Sa wakas ay personal ko ng nakadaupang palad ang mga bloggers na noo’y nakakausap ko lang virtually. Napatunayan ko na talagang tao at hindi bot ang nasa likod ng bawat rant, opinyon at kwentong nababasa ko.
Marami-rami kami kaya hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makilatis ang bawat isa bilang may kanya-kanyang usapang naganap at hindi rin masyadong magkarinigan dahil sa ingay nung lugar na pinagdausan ng pagkikita.
Medyo nakakagulat na karamihan sa kanila ay tahimik sa personal gayung napakalakas ng boses nila sa panulat.
Jheff – Sobrang abala ni Jheff sa pag oorganisa bilang siya ang contact ng lahat ng mga dumalo kaya hindi kami masyadong nakapagkwentuhan. Abala din siya sa pagkuha ng litrato at video.
Si Grace at Sensei ay hindi ko rin masyadong nakakwentuhan dahil malayo ang kanilang kinauupuan. Isang malaking surpresa si Sensei dahil walang-wala sa itsura at kilos niya ang mga pinagsusulat niya sa blog niya na walwal moments niya.
Si Patrick naman ang pinagdudahan namin. Akala namin ay peke ang kaniyang account at nais niya lamang mag-espiya kaya siya dadalo bilang bago pa lang siya sa grupo.
Isang napakalaking surpresa din ni Ely bilang hindi siya kailanman naglagay ng litrato sa mga blogpost niya o sa fb account niya. Akala ko ay kamukha niya yung cartoons sa gravatar niya dahil yun lagi ang naiisip kong sumusulat sa imaginary gf niya.
Nahihiya ako makipag-usap kay Kate dahil talagang kapita-pitagan siya.
Kakaiba naman itong si James. Para kasing ibang-iba siya sa personal kaysa sa mga pinagsusulat niya sa blog niya. Sa personal para siyang yung tipikal na mga nagbabanda/ rakista (bilang long hair siya) na walang kibo habang minsan pakiramdam ko ay may pagka-jeje yung pagkekwento niya sa blog (ha ha sorry, peace tayo James).
Natuwa akong makilala sina Kuya Keso and Ate Choco, dahil sa wakas, matapos ang ilang taong pagbabasa ng kanilang blog sa wordpress ay nakilala ko na din sila ng personal.
Sayang at malayo ang pwesto ni Rhea, kaya hindi ko naimustra sa kaniya kung paano ako pinagtabuyan ni Space nung nagkita kami sa Singapore habang nililtratuhan niya yung welcome banner ko. Si Jonathan naman na inaasahan kong madaldal ay tahimik sa isang tabi. Si Pajahma naman ay di ko masyadong nakausap dahil paalis na ako nung dumating siya.
Si Aila at Jass ang talagang nagbigay kulay sa meetup na ito. Sila naman yung hindi ko inaasahang kwela.
Natutuwa akong makilala ang mga taong iba-iba man ang pinaggalingan, pati ng personalidad subalit pinagbuklod ng panulat.
Napakasaya ng pagkikitang ito at sana ay mas dumami pa tayo sa susunod, at sana ay makasama akong muli kapag may pagkakataon.
Ikinagagalak kong makilala kayong lahat at mabuhay ang TFIOB. #PAWER #PARAMI
I’d love to hear from you!