Humarap si Maria sa salamin. Tiningnan ang bawat anggulo ng kaniyang mukha. Bawat linya, bawat nunal, bawat tigyawat. Tiningnan niya kung gaano ito hindi perpekto. Hinahanap ang mga wala rito. Matangos na ilong, mapungay na mata, makinis na kutis.
Umaga’t gabi ay tinitingnan ang salamin, sabay ang paghiling na sana man lang, siya ay dinggin. Bigyan siya ng kahit kaunti sa kaniyang mga hinahangad nang siya naman ay maging katanggap-tanggap. Pero, katanggap-tanggap saan? Sa lipunan ba? O sa kaniyang sarili? Lipunan ba ang hindi makatanggap sa kaniya o ang kanya mismong sarili?
Isang gabi nang siya ay magmuni-muni sa harap ng salamin at habang tinitingnan ang repleksyo’y humawak siya dito. Nagulat siya ng lumusot ang kamay niya sa salamin. Hinila niya ang kamay niya pabalik. Pero para malaman kung namamalik mata lamang ba siya, muli ay hinawakan niya ang salamin. Lumusot muli ang kamay niya at unti-unti ay hinigop siya nito hanggang sa buong katawan niya na ang lumusot sa salaming ito.
Napadpad siya sa kadiliman at ang tanging liwanag lamang ay nagmumula sa isang salamin. Tumingin siya rito ngunit hindi niya makita ang sariling repleksyon. Maya-maya pa ay may dumating na babae sa kabilang dako ng salamin. Nakikita ni Maria ang babaeng ito, pero tila hindi siya makita ng babae.
Tiningnan ng babae ang bawat anggulo ng kaniyang mukha. Bawat linya, bawat nunal, bawat tigyawat. Tiningnan niya kung gaano ito hindi perpekto. Hinahanap ang mga wala rito. Matangos na ilong, mapungay na mata, makinis na kutis.
Ang babaeng nasa kabilang dako ng salamin ay walang iba kung hindi si Maria. Mula sa kadiliman ng mundo ng salamin ay tiningnan niya ang sarili at dun niya lang nakita ang gandang hindi nangangailangan ng pagtanggap ng kahit sino man. Ang ganda ng pagiging malaya sa labas ng salamin.
Hindi na nakalabas pa sa madilim na mundo ng salamin si Maria at araw-araw ay nakikita niya ang sariling repleksyon na dumudungaw sa kaniya. Walang kaalam-alam tungkol sa kaniyang pagdurusa.
Puno ng pighati si Maria para sa sarili niyang lumaya na nga ang isipin pero nakakulong ang katawan sa loob ng salamin at para sa sarili niyang nasa kabilang dako ng salamin na malaya man ang katawan, nakakulong naman ang isip at tila nakakahon.
I’d love to hear from you!