May isang fb friend na taga Dubai ang nagpost ng isang picture na may nakadrawing na maleta at mapa at eroplano tapos ang caption “Travel till I’m broke.”
Kung sa’n-sa’n na nga siya nakarating. Sa UK. Sa ilang parte ng Europa. Sa Asia. Nung winter, nagpunta siya sa Georgia at lately sa Armenia naman. Malapit lang kasi ang mga lugar na ito sa Dubai, madali kumuha ng Visa ang mga Pinoy at maraming cheap packages.
Siya yung “Been there, done that” type of traveler. Pero literally. Yun bang lahat ng picture ng napuntahan niya eh kasama yung mukha niya para masabing nandun siya. Sayang nga yung view eh, sana yung view na lang yung pinicturan.
But I have nothing against her nor anyone like her. Trip niya yan eh. Pake ko diba?
She just got me thinking.
Tinatanong ko ang sarili ko kung bakit, dito sa Dubai na napakadaling makakuha ng Schengen Visa or kung ano ano pang visa at maraming packages eh hindi ako nagplanong magtravel? Well, dapat nga sana nung December eh nakarating nako ng Austria. May visa na ako, ticket, hotel booking at winter clothes na siyang pinakaimportante LOL (yung may mga balahibo sa collar? donyang donya talaga sana ang dating ko eh), pero dahil sa mas importanteng issue sa buhay ay kinailangan kong icancel. May next time pa naman siguro. Sana.
Pero napaisip nga ako kung saan-saan na ba ako nakarating, kung saan ko pa gusto makapunta at kung bakit ko gustong pumunta doon. Lahat naman siguro dito may mga bucket list kuno diba?
So far, nakarating pa lang ako sa SG, sa Indonesia at sa Maldives. Pero gusto ko pa rin talagang puntahan ang Austria at Egypt. Saka yung mga lugar tulad ng Seychelles, Bora-Bora at Zanzibar. Parang sa ngayon, yan lang ang mga bansang gusto kong puntahan.
Dalawang beses nako nakarating ng SG. Yung una, kasi gusto kong makarating sa Universal Studios ha ha. Ito namang pangalawang beses, dahil bumibusiness trip nako LOL. Yung Indonesia naman ay side trip lang dahil malapit yung islang Bintan sa SG. Nung unang beses ko nakarating sa SG, hindi ako masyadong natuwa ha ha. Well, ang SG napaka friendly ng environment. Pero kung magtatravel ako, ayoko na sa city dahil galing na rin ako sa city. Saka hindi nako na-amaze sa structures sa SG dahil marami na akong nakitang ganon sa Dubai.
Sa Maldives naman, pabalik-balik ako dahil paborito ko siyang lugar at malapit lang kasi siya sa Dubai. Pwede mag long weekend. Makapagrelax man lang ng ilang araw. Sabi nila, walang kasing ganda daw ang mga beaches at underwater chorva sa Pinas. Walang-wala daw yung sa Maldives. Agree naman ako do’n at gusto ko din actually malibot ang magagandang beaches sa atin kaso wala talaga akong oras dahil mas matagal akong nasa ibang bansa kesa sa Pinas at isa pa, masyado na nga kasing nacommercialize ang travelling kaya napakarami na nagpupunta doon. Di pa ko nakakarating sa Boracay pero parang ayaw ko pumunta dahil sa dami ng nagpupunta. Gusto ko sa Maldives or Seychelles or Bora-Bora o Zanzibar kasi gusto ko yung tipong feeling ko sa akin yung buong beach ha ha. Yung siguro sa loob ng isang araw, wala pang sampung tao ang makikita mo. Hihilata ka lang maghapon sa buhanginan habang umiinom ng buko o kaya cocktail para mas susyal at uubusin ang oras na tila di maubos ubos habang nakikinig ka lang sa mala musikang alon ng dagat. At yung makapag feeling na ako ang pinakamaganda at pinakaseksing nilalang sa balat ng dagat at makapaglakad lakad sa beach na naka two piece na hindi kailangan itago lahat ng baby fats. ha ha.
Siguro, yan ang trip ng tulad kong nakatira sa siyudad na laging busy at nagmamadali at laging napakaraming mga tao at tae.
Gusto ko makarating sa Egypt dahil na-a-amaze ako sa mga Pyramids at sa mga Pharaohs. Gusto ko makita yung mga pyramids dahil I have this feeling na may mga kakaibang entity na tumulong sa mga ancient Egyptians na gumawa no’n. Kasi nung mga panahong hindi pa uso ang mga autocad or ruler o kung ano man, paano nila nagawang gawing perpekto ang pagkakalagay ng bawat brick sa mga pyramids? Basta mahiwaga talaga.
At kung bakit gusto ko pumunta ng Austria? Bakit di na lang Paris dahil nandun yung Eiffel Tower o kaya sa UK dahil sa Big Ben. Well, di kasi ako ‘Been there, done that’ type. Hindi kasi ako nahihiwagaan sa Eiffel Tower at sa Big Ben. Kaya ko gusto magpunta sa Austria kasi gusto kong puntahan yung library sa Vienna kung saan nagbasa minsan si Jose Rizal ng libro at balita ko ay buhay pa yung libro at nandun pa daw yung pangalan ni Jose Rizal sa library card nung libro. Gusto ko magtravel back in time. Kahit sa feels lang ha ha. Baka maupuan ko din ang same pwesto na naupuan ni Rizal eh ha ha. Saka gusto kong makita yung Christmas Market nila sa Vienna. Na-a-amaze kasi ako. Eto lang talaga yung mga reasons kung bakit ko gusto magpunta doon.
Sabi ng iba, gastos lang daw yang traveling. Magastos naman talaga pero depende naman yan. Bakit mo pipilitin kung hindi mo kaya? Pero ako kung may chance and budget, pupuntahan ko yung mga gusto kong LANG puntahan. Ang hirap kasi sa iba, at sa pagiging commercialized nga ng traveling, basta mura yung package, go na sila. Parang nagiging pakyawan ba? The more mapuntahan, the merrier. Kahit nga minsan di naman nila naiintindihan kung bakit sila nagpunta sa pinuntahan nila. Dito ko masasabing nasayang yung pera. Kapag nagpunta ka lang sa isang lugar just for the sake of being there.
Marami nga ding nagpipilit sa akin na magpunta daw sa Georgia at Armenia dahil malapit lang dito at mura nga lang. Pero di ko kasi maisip kung bakit ko kailangang magpunta do’n kung wala naman akong pakay.
In return, gusto ko sila minsan tanungin (dahil troll ako sa tunay na buhay) pero pinipigilan ko dahil baka maka-offend ako, kung bakit nila gustong pumunta sa mga lugar na pinagsasabi nila?
***
Don’t mean to offend anyone here ha specially yung mga travel blogger friends na’tin. Nothing against anyone. 🙂
I’d love to hear from you!