Sa aking hardin, naroon
Ang mga bulaklak na lila
Ito’y walang katulad
Dito lang makikita
Sa paglipas ng panahon
Aming napag-alaman
Ang naturang bulaklak
Ay gamot pala
Gamot sa isang
Malalang sakit
Kung tawagi’y kanser,
May kanser ang lipunan
Tinipon ko ang mga ugat
Nilaga at tinimpla
Ito’y para sa mga lolo at lola
Na pinagmulan ng sakit
Ugat para sa ugat
Pagka’t di mawawala
Ang sakit kung hindi
Mawawala ang pinagmulan
Tinipon ko ang mga dahon
Nilaga at tinimpla
Ito’y para sa mga ina’t ama
Na syang nagkasakit matapos ng matatanda
Itinira ko ang mga bulaklak
At nag-antay ng bukas
Ito’y para sa mga bata
Ito’y agarang lunas
Ngunit kinabukasan
Sa aking pagmulat
Wala nang bulaklak
Dahon na lang at ugat
Ito ba ang ganti
Ng aking mga tinulungan
Matapos malunasan
Ako pa’y pinagnakawan
Kaya nga bagama’t may ugat pa
At maaaring mamumulaklak pa
Buhay nila’y kikitlin ko na
Pagka’t di na sila makakalunas pa
Dahil aking natuklasan
Na walang gamot sa sakit
Sa sakit na tao rin
Ang may kagagawan
Wala ng lunas pa
At di na maagapan
Sadyang malala na
Ang kanser ng lipunan.
I’d love to hear from you!