Hello, it’s me.
June 6, 2016 na. For sure gustong-gusto mong makita kung nasaan ka na ngayon, kung ano na ang trabaho mo at kung may asawa ka na. Palagi kang ganyan. Nag-iisip ng mga ‘ano kaya?’ Lalo na pagdating sa lablayp. Dakilang NBSB ka kasi hanggang makatapos ka ng college. Pero wag ka mainip. Isa-isa ko sa iyong ikukwento.
Sa panahon mo (June 6, 2006) alam kong masayang-masaya ka dahil sa wakas ay nakatapos ka na ng pag-aaral. Nabawasan na ang isa sa mga kalbaryo nila ermats at erpats. Kahit napakaliit ng tuition mo, ang gastos mo kaya sa pamasahe, 180 kada araw.
Alam ko kung ano ang bumabagabag sa iyo ngayon. Inaantay mo yung tawag ng agency kung kailan ka aalis papuntang Dubai. Wag kang mag-alala. After 3 months makakaalis ka din. At wag ka mainip kasi magtatagal ka do’n eh. Enjoyin mo muna yung mga panahong nandiyan ka at kapiling sila.
Bago ka pa man makaalis ng Pilipinas, sasabihin mo sa sarili mo na 2 years ka lang sa Dubai tapos uuwi ka na. Pero di mangyayari ‘yan. Kasi after a year mo sa kumpanya eh magreresign ka na. Ang bangis mo nga eh. Alam mo bang ikaw ang kauna-unahan sa company niyo na magreresign bago pa matapos ang kontrata? Kasi takot silang lahat magbreach ng kontrata at pag ginawa mo ito, hindi ka makakahanap ng ibang trabaho dahil hindi ka daw makakakuha ng visa.
Pero makulit kang bata ka. Magreresign ka dahil makakahanap ka ng ibang trabaho. Aayaw ka sa kumpanya niyo kasi ayaw sa iyo ng manager mo na Egyptian. Engot kasi ang tingin niya sa iyo. Aakalain niyang wala kang alam kasi sobrang mahiyain ka. Sasama ang loob mo pag nalaman mo iyon. Pero bukod pa do’n, gusto mo na umalis kasi wala ka natututunan. Isa pa, hindi naman sa mangmamaliit ka ng mga magiging kasama mo pero makikita mo yung sitwasyon nila. Dahil takot silang magresign, matetengga na sila sa kumpanyang iyon ng limang taon o higit pa dahil akala nila wala na silang iba pang makukuhang trabaho. Sasabihin mo sa sarili mo na di ka gagaya sa kanila. Na nagsimula ka man sa pagiging waitress, di ka aabutin ng edad na trenta na waitress pa rin. Di ka kamo tutulad sa kanila. At magagawa mo nga.
Ang tapang mong bata. Lahat sila matatakot para sa iyo. Pero yung iba naman na ituturing mong kaibigan ay mariringgan mo pa ng, ‘tingnan natin kung makakalusot si Isay. Bahala siya pag napauwi siya ng di oras. Pero pag nakalusot siya, saka tayo gumaya.’
Sorry sila dahil makakalusot ka. At para kang leader ng rebolusyon. Lahat sila magsusunuran dahil makikita nilang magiging maganda ang resulta ng mga pinaggagawa mo.
Gaganda ang kalagayan mo sa pangalawa mong kumpanya. Kung engot ang tingin sa iyo ng mga managers mo sa unang kumpanya mo, sa susunod naman ay makikita nila ang tunay na kakayahan mo. At ganito rin ang magiging lagay mo sa mga sumunod pang kumpanyang mapapasukan mo. Magiging maayos ang career mo at matutupad mo yung pangako mo sa sarili na hindi ka aabot sa edad na trenta na waitress pa rin.
Pero minsan halos masira ang career mo dahil sa pag-ibig, malalaman mo ‘yan paglipas ng panahon. Isang gabi ay makikita mo ang sarili mong umiiyak magdamag sa loob ng kwarto mo, na nasa 31st floor nung building. Wag kang mag-alala, hindi ka magbabalak tumalon. Yun yung gabing sasabihin niyang, ‘It’s not you. It’s me. At saka may 3rd party na.’ Yun yung gabing andami mong gustong itanong, tulad ng ‘di mo ba ako minahal,’ o kaya eh ‘anong meron siya na wala ako? o kaya eh ‘naging tayo lang ba dahil convenient para sa iyo?’
