Nung mapadaan kami ng Trinoma (ako, si Ermats, si hubby at si Sister Dear), nakita namin yung display ng mga kotse at natawag ang aming pansin ng Chevrolet Duramax Trailblazer 2017 Model.

Gandang-ganda kami sa sasakyang ito dahil maluwag ang loob at ayon kay Ateng Sales Lady ay ito daw ang pinakamaluwag sa lahat ng mga 4×4 ngayon.
Isa pa ay napakataas nito at talagang pwedeng-pwedeng pambaha, panlubak at pambundok. Saktong-sakto sa lugar kung saan kami nakatira. Hindi naman kami dumadayo sa bundok pero may mga kalsadang sa sobrang lalim ng lubak ay feeling mo matarik na bundok ang tinatahak mo na kung mababa ang sasakyan mo ay hindi uubra.
Alam niyo yung mga kalsadang binatakan ng bakal habang sinesemento? Yung kahit may budget ay tinitipid para lang maraming makurakot? Maraming ganitong kalsada sa may amin, at malamang ay sa inyo rin.
Kaso lang 1.4m ang presyo ng sasakyang ito at 148k ang down payment. Ilang isda ba ang aking huhulihin bago makaipon n’yan?
So dahil wala naman kaming pambili ng sasakyan ay nagtungo na lang kami sa JCO para magkape. May libre palang donut kapag bumili ng kape.
Hindi kami makaget over sa ganda nung Chevrolet na yun kaya’t hanggang sa maubos na namin ang kape at donut at nagsimula na kaming maglakad papunta sa terminal ng UV Express ay pinaguusapan pa rin namin ito.
May isang van na nakaparada sa terminal at nung dumating kami ay tinawag kami ng barker at sinabing apat na lang aalis na!
Natuwa naman kami at hindi na namin kailangan pang mag-antay.
Dun kami sa likod ng van dinala ng barker. Tanong ni hubby sa barker, akala ko ba apat pa? Dahil ng tingnan namin ay parang pang dalawa na lang ang space.
Sabi nung barker, apat pa yan! Sabay talikod at naglakad palayo dahil alam niyang hindi na makatarungang paupuin ang apat sa upuang pangdalawa.
Hindi na lang kami nagsalita dahil naipit din kami sa pagitan ng magtitiis ba kami sa maliit na space o mag-aantay pa kaming mapuno ito at umalis para sa susunod na sasakyan na kami sasakay.
Pero naisip namin na sumakay na lang para makauwi na dahil pa-rush hour na din no’n at gusto na naming makauwi agad.
Nagkasya si Ermats at Sister Dear dun sa upuan sa may bandang kanan at kami naman ni hubby ang pumwesto dito sa may kaliwang bahagi. Ako ang nahuling umupo. At halos wala pa sa isang kapat ng left and right wetpax ko ang nakaupo. May katabi kasi kaming babae na may kargang anak na chubby kaya halos pang dalawang tao ang sakop ng pagkakaupo ni ate. Idagdag pa ang kalaparan ng balakang ko kaya hindi ko maisiksik.
Inisip ko kung worth 50 pesos ba ang pagkakaupo kong iyon dahil hindi pa man kami umaalis ng Trinoma ay nangangawit na ako.
Pinanalangin ko na lang na sana ay hindi trapik para mabilis ang biyahe pero medyo trapik sa may Commonwealth ng gabing iyon. Umuusad pero mabagal.
Dahil sa pangyayaring iyon ay lalong umigting ang aming kagustuhang bumili ng Chevrolet at kung kailang kami makakabili ay isang malaking katanungan.
Pero libre lang naman mangarap kaya nilubos-lubos na namin. Sabi ni Ermat ipa-tint daw namin yung mga salamin. Tanong naman ni Sister Dear, saan nga pala natin ipapark yun if ever makabili nga tayo? Sagot agad ni Ermats na ipapatibag niya yung pader ng bahay para magka-space.
(Later on, pagdating sa bahay, kinuwento namin kay Erpats ang mga pangyayari at pangarap. Mas matindi pa pala sa amin si Erpats. Pag daw nakabili na kami ng Chevrolet, gagawan niya ng 3rd floor ang bahay at doon daw ipaparada. Automatic parking daw ang gagawin niya. Pagdating ng sasakyan sa ground floor, may pipindutin lang daw at kusa ng tataas ang sasakyan papuntang 3rd floor).
Kinonsidera din namin ang long term gastos kung bibili kami ng Chevrolet. Hindi kasi siya tulad ng mga Toyota or Mitsubishi o Nissan na available sa kanto-kanto ang mga spare parts in case masiraan. Para siyang Ford o Bentley o Chedeng na kailangan mo atang dalhin sa service center at talagang mahal ang maintenance.
Pero anu’t-ano pa man, first love namin si Baby Chevee kaya yun pa rin ang gusto namin.
Panay ang tawa namin mula nung umalis ang Van sa Trinoma hanggang sa makarating kami sa amin dahil sa alam naming kahit anong gawin namin ay wala kaming pambili ng Chevrolet at dahil din sa itsura namin sa likod ng UV Express van at sa kinakalambre na ang mga binti namin.
Tumawa na lang kami ng tumawa kahit na ang sakit-sakit na.
I’d love to hear from you!