Oha! Oha! Parang Science article ang title ng blogpost na ito.
Space
Para sa mga hindi nakakakilala kay Space (kung hindi mo siya kilala, andami mong namimiss sa buhay mo), isa siyang kapita-pitagang blogger, soon to be Vlogger at baking expert na nakabase sa Singapore.
Dahil may ilang oras akong stopover sa Singapore, naisip kong idulog ito sa kinauukulan upang makapagplano ng meet-up. Medyo kinabahan ako sa ideyang ito bilang ayokong ayoko ng nagmamadali at nagtatatakbo sa airport (na nangyari nga). Ako yung tipo ng pasahero na nakaabang na sa gate isang oras bago pa ang boarding, nagrerelax o natutulog. Ayokong nagkukumahog.
Pero dahil Changi Airport naman ito na may maayos na sistema at dahil na rin sa payo ni Space, bilang tantyado niya na ang oras ng pagpasok at paglabas ng airport at isa siya sa mga shareholders ng paliparang ito, hindi na ako nag-alala pa.
Paglabas ko sa immigration ay hinanap ko na agad si Space. Naabutan ko siyang halos nakasalampak sa sahig at abala sa pagkuha ng litrato ng welcome banner para sa akin na gawa sa resibo at pink lipstick na made in Korea.
Tinawag ko siya. Pinaalis niya ako. Hindi pa daw siya ready.
Ng matapos na siya sa pagkuha ng litrato ay nagsimula naman kaming kumuha ng video para sa insta stories kahit hinuhusgahan na kami ng mga tao (si Space lang pala).
Wala akong nagawa kung hindi tumawa habang nakikinig sa mga kwento ni Space at halos wala din akong masabi. Una dahil talagang kulang ako sa tulog at hindi pa handa ang utak ko para sa kalokohan. Pangalawa ay napakakulit ni Space. Siya yung tipong iisipin mo pa lang yung kalokohan ay nasabi na niya. Parang kinulang sa gasolina ang utak ko kaya’t 40kph lang ang takbo habang si Space ay humaharurot sa bilis na 180kph.
Time
Dahil iilang oras lang ako sa Singapore, wala kaming masyadong nagawa kundi magtatakbo at maghabol ng shuttles bus mula Terminal 2 hanggang Terminal 4 at pabalik, kumain ng noodles na sabaw, kumuha ng mga litrato at video at mag exchange gift – inabutan niya ako ng home-baked brownies at inabutan ko siya ng sarong na may secret message.
12:15nn ang boarding time ko at 11:30am na ako nakapasok sa immigration. Nagkamali pa ako ng terminal na napasukan. Sa Terminal 3 ako pumasok imbes na sa Terminal 2. Mabuti na lamang at mabilis ang SkyTrain at nakaabot naman ako.
Singapore
Kahanga-hanga talaga ang sistema sa Changi Airport. Siguro ay talagang kamalasan na lang kapag naiwan ka pa ng flight mo dahil kayang-kaya mo magpabalik-balik sa mga terminal sa loob lamang ng ilang minuto kung sakaling nagkamali ka ng terminal na napasukan – katulad na lang ng nangyari sa akin.
Kung sakaling kayo ay dadaan sa Singapore ay mangyari po lamang na ipagbigay alam niyo kay Space at ipag-ba-bake niya daw kayo ng brownies.
Nandito po sa link ang mas detalyadong kwento ng aming pagkikita ni Space.
I’d love to hear from you!