
Hindi pa man ako nakakauwi ng Pilipinas ay narinig ko na ang bagong kinahuhumalingan ni Ermats – Zumba.
Wala pa pala ako dito ay pinlano na niyang isama ako sa isa sa mga Zumba sesh niya ayon sa aking mga kapatid.
Unang umaga ko pa lang dito ay ginising na ako ni Ermats mga bandang alas kwatro y media ng umaga dahil alas singko y media daw ang Zumba sesh nila. May jetlag pa ako kaya hindi ko talaga kinayang gumising at pinangakong kinabukasan na lang ako sasama.
Kinabukasan ay ginising na naman niya ako at kahit ayaw ko pang bumangon ng ganun kaaga ay pinilit kong dahil nangako ako. Pinagsuot niya ako ng berdeng t-shirt dahil iyun daw ang dress code para sa umagang iyon.
Pagdating namin sa venue na carpark ng Puregold dito sa amin ay nakita ko ang humigit sa 40 mommies, lolas and middle aged ladies na parang magkakakilala na.
Halo ang naramdaman ko. Parang nagsisi ako sa pagsama dahil sa nakita kong mga nagchichismisang mga lola and mommies habang nag-aantay sa pagdating ng Zumba instructor na hindi marunong gumalang sa oras ng ibang tao.
May isa ding Ate na naka gray sleeve less and jogging pants na sumuway na sa dress code ay masama pa kung makatingin.
Nung dumating na yung Zumba instructor ay dali-dali ng nagsalang ng halong retro at makabagong tugtog. Hataw ang mga mommies, indak dito, indak doon. Hindi ako masyadong makasabay dahil medyo parehong kaliwa ang mga paa ko. Halos ayaw ko na ituloy dahil hindi ako makasunod pero ng makita kong marami naman ding hindi makasunod kahit si Ermats pero hataw pa rin sa pagpapapawis ay gumalaw-galaw na lang din ako at nagpaikot-ikot para naman masulit ang binayad kong 50 pesos na registration form.
Mahigit isang oras din kaming pinagtitinginan ng mga tao, lahat ng mga pasahero ng mga dumadaang jeep at tricycle ay nagkakandabali ang leeg sa paglingon sa amin. Hiniling ko lang na sana ay wala akong kakilalang dadaan para hindi ako mahiya sa pinaggagagawa ko.
Nakakapagod ang isang oras na pagpapapawis lalo pa’t hindi man lang ako nakapagalmusal o kape man lang pero ang pinakamahirap kalabanin ay ang amoy ng french fries na tinatangay ng hangin papunta sa akin sa tuwing may magbubukas ng pinto ng McDo sa tabi ng Zumba venue.
I’d love to hear from you!