakalilito dahil maraming nagsasabing YOLO, at kailangan nating sulitin ang bawat minuto ng buhay. Gawin ang ating nais at maging maligaya dahil tayo ay may iisang buhay lamang. May punto din naman.
Sa patuloy na pag-iisip, dun ako minsan mas nalilito. Dun nagiging komplikado ang mga simpleng bagay lang naman. Kaligayahan. Kapayapaan.
Sa dinami-dami ng aking nasabi, ito ay babalik lang sa titulo nito, Ikaw Lang Sapat Na.
Sa dami-dami ng nais natin sa buhay, sa dami-dami ng mga karangalang natatamo, mga pangarap na natutupad, at marami pa, na minsan nga’y nakakalimutan na nating magpasalamat, ano pa ba ang kailangan natin? Ano pa ba ang makapagbibigay ng saysay sa buhay?
Sa pag-iimpake ko nung nakaraang buwan at paglipat sa panibagong isla, napansin kong napakarami kong bagahe. Materyal at emosyonal na minsan nakapanghihinayang itapon pero sa totoo lang ay naipon ko na kung pera laman gang mga ito ay mayaman na siguro ako. Kailangan kong isa-isahin ang mga ito para malaman kung alin pa ang may saysay at kung alin ang dapat ng itapon.
At sa dinami-dami ng mga bagay at ng aking mga sinabi, sa totoo lang, sa pag-iisa, sa kalungkutan, sa gitna ng kalituhan o ano pa man, Siya Lang ay Sapat Na.
I’d love to hear from you!