Kailan lang ay nabasa ko ang libro ni Jack Alvarez na Ang Autografia ng Ibang Lady Gaga. Sa unahang parte ng libro ay nasabi ni Jack na kung karamihan daw sa mga OFW ay matututo magsulat, mamulaklak siguro ang libo’t isang karanasan at kwento, adhika at inaasam, damdamin at dunong (pati ng iba’t ibang hilatsa ng kasiningan) na mapapagsaluhan ng bansa; isang tunay na pagyabong ng panitikan.
Gusto kong pumalakpak matapos kong basahin ang parteng ito.
Nakaka-inspire.
Naisip kong sa tagal ko ng nasa ibang bansa, napakarami ko ng naranasan at nasaksihan na kung noon pa man ay sinimulan ko ng isulat ang lahat ng mga ito ay baka ilang nobela na siguro ang naisulat ko.
Noon ko pa gusto na magsulat ng libro ng maiikling kwento na tungkol sa mga karanasan ko sa ibang bansa pero hanggang plano lang ang lahat.
Pero ang kagustuhang ito ay muli na namang nabuhay matapos ko basahin ang libro ni Jack Alvarez.
Nagsulat ako ng dalawang maikling kwento at ang isa ay pinost ko, ang kwento ay pinamagatang Chai.
Pagtapos ko itong isulat ay inisip ko kung ipopost ko ba dahil parang hindi ko ito likha. Parang sinulat ko lang pero parang hindi ako ang nagsulat. Ang gulo. Pero yun ang pakiramdam ko.
Hindi ako masyadong natuwa sa sinulat kong ito. Para kasing pilit ang pagkakasulat.
Ito ang problema ko noon pa pag masyadong nakakainspire ang mga librong nababasa ko. Kaya hinding-hindi na talaga ako magsusulat kapag kakatapos ko lang magbasa ng napakagandang libro o artikulo.
Ito pala ang dahilan ng pagiging ningas kugon ko at ng pagkakaroon ko ng napakaraming folder sa desktop ko na pinamagatang Writing Project 1, 2,3…. na lahat ay walang laman.
Hindi ko na muna pagiinteresan ang pagsusulat ng libro, hindi naman ako propesyonal na writer at wala naman akong pinag aralang tungkol sa creative writing.
Magsusulat na lang ako ng kahit anong gusto ko.
Magsusulat ako kung kailan ko gusto.
Magsusulat ako kung ikasasaya ko.
Magsusulat ako gamit ang estilo ko at hindi ang estilo ng iba kahit gaano man ito kahusay o kaganda.
Magsusulat ako ng mga likhang gugustuhin kong basahin ng paulit-ulit matapos ko itong ma-i-publish.
Hindi ko alam kung ako lang ba ang may isyu sa pagiging Over Inspired. Kayo rin ba?
I’d love to hear from you!