December pa pala nung nagpost ako na nagiisnorkeling ako dahil gusto ko magkaroon ng abs na katulad ng kay Dionne Monsanto. Pero hindi ko pa masyadong sineryoso ang languy-languyan ko noon.
Nagsimula ang aking masigasig na paglangoy bago matapos ang buwan ng Enero.
Tuwing hapon bago pumatak ang alas sais ay hindi na mapakali ang pwet ko sa upuan sa opisina dahil nagmamadali na akong magpalit ng kasuotang panlangoy.
Iniiwan ko ang mga trabaho na hindi urgent at binabalikan ko na lang sa gabi matapos ang aking paglangoy at pagkain ng hapunan.
Nakakaadik pala ang paglangoy. Lungkot na lungkot ako sa mga araw na hindi ako nakakalangoy. Minsan pakiramdam ko ay para akong isdang hinuli at inahon mula sa tubig na nagpupumiglas at nagmamadaling makabalik sa tubig.
Pero sa halos tatlong buwan ko ng paglalangoy sa humigit kumulang 45 minutes kada araw (na may distansyang 600 meters) ay parang wala namang abs na nangyayari. Minsan pa may nagtanong sa akin kung ‘may progreso’ daw ba? Kako anong progreso? Kung nabawasan daw ba ako ng timbang mula sa araw-araw na paglangoy. Sinagot ko na lang ang nagtanong na ito na hindi naman ako nagpapayat. Sa loob-loob ko, ayokong pumayat. Gusto ko lang ng abs.
Pero infairness, hindi man nababawasan ang timbang ko, nababawasan ang taba ko. Feeling ko nagiging muscles na yung mga fats. Isa pa, ang healthy ko at ang gaan ng pakiramdam at pag tumitingin ako sa salamin, kahit walang abs ay masaya ako – at ito naman ang pinakamahalaga. Ang maging masaya ka sa iyong pangangatawan at wala kang pakialam sa sasabihin ng iba.
Hindi ako naglalangoy para pumayat at purihin ng mga kapwa ko babae o maging habulin ng guys. Wala na akong amor sa ganyan dahil may asawa na ako. Noong single ako oo, ninais kong maging habulin kahit minsan lang pero wala talaga. Yung mga cute na guys na inilusyon kong habulin ako ay sa panaginip lang ako hinahabol, ng itak.
Pero ngayon, nagbabago na ata. Hindi ko inasahang maging habulin sa time na hindi ko na ito kailangan. Pero hindi tao ang humahabol sa akin kundi mga marine creatures. Baka amoy isda na ako sa kakaligo sa dagat kaya hinahabol nila ako.
Noon ay mga stingray ang humahabol sa akin. Ngayon naman ay trigger fish.
Pabalik na ako sa pampang ng may nakasalubong akong trigger fish. At para sa inyong kaalaman, ito ang itsura ng trigger fish:

Hindi naman sa choosy ako ‘no, pero kung sana may itsu-itsura yung isdang hahabol sa akin ay baka makipaghabulan ako. Sana man lang dolpin na lang ang nanghabol o kaya ay pagong. Pero trigger fish pa talaga ang nanghabol sa akin.
Balita ko, ang trigger fish daw ay nananatili sa medyo kababawan kapag nagmamarka ng teritoryo nila. At habang nagmamarka sila ng teritoryo at may nakita silang ibang creatures na palangoy-langoy sa paligid lalo na kung natethreaten sila sa creature na iyon ay sinusugod nila ito.
Kanina nga ay nakasalubong ko ang isang trigger fish na halos ga-braso ang haba na kamukhang kamukha at kakulay nung nasa litrato. Ok na sana dahil papunta pa lang s’ya ay pabalik na ako pero nung nilingon ko ay bigla siyang bumalik at humabol. Natakot ako. Ang laki ng ngipin nito. Kayang kayang pumutol ng daliri ng paa ko. Wala akong suot na flippers.
Ngayon lang, sa ilang buwan ko ng paglalangoy, ako nakalangoy ng ganun kabilis. Yung usual na 35 to 45 minutes kong langoy na minsan ay isang oras pa pag malakas ang alon, ay nadali ko ng wala pang 30mins.
Hindi ko malaman kung paanong langoy ang ginawa ko kanina para lang makalayo. Lahat na ata ng estilo ng pagkampay at pagpadyak ay nagawa ko para bumilis, Butterfly stroke na lang ata ang hindi ko nasubukang gawin dahil hindi ako marunong nito. At kanina lang ako nainitan ng husto habang lumalangoy na pakiramdam ko ay pinagpapawisan ako kahit nasa tubig. Feeling ko talaga nagpawis ako dahil nakita ko ang mga bubbles sa may braso at siko ko, yung bubbles ba na katulad ng sa cherry pag nilagay mo sa baso ng sprite.
Anyway, sa anumang kadahilanan ay nawala na ang suitor kong trigger fish at nakahinga ako ng maluwag. Ayoko na maging habulin. Mahirap pala iyan.

I’d love to hear from you!