Kagabi ay nilabas ko ang aking gitara sa case nitong inaalikabok. Muli akong nakatipa matapos ang mahabang panahon.
Masakit na uli sa daliri dahil nawala na ang mga kalyo at madali na mangawit dahil hindi na praktisado. Medyo matigas din at ayaw sumunod ng mga kwerdas na para bang nagtatampo dahil sa tagal na hindi nalaro.
Matagal akong hindi nakatugtog hindi lang dahil sa ako ay abala kundi dahil na din sa tagal umigi ng mga hiwa ko sa daliri na dala ng talim ng mga kinolektang starfish nung naglinis kami ng coral reef. Doon pa mismo tumapat ang mga gasgas na parang mababaw na hiwa ng blade sa mga parteng ipandidiin sa kwerdas.
Matagal na kami ng gitara ko. 2010 o 2011 pa siguro nung una kaming nagkakilala. Pasensya na at mahina ako sa mga petsa, hindi ako nakakaalala ng anibersaryo.
Saksi ang gitara ko sa mga saya at lungkot ko. Nandun siya nung mga araw na wala akong ibang makausap o malapitan, nakikinig siya sa aking mga awitin at panimdim.
Nandun din siya nung mga panahon na walang mapagsidlan ang aking tuwa.
Minsan ay nakokonsensya ako dahil napapabayaan ko siya sa isang sulok kapag ako ay abala. Kung nakakapagsalita lamang ito, baka nakapanumbat na ito na lagi siyang nasa tabi ko pag kailangan ko siya, samantalang pag ako ay abala na sa buhay ko ay nakakalimutan ko na siya at pinapaalikabukan sa isang sulok.
Kagabi ay tumipa ako ng walang patid hanggang bisig ay mangawit, hanggang daliri’y humapdi. Kumanta ako hanggang sa lalamuna’y sumakit.
Ako at ang aking gitara ay parang magkaibigang nagkita muli matapos ang mahabang panahon na hindi maubus-ubusan ng kwento. Nagkukumustahan, habang pinagdudugtong ang mga sala-salabid na kwento, naghahanapan ng tonong madalas ay nawawala.
Kagabi ay nilabas ko ang aking gitara sa case nitong inaalikabok. Muli akong nakatipa matapos ang mahabang panahon. Muli ay may nakinig sa aking tahimik na panaghoy.

I’d love to hear from you!