Nakikigaya lang po ako sa BPS (Beer & Pizza Sessions or Blood Pressure Something) ni Punjetry na inspired ng Let’s Have Coffee ni Kat.
Ang Soup of the Day ko ay maglalaman ng mga mas personal pang pangyayari sa aking buhay, sa likod ng mga nakakatawang pangyayaring madalas niyong nababasa dito.
At dahil ito ang unang Soup of the Day post ko, ay hahainan ko kayo ng French Onion Soup para we sound like a little bit more shushyal. Saka ko na kayo hahainan ng bulalo at nilaga ha ha.

Bilang cheesy at malagkit ang French Onion Soup at may tinapay na kasama, malamang hindi niyo yan mahihigop kaya, habang pinapapak nyo ang French Onion Soup ay kasalukuyan akong nagsheshred ng mga confidential documents sa office. Ilang araw na akong nagsheshred. Dapat day off ko ngayon pero kailangan kong pumasok para lang magshred dahil bukas ay mawawalan na kami ng kuryente sa office dahil magsasara na kami.
Habang pinapapak niyo ang French Onion Soup ay itatanong ko kung naalala niyo pa ba yung post ko ilang buwan na ang nakakaraan na mawawalan na ako ng trabaho dahil magsasara na ang office namin dito sa Dubai. Within 3 weeks ay iiwan ko na ang lugar na kumanlong sa akin for almost 1/3 of my life. Isang dekada din ako dito. Dito na ako tunay na nagdalaga at nagmature, nagkaunang trabaho, unang nobyo, unang beses uminom, unang beses nag-club at dito na rin ako nakapag-asawa.
Sa kasamaang palad at talagang nakapagtataka ay hindi ako nakahanap ng trabaho. Ngayon lang nangyari sa akin ito dahil usually kahit hindi ako mag-apply ay ako ang tinatawagan. At kapag nag-aapply ako eh tinatawagan ako ora mismo. Hindi ko alam kung ano ang mali sa credentials ko para wala man lang tumawag sa akin sa dinami-dami ng inaapplyan ko. 10 years hospitality background at sa sampung taon ay 6 years na ako sa katungkulang ito kaya hindi nila pwedeng sabihin na kulang pa ako sa experience.
O baka naman over qualified na ako dahil sa tagal ko na dito? At iniisip nila na magdedemand ako ng mataas na sweldo. Nagdedemand lang naman ako ng sweldong nararapat sa kakayanan ko at nararapat para mabuhay ng disente dito dahil sa sobrang taas na ng cost of living. Isa pa, pag blonde ang aplikante, kahit triple pa ng sweldong hinihingi ko ay willing silang ibigay kahit wala namang masyadong experience yung tao. Masakit na ang labanan ay yung kulay ng balat at hindi yung kakayanan.
Habang pinapapak niyo ang French Onion Soup ay sasabihin kong hindi naman ako pinabayaan ni Batman. Na wala man akong nahanap na trabaho sa Dubai ay may nabuksang opportunity sa akin within the company pero sa ibang bansa kaya marerelocate ako within 3 weeks time at maiiwan ko dito ang hubby ko dahil hindi ko siya pwedeng isama. At sa totoo lang, mas mababa ang magiging katungkulan ko doon at kalahati ng sweldo ko ang mababawas. Ganun pa man, binibilang ko pa rin itong blessing na dapat ipagpasalamat.
Habang pinapapak niyo ang French Onion Soup ay sasabihin kong sa ibabaw ng Indian Ocean ako madedestino. Hulaan niyo kung saan? Clue: ito ang pinakapaborito kong lugar.
Habang pinapapak niyo ang French Onion Soup ay sasabihin kong hindi naging madali ang huling taon ko dito sa Dubai. More than the issue na mawawalan ako ng trabaho, andami ko pang pinagdaanan na masakit. Na kung pwede lang burahin ang ilang buwang nagdaan sa buhay ko at kung pwede lang burahin ang ilang tao sa alaala ko ay gagawin ko. Ganun kasakit.
Habang pinapapak niyo ang French Onion Soup ay magpapasalamat ako sa inyong laging natatawa sa mga sinusulat ko kahit madalas binabalahura niyo na din ako ay ok lang. Salamat at kahit seryoso na minsan ang post ko ay pinagtatawanan niyo pa rin ha ha. Ayos lang sa akin iyan. Dapat light lang ang buhay. Malungkot na nga sa tunay na buhay, pati ba naman dito ay malulungkot pa?
Habang pinapapak niyo ang French Onion Soup ay magpapasalamat ako sa pagdalaw niyo sa aking munting karinderyang bukas sa lahat ng gustong kumain (linyahang Ate V yan). Next time ay ibang sabaw naman ang ihahain ko sa inyo.
I’d love to hear from you!