Hindi siya aalis kahit palabasin mo na siya ng pinto at sasabihin niyang sampalin mo siya or suntukin para makaganti ka man lang pero hindi mo gagawin. Dahan-dahan mo lang siyang ihahatid palabas ng pinto kaya siguro lalo siyang maguiguilty. Yayakapin ka pa niya sa huling pagkakataon at titingnan at saka pa lang lalabas ng pinto ng bahay mo.
Hindi siya ang una mong pag-ibig pero ang relasyon mo sa kaniya ang pinakamasakit sa lahat. Pero nakakatawa ka dahil magiging magkaibigan kayong muli matapos ang ilang taon dahil mapagpatawad ka. Ilang beses mong ipagdadasal na siya na sana ang makatuluyan mo pero hindi mangyayari iyon dahil may iba palang nakalaan para sa iyo.
Medyo masakit siya sa bangs – yung destiny mo – paminsan-minsan, pero hindi ka naman niya paiiyakin. Siya nga pala, magbabago ka ng pananaw pagdating sa pagpili ng magiging asawa. Kung noon napakarami mong standards, darating sa punto na ang gusto mo na lang sa makakatuluyan mo ay yung taong kasundo mo. Yung tatahimik lang kapag kailangan mo ng katahimikan at yung tatawa pag nagpapatawa ka. Kung nagtataka ka at bakit yan lang ang magiging basehan mo sa pagpili ng mapapangasawa, maiisip mo kasi na ang pag-aasawa ay pakikisama sa isang tao hanggang sa iyong pagtanda. Kaya napakaimportante na magkasundo kayo. Importanteng kasundo mo yung taong makakasama mo sa inaraw-araw ng buhay mo hanggang sa pag-atake ng rayuma mo.
Pero wag kang mag-alala, yung standards nating dalawa pagdating sa crush ay hindi magbabago. Relax. Sila pa rin ang crush natin kahit antipatikong Atenista yung isa. [maisingit lang talaga yung kalandiang crush]
Siya nga pala, matatawa ka sa sarili mo sa mga personal issues na pinaglalaban mo sa panahon mo. Lagi mong iniisip kung magkakaboyfriend ka ba dahil di ka ligawin. National issue din sa iyo ang kulay ng iyong balat at ang iyong itsura. Sa dami ng mapagdadaanan mo, pagtatawanan mo yung mga dating national issue mo sa buhay.
Ang theme song ng buhay mo ngayon ay Ironic. Kasi sa dinami-dami ng mga inaayawan mo sa buhay, doon ka pa napupunta. Dati sabi mo ay hinding hindi ka magtatrabaho sa opisina dahil makakatulog ka lang. Mas gusto mo sa hotel operations. Pero nung matikman mong maging admin, nag-enjoy ka na.
Inaayaw-ayawan mo ang Sales & Marketing Department pero dun ka ngayon mapupunta. Parang nung college days mo lang. Halos ibagsak mo na nga yung accounting subject mo, sa Accounts department ka naman naassign nung nag OJT ka.
Hate na hate mo rin ang essay writing noon pero heto ka ngayon nagsusulat ng mahahabang sanaysay.
Kung sa panahon mo ay nag-aantay kang makaalis papuntang Dubai, ngayon naman ay nag-aantay na lang ako ng ilang araw para makaalis na ng Dubai.
Ang masasabi ko lang, wag kang magmadali. Wag ka ring makulit at wag kang magtitiwala agad sa mga taong nagpapakilalang kaibigan. Di mo kailangan ng marami. Kailangan mo lang ng iilan na mapagkakatiwalaan mo.
Siya nga pala. Natatawa ako. Alam mo ba kung ano babaunin mo papunta dito? Isang kwadernong may mga kanta at may mga cocktail recipes. Saka yung mga sulat sa iyo ng mga bffs mo bago ka umalis at yung mga comments ni Mario sa mga sinulat mong kanta nung college na pinarinig mo sa kaniya at hiningian mo ng feedback. Dated 2006 lahat. Siguro ito yung maiisip mong makakatulong sa iyo para maibsan ang lungkot mo pagdating mo dito. Natawa ako dun sa mga kanta, may chords pa, wala ka namang dadalhing gitara.
Pero ayun nga, enjoy life. Don’t be too hard on yourself. At wag mo ding pasanin ang daigdig dahil bukas luluhod din ang mga tala.
I’d love to hear from you!