Kanina ay nagpunta ako sa isang sangay ng gobyerno upang humingi ng ID. Humigit sa tatlong oras ang pag-aantay at pagpila ko para sa transaksyong inabot lamang ng labing limang minuto.
Naisip ko na parang ang saklap naman ng kapalaran ko na mula kolehiyo pa lamang ay pila na ako ng pila, hanggang ngayon ay pila parin ako ng pila.
Para sa mga hindi nakakaalam, ako ay nagtapos ng kolehiyo sa P.U.P. (Pila Uli Pila este Polytechnic University of the Philippines) na may reputasyong hindi lang nagsusunog ng upuan o kaya ay nagrarally pag tinaasan ng piso ang tuition fee kada unit, kundi kilala din sa napakahabang pila sa Cashier’s Office tuwing bayaran na ng tuition – na hindi naman sa pagp-e-egsahera ng kwento pero naranasan ko talagang pumila mula alas onse ng tanghali hanggang alas syete ng gabi pero hindi pa rin ako nakapagbayad at kinailangan ko pang bumalik kinabukasan dahil sobrang haba talaga ng pila pero siguro at sana naman ay hindi na ganito ang sistema ngayon.
Nung nasa unang taon ako ng kolehiyo, sinabihan kami ng isa sa aming propesor na masanay na kami sa ganung kahabang pila tuwing magbabayad kami ng tuition fee, that’s the price you have to pay for paying only 500 pesos tuition fee, wika niya.
May mga salita na tumatatak sa ating isipan lalo na kung ang nagsabi sa atin ay ang ating mga magulang o guro bilang mas madalas sa hindi, sila ang ating tinitingala at hinahangaan. Hindi ko makalimutan ang sinabing iyon ng propesor namin at pakiramdam ko noon ay dapat kong ipagpasalamat na nag-aaral ako sa isang State U at pakiramdam ko ay dapat nga naman ay magtiis na lang kami sa ganoong sistema bilang napakababa nga naman ng binabayaran naming tuition fee.
Pero kanina habang nakapila ako, naisip kong muli ang sinabi ng dating propesor at pinagnilay-nilayan. Naisip ko na sa murang edad ay itinatak niya na sa isip ko na dapat ay maging mapagpasalamat ako sa kung ano mang ihain sa akin ng gobyerno, na parang ang mapag-aral ng gobyerno (na ang pera naman ay galing sa mga nagbabayad ng buwis) ay isang pribilehiyo at hindi karapatan, na parang sinabi niya na rin na pagtyagaan ko ang katotohanang ipinanganak akong mahirap dahil kung may pambayad ako ng mataas na matrikula ay dapat nag-aral ako sa mamahaling unibersidad para hindi ko kailangang pumila ng mahaba
Inobserbahan ko ang sistema ng sangay ng gobyernong pinuntahan ko kanina. Hindi mabagal ang serbisyo ng mga empleyado dahil halos lima hanggang labing limang minuto lang ang transaksyon ng bawat taong nakapila doon. Ang problema ay yung sistema na tatlo lang ang empleyado para sa isang daang mamamayang dumudulog ng serbisyo ng sangay na ito.
Siguro naman ay alam ng mga nasa sangay ng gobyernong ito kulang ang empleyado para sa dami ng taong kailangang serbisyuhan pero parang hinahayaan lang nila ito dahil ‘mag-aantay naman’ ang mga tao dahil sila ang may kailangan.
Hindi ko kasi maintindihan kung bakit kailangang mag-aksaya ng oras ang mga tao, tatlong oras para sa labing limang minutong transaksyon. Parang hindi makatarungan di ba? Pero madalas ay nananahimik na lang tayo at nagsasabing ‘wala naman tayong magagawa, pagtyagaan na lang natin kaysa hindi matapos ang ating nilalakad na dokumento.’
Paulit-ulit ko pa ring iniisip ang sinabi ng dating propesor at patuloy na pinagninilay-nilayan.
I’d love to hear from you!