Day 2 ko na sa Maldives. Di pa ako nakakaget-over sa fact na dito na ako magtatrabaho. Feeling ko turista lang ako.
Pinag-stay ako as guest dito sa hotel dahil kailangan daw maexperience ng mga staff kung paano maging guest. Siyempre ako masunurin lang naman na empleyado. Naka-stay sa isa sa mga villas dito, kumakain sa resto, yung buffet breakfast may champagne. Diba? Altasushudad talaga ang datingan. May champagne sa breakfast buffet. Tapos yung pag dinner, diba sanay lang tayo sa mga soup and salad or appetizer pero naka Amuse Bouche pa ako. Kaya kahit na melon lang na binudburan ng mint leaves eh sushal talaga ang dating kasi Amuse Bouche ang tawag.
Kaninang hapon, paglabas ko sa office para mag coffee break, naririnig ko talaga yung alon ng dagat. Hindi ako makatiis. Gusto ko talaga tumalon sa dagat. Pero may work ako. Pero kating-kati talaga akong madampian ng tubig dagat. Kaya nagpaalam ako. Kako, ma’am may I go out? Mag-c-cr lang kako ako. Tapos 2 hours ako bago bumalik, nagsnorkeling muna ako. ha ha. Siyempre joke lang yan. Nagpaalam talaga ako na magiisnorkeling lang saglit tapos babalik din sa office later. Pwede naman pala yung ganon ha ha.
Kaso mag-isa lang ako nagiisnorkeling kaya natatakot ako. Ang yabang ko kasing hindi mag life jacket kaya takot akong maanod pag biglang lumakas yung alon. Kaya naghanap ako ng mga ibang snorklers. May nakita ako, isang chekwang kuya. Pasimple akong nagpunta kung nasaan si kuya tapos dun din ako nagsnorkeling. Pero hindi ako lumapit masyado sa kanya. Baka sabihin niya pa eh…. Pero hanggang ngayon, ayaw ko pa rin na nilalapitan ako ng mga isda. Gusto ko lang sila tingnan from afar kasi ewwweee pa rin ang feeling pag nasasagi nila ako. Isa pa may mga isdang nanghahabol at nanunugod. Siyempre lugi ako. Mabilis sila sa tubig. Ha ha ha. Tapos ang ewwweee din pag may naapakan akong sea cucumber.
Tapos speaking of altashushudad, may nakasabay akong isang Pinoy family sa speedboat papunta dito sa isla. Yun talaga alam kong altashushudad ha, kutis pa lang. Bale, yung lalake ah, Congressman ang datingan. Kasi yung itsura niya, para bang yung makikita mo sa mga posters ng tumatakbong Congressman, mistisuhin tapos may manipis na bigote. Tapos sputing talaga. Pero yung pormang alam mong hindi trying hard? Ganun daw talaga pag mayaman. Kahit simple ang suot malalaman mong mayaman talaga. Naka top sider na shoes, plain white top tapos shorts na khaki. Bale si Cong saka yung anak niyang binata, maganda talaga ang lahi. Behave lang sila sa speedboat di gaya ng asawa ni Cong. Sobrang likot at panay ang selfie. Hindi kami nagkikibuan sa speedboat. Kala ata nila hindi ako Pinoy. Pero sila pinapakiramdaman ko lang. Bisaya usapan nila eh. Pero susyal pa rin pakinggan. May conyong Bisaya ba?
Anyway, nung malaman ni Cong na Pinoy ako, nakipagkamay silang mag-ama sa akin pero yung asawa ni Cong, busy pa rin kaka selfie.
Tapos kanina nung nagpipiktyur-piktyur ako ng sunset, nakita ko sila Cong at kumaway ako. Kumaway din siya. Pero di ako lumapit kasi nahihiya ako. Yung totoo, iba talaga ang aura pag mayaman. Kahit makapal na ang mukha ko sa dami ng altashushudad na nakasalamuha ko, nakakaramdam ako ng kaunting inferiority sa mga talagang mayaman. Basta, iba lang ang feels.
Anyway, ayoko na magkwento ng madami. Pictures lang naman ang titingnan niyo. LOL


PS: Mahirap pag walang photographer, but as I said in one of my previous posts, may timer ang camera.
I’d love to hear from you!