1992 nung una ko siyang nakita, hindi nga lang malapitan. 7 years old pa lang ako no’n kaya hindi ko maintindihan ang mga pinagsasabi niya. Hindi lang dahil Ingles siya kung magsalita kung hindi dahil napakabata ko pa para intindihin ang mga bagay-bagay.
Nasa pinaka-itaas na row kami ng Araneta Colliseum noon. Hindi ko alam kung bakit sa edad ko na iyon ay nakuha akong isama ng tiyuhin ko para manood ng speech ni MDS para sa eleksyon. Anong malay ko?
Ang alam ko lang, madaming tao, may isang babaeng nakapula na nagsasalita ng Ingles sa may entablado.
Masakit mabasa ang balita na wala na siya.
Para kasing sa tagal niyang halos araw-araw mong nakikita sa telebisyon ay parang parte siya ng buhay ng bawat sa atin. Para siyang nanay na nag-na-nag sa mga senador na pasaway. Para siyang tanod na laging nakabantay. Para siyang batas na laging nandyan, na-establish, existing, minsan nga lang hindi nasusunod.
Para siyang immortal dahil nandiyan sya sa halos lahat ng mga makukulay na pangyayari sa kasaysayan ng Pilipinas, at least sa mga events na nasaksihan ko. Pero isa pa rin siyang mortal na tao. Tulad ng bawat isa sa atin. May hangganan.
Pero alam kong kahit wala na sya, mananatili siyang buhay sa diwa ng bawat Pilipino.
Ilang buwan lang ang nakaraan ay ninais kong magsulat ng nobela na may pamagat na “Si Cara Cruz at ang Kaligtasan ng Human Race” pero hindi ko naisulat dahil mahilig lang akong gumawa ng konsepto sa utak ko, hindi ko naman sinisimulang isulat.
Sa nobelang ito, isang babae ang bida, si Cara Cruz at nais niyang maging super hero dahil na-inspire siya ni MDS at isa (dapat) sa mga dramatical na eksena sa istorya ay yung tagpong makikita na niya sa personal si MDS.
Hindi ko alam kung isusulat ko pa ito, o iiwan ko na lang na isang konsepto. Panahon lang ang makapagsasabi.
Pero maisulat ko man ito o hindi, alam kong inspirasyon naman ng bawat Cara Cruz Juan de la Cruz si MDS.
Wala na akong masabi pa. Pero ako ay nalulungkot talaga.
RIP MDS
I’d love to hear from you!