Pagbrowse ko ng newsfeed kaninang umaga, nakita ko ang post ng highschool classmate ko. Nandun ang litrato ng bagong silang niyang anak at ang status na sa siyam na taon niyang pabalik balik ng Dubai, ngayon lang daw durog na durog ang puso niyang aalis dahil maiiwan niya ang anak niya.
Tuwing pinapakilala ko ang asawa ko sa mga friends and family, ang unang tanong ay kung ilang taon na kaming kasal at ang pangalawa naman ay kung may anak na daw ba kami. At pag sinabi kong wala pa, ang mga maririnig ko ay, mag-anak ka na bago pa magsara ‘yan, o kaya ay mag-anak ka na habang bata ka pa at masarap magkababy o kaya ay bigyan mo ng ng apo ang nanay mo.
Parang napakadali lang mag-anak at kung makapagcomment sila, akala mo, sila ang magluluwal ng bata at magpapagatas dito. Isipin ko pa lang yung pagdurusa ko pag masakit ang ngipin ko, paano na lang ang padurusa at sakit ng panganganak?
Isa pa, masakit na nga ang panganganak, mas masakit pa ang isipin na nagaabroad pa rin ako at baka madurog din ang puso ko kapag iniwan ko ang anak ko lalo na kung sanggol pa.
Marami tayong kababayan na iniiwan ang anak sa Pilipinas para mangibang bansa, wala naman akong kontra don. Pero masakit isipin na napakaraming magulang ang nadudurog ang puso, una dahil iiwan ang mga anak, pangalawa ay lumalaki ang mga anak na malayo ang loob sa kanila at minsan ay pasaway pa. Parang ang sarap magbasag ng plato pag yung pinaghirapan mong iluwal sa mundong ito at pakainin hanggang sa paglaki ay sasagut-sagutin ka lang at hindi man lang makapaghugas ng kanilang pinagkainan.
Ang bitter ko ba? Hinde naman. Ayoko lang ng mga bagay na nakakadurog ng puso.
I’d love to hear from you!