Lately ko lang nalaman na ‘big thing’ din pala sa Pinas ang blogging. Akala ko sa ibang bansa lang ‘yan uso. Akala ko hindi masyadong ‘in’ sa Pinas ang blogging, at ang mga bloggers ay mga tulad ko at tulad mong nagbabasa nito na hindi mainstream at pasulat-sulat lang dahil mahilig lang talaga magsulat. Pero huli na pala ako sa balita at mga pangyayari.
May nag-tag sa akin sa facebook sa isang blogging event sa Pinas few months ago at doon ko natuklasan ang sandamakmak na sikat na bloggers. Isa-isa kong sinilip ang mga blogs nila at mga social media accounts. Aba, yung iba sa kanila, mas marami pang followers kesa sa mga artista.
Hindi ako makapaniwala kaya gumawa ako ng maliit na background check sa mga sikat na bloggers na ito. Nakita ko ang mga about pages nila na parang resume, nakasulat pa kung saang unibersidad nagtapos. Hulaan mo kung anong unibersidad eyown? Syempre unibersidad ng mga rich and famous.
At hindi lang yown, hindi lang sila mayaman. May mga itsura at katawan pa na hindi pagdadalawang isipan ng mga kumpanya na isponsoran.

Pag nakakakita ako ng ganito, minsan tinatanong ko si life kung bakit napaka unfair niya?
May isang general mail akong natanggap na ang laman eh, naghahanap sila ng mga bloggers na ifefeature sa website or magazine nila at isa sa requirements nila ay dapat photogenic ang blogger. Lalo ko tuloy natanong si life kung bakit siya unfair pero hindi niya naman ako sinasagot.
Sa patuloy na pagiimbestiga ko sa mga rich and famous bloggers, nakita ko na yung mga content nila na bukod sa travel and sponsored clothes and stuff, katulad din naman ng mga content ng blog ng iba. Minsan mas mahusay pa magsulat yung iba pero ang kanilang mga posts ay nananatiling inaaalikabok at inaagiw sa isang sulok ng world wide web kasi di sila parte nag alta sociedad kaya walang masyadong nagfofollow sa kanila.

So ang siste ganun na lang? Kahit ba sa blog may diskriminasyon? Paano na lang yung mga bloggers na tulad ko na hindi na mayaman at hindi pa nila kasing ganda (maganda naman ako, yun nga lang mas maganda sila). Mananatili na lang ba kaming inaagiw?

Hindi naman sa naiinggit ako or something, nagtataka lang ako. Kahit pala sa blogging meron pa ring diskriminasyon. S’yempre, dehado na naman ang mga anak pawis, as usual.
Pero no hate peeps. I have nothing against these bloggers na pinagpala. Minsan lang naiisip ko, para bang sa mundong ito, mga mahihirap lang lagi ang nagtatanong na ‘bakit kaya di ako pinanganak na mayaman’ or ‘bakit kahit anong kayod ko, di pa rin ako makaahon’ o ‘bakit ang hirap maghanap ng trabaho?’ Sila kayang mayayaman nagtatanong din kung ‘bakit hindi ako sumasakay ng jeep’ o ‘bakit hindi ko kelangan magtrabaho para makabayad ng tuition’ o ‘bakit ako may yaya’ o ‘bakit kaya di ako pinanganak na mahirap?’
Sa tanda kong ito, para pa rin akong walang pinagkatandaan kasi lagi ko pa ring tinatanong si life, kahit alam kong hindi siya sasagot, kung bakit siya unfair.
***
Nakasali ka na ba sa anniversary (mini) giveaway ko? Kung hindi pa, join na!
I’d love to hear from you!