Chai

Mapapaso’ na ang visit visa ni Arlyn kaya pinatos na niya ang kontratang binigay ng G-Village. Sales Lady ang kaniyang magiging trabaho dito. 1800 Dirhams ang sweldo kada buwan, all-in na, napakaliit ng sweldong ito kung tutuusin pero wala ng ibang offer na dumating kaya pumirma na agad siya ng kontrata kaysa umuwi ng Pilipinas na walang napala, sayang naman lahat ng ginastos niya papunta ng Dubai.

Hindi niya malaman kung paano pagkakasyahin ang 1800 Dirhams kada buwan. 800 ang bedspace. 500 ang budget niya sa pagkain. At lahat ng tira ay pampadala niya sa mga magulang na wala ng trabaho at sa dalawang anak na hindi sinusuportahan ng ama nitong sumakabilang-bahay na.

Nakakatipid naman si Arlyn kahit paano sa pagkain dahil hindi maramot sa pagkain ang landlady niya. Madalas ay nakatiwangwang ang ulam sa lamesa at inaalok niya ito sa mga tenants niya. Madalas ay bigas na lang ang binibili ni Arlyn.

Wala siyang luho dahil wala siyang pangluho. Minsan kahit prutas ay nanghihinayang pa siya bumili lalo na kung paubos na ang budget niya at wala pang sweldo (at kung darating ba ito sa tamang oras).

Isang malamig na gabi ng Enero ay nagkayayaan sila Arlyn at mga katrabaho niya na mag-Chai* sa Mr. Chaat Cafe pagtapos ng shift nila. 1 Dirham lang naman kada tasa ng Chai kaya hindi naman masasabing luho ito.

Tingnan mo si Kabayan, wika ng katrabaho ni Arlyn na si Jessica habang ngumunguso ng bahagya at itinuturo ang babaeng nasa kabilang lamesa. May kasama itong Indiano at mukhang masaya silang nagkukwentuhan.

Tiningnan ni Arlyn ang babae at matapos ay binalik ang tingin kay Jessica.

Suki ‘yan dito sa Mr. Chaat. May jowa ‘yang matandang local** pero marami pa rin ‘yang sinasama dito. Paiba-iba.

Tumingin ulit si Arlyn sa babaeng ikinikwento ni Jessica.

Balita ko wala daw papeles ‘yan, takas sa dating amo. Di makauwi, di rin makakuha ng trabaho dahil walang passport. Nag-aantay na lang ng amnesty para makauwi.

Eh paano nabubuhay ‘yan? Tanong ni Arlyn.

Nilapit ni Jessica ang mukha niya sa kaharap at pabulong na sinabi, maraming patalim ‘yan na kinakapitan. Dito, kailangan alam mo kung kanino ka kakapit para mabuhay ka.

Napaisip si Arlyn.

Bago siya pumasok ng trabaho nung araw na iyon ay nakatanggap siya ng tawag mula sa nanay niya. Natanggal daw ang bubong nila dahil sa kararaan lang na bagyo at kailangan ng perang pampaayos nito. Hindi niya alam kung saan kukuha ng perang ipapadala dahil kalahatiaan pa lang ng buwan at sa katapusan pa siya sasahod.

Kinabukasan ay nagbalik si Arlyn sa Mr. Chaat pagtapos ng kaniyang shift pero hindi na si Jessica ang kasama niya kundi si Aziz na isa sa mga security guard na Pakistani sa G-Village na panay ang papansin sa kaniya. Naisip niyang, baka may mapala siya kahit papaano, kahit pampaayos lang ng bubong.

Umorder si Aziz ng Chai para sa kanilang dalawa. Nagkwentuhan sila. Kahit ngawit na ngawit na ang panga ni Arlyn sa pagngiti ng pilit at kahit dumudugo na ang tainga niya kakapakinig sa kwento ni Aziz at sa broken English nito ay nagtitiyaga pa rin siya, nag-aantay na may mapala bago matapos ang gabing iyon.

Napagod si Aziz sa kakakwento at napagod si Arlyn sa kakapakinig.

Let’s go, sabi ni Aziz.

Kinabahan si Arlyn. Parang hindi siya handa kapag biglang nagyaya si Aziz sa kung saan at parang hindi siya handa sa kung ano ang maaaring mangyari. Pero ano pa man ay kailangan niyang harapin ito para sa bubong nila. Kailangan niya ng pera.

Tumayo na sila sa kinauupuan at nagpaalamanan. Hindi siya niyaya ni Aziz sa kung saan man, kaya nagsimula ng maglakad si Arlyn pauwi. Nawala ang kaba ni Arlyn pero may kaunti siyang panghihinayang dahil sa posible sanang pera na maari niyang makuha kung saka-sakali. Ngunit nakakailang hakbang pa lang siya ay tinawag siya ni Aziz.

Lumingon siya. Kinakabahan muli. Baka nagbago ang isip ni Aziz at naisip na magyaya.

Arlyn, you owe me 1 Dirham for the Chai.

Bumunot ng barya si Arlyn sa bag niya at tumingin ng masama kay Aziz.

Mali ang patalim na nakapitan ko, bulong ni Arlyn sa sarili sabay tuluyan ng naglakad pauwi.

 

*Chai – tsaang may gatas

**Local – tawag sa mga mamamayan ng UAE

 

Isa itong maikling kwento hango sa buhay ng ilang kababayang nakadaupang palad ko sa Dubai. May mga parteng totoo, may parteng hindi. 

Author: aysabaw

Aysa is a self-proclaimed hotelier without any culinary talent. She used to fly around Dubai for ten years via her magic carpet but destiny led her to a new path. She is now a little mermaid swimming in and around the Maldivian waters. If she is not reading her books, writing something comical, leaving rubbish comments on your posts or strumming her guitar, then she's up to some mischief.

6 thoughts on “Chai”

  1. Oo nga naman. Bakit dun pa sya kumapit? Marami dito sa Saudi, naglilinis ng mga bahay at waitress sa kasalan pag gabi as sideline. Malaki naman kinikita nila. Sa totoo lang di naman kelangan sa ganoong paraan ang pwede kapitan. Minsa lang ang iba gusto easy money.

    Liked by 1 person

I'd love to hear from you!

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s