No Man is an Island daw. Pero sa kasalukuyang kalagayan ko ngayon, tila ba ako ay a Man (or woman) that is an island in an island.
Mahirap mag-isa, sa literal o matalinghaga mang pananalita.
Ilang araw na mula nung umalis ang kasama ko sa kwarto para magbakasyon at kung akala kong makakapagdiwang ako sa independensya ko sa kwarto ay nagkakamali ako. Malungkot. Oo, nakakalungkot.
Hindi kami madalas mag-usap ng kakwarto ko hindi dahil magkagalit kami kundi nirerespeto namin ang espasyo ng isa’t isa. Minsan iniisip kong masarap magkaroon ng sariling kwarto pero iba din ang pakiramdam ng may kasama. Oo, kubarde ako at natatakot ako sa kaunting kaluskos na naririnig ko pag nakalampas na ang hatinggabi at oo bukas ang ilaw habang ako ay natutulog. Pero mas malala sa multong hindi nakikita ay ang multong nararamdaman. Ang multong dala ng lungkot na patuloy na nagpaparamdam araw at gabi, nagsusumiksik sa kaibuturan ng mga buto ng kaisipan, nakikidaloy sa pulang likidong pari’t parito sa mga ugat ng katawan.
Hindi ko nais na maging negatibo na lang palagi ang mga sinusulat ko sa blog na ito subalit isa sa layunin ng pagkakaroon ng blog ay upang mailabas ang mga saloobin na hindi madaling ibuga, na di tulad ng usok ng sigarilyo na matapos hithitin ay madaling ibuga at ipasa sa hangin para malanghap ng iba ang elementong sa kalusuga’y nakasasama.
Ang blog naman na ito ay hindi ginawa upang makapagpakita ng kagandahan lamang at pekeng kaperpektuhan dahil bilang tao lang ang nasa likod ng blog na ito na may kahinaan ding taglay, may kapangitan ding maipapakita sapagka’t ang mundo ay hindi perpekto ang pagkakabilog.
Sanay na akong walang nakikinig sa akin subalit minsan ako pa rin ay natatanga at umaasang may makikinig sa aking tinig upang mapahiya lamang sa tuwing nagsasalita. Wala akong kadala-dala. Kung bakit pa ba kasi ako nagsalita, dapat ay isinulat ko na lang kaagad-agad.
Napakaliit na ng mundo pero mas maliit pa ito kung ang mundo mo ay isa lamang isla. Isang maliit na isla na kaya mong libutin sa loob lamang ng sampung minuto. Para bang ang mundo mo ay kaya mong libutin sa loob lang ng sampung minuto. Mundo ng sampung minuto. Na sa bawat sampung minuto ng paggalaw mo ay may nasasabi ang iba. Ultimo pagkakape mo ay napupuna pa. Ultimo paglangoy mo ay napupuna pa. Ultimo pagkamot mo ng ulo ay napupuna pa.
Sa maliit na mundong ito ng sampung minuto kung saan maraming multo at lungkot at marami ring pait at luhang ‘sing alat ng tubig dagat ay may mga taong patuloy na umuusad subalit may mga taong naiwanan na sa sampung taong nakaraan. Silang mga naiwan sa masayang nakaraan ay nagpapalala at nagpaparami pa ng multo ng kalungkutan ng kasalukuyan.
Kaya’t sa bawat gabi ng paghilata at pagtunganga ng matagal at pagtitig sa kisame ay naiisip ang paliit na paliit na mundo. Ang mundong pansampung minuto na mas lumiliit pa kapag nakahilata sa kwartong kayang libutin sa loob lamang ng limang segundo. Ang mundong pang sampung minuto na naging pang limang segundo. Ang mundong pang limang segundo kung saan nagsisiksikan ang mga multo at lungkot at pait at luhang ‘sing alat ng tubig dagat, ito ang mundo ko. Sa ngayon, ito ang mundo ko.
I’d love to hear from you!