Nung isang gabi ay nakikipag-lobster-dinner under the stars ako sa isang Danish Blogger at sa kaniyang boyfie.
Habang dumadami ang naisasaling malamig na Chardonnay sa aming mga baso ay dumadami din ang kwento.
Nasabi nilang nakakainis daw ang sistema sa Denmark dahil habambuhay silang kakaltasan ng 50% ng kanilang sweldo o hangga’t hindi pa sila nagreretiro. Tinanong ko kung bakit ganoon?
Ang sabi nila ay libre daw kasi ang pag-aaral nila. Nung kolehiyo daw sila ay binabayaran sila ng gobyerno ng mahigit sa isang libong dolyar kada buwan para lamang mag-aral sila. At ang benepisyong ito ay tinatamasa ng bawat kabataan sa kanila. Walang pinipili anak ng mayaman o mahirap. Lahat ay pinag-aaral para daw lahat ay matapos at maging propesyonal.

Isa pa ay wala daw babayaran kahit singko sa tuwing magpupunta sila sa ospital. Minsan nga daw ay inaabuso na ang serbisyo. May mga pupunta sa ospital na pag tinanong ng doktor kung ano ang karamdaman ay sasabihin lang nila na na-i-istress lang sila. Grabe sila. Nakaka-stress!
Sabi nila sa isang banda ay maganda ang sistema dahil walang taong grasa o taong kalye sa Denmark dahil sinusustentuhan ng gobyerno pero nakakabuwisit lang daw dahil habang buhay silang may kaltas sa sweldo. At pag lumampas pa daw sila sa sa average na sweldo at kumita sila ng mas malaki ay 70% daw ang kaltas sa kanilang sweldo. Grabe! Nakak-stress ang kaltas sa sweldo!
Tinanong ko naman sila kung hindi ba kinukurakot ng gobyerno ang kanilang pera. Sabi nila ay hindi maaaring magkakurakutan dahil ang buong bansa ay cashless. May card silang ginagamit sa lahat ng transaction at napakadali ding matrack ang pagpasok at paglabas ng kanilang pera, Hmmm! Kaya siguro walang makapag-under the table transaction.
Tinanong nila ako kung ano naman ang sistema ng Pilipinas pagdating sa tax. Sabi ko, hindi ako nagbabayad ng tax bilang sa ibang bansa ako nagtatrabaho pero balita ko sa ilang mga kaibigan ko ay halos 30 to 40% ang nakakaltas sa kanila.
Pero sabi ko, kailangan namin magbayad para makapag-aral at ganun din pag pupunta sa ospital.
At dahil habang lumalalim ang gabi at dumadami ang salin ng malamig na Chardonnay ay kung saan-saan pa napunta ang usapan.
Pero kinabukasan, nung mataas na ang sikat ng araw at mababa na ang tama ng alkohol ay napaisip ako kung maganda kayang gayahin ng Pilipinas ang sistemang umiiral sa Denmark. Libre ang lahat, pag-aaral, medical facilities at kung ano-ano pa pero habang buhay ka namang magbabayad sa gobyerno. Parang sa tingin ko ay ok namang makalatasan ka buwan-buwan ng sa sweldo kung hindi mo naman na kailangan pag mag-isip kung saan ka kukuha ng pambayad sa ospital kapag may emergency ka at ganun din ay hindi ka mamumurublema kung saan ka hahanap ng pangmatrikula ng iyong mga anak. Ganun din hindi ka mamumurublema na kinukurakot ng mga opisyal ng gobyerno ang binabayad mong Tax dahil napaka transparent ng accounts ng lahat dahil sa card system nila. Siguro ay mainam ang ganitong sistema pero naiintindihan kong logistically speaking ay napakahirap gawin nito sa Pilipinas. Hindi ko naman pwedeng ikumpara ang ating bansa sa Denmark dahil napakaliit lang ng bansang iyon at kakaunti ang tao kaya madaling isagawa ang implementasyon ng magandang sistema.
Mahirap man ang daan patungo sa pagbabago, walang masama kung susubukan.
I’d love to hear from you!