Naglalaro ang mga salita sa isip ko
Na tulad mong ayaw lubayan ang diwa ko
At ng mga ngiti mong nagmarka sa alaala ko
Na nakikita ko mula pagpikit hanggang pagdilat ko
Naglalaro ang mga salita sa isip ko
Na parang binaril ako sa ulo
At ikaw ang balang napadpad sa sintido
Ilang operasyon man ay di ka mawala dito
Naglalaro ang mga salita sa isip ko
Tulad ng tinig mong musika sa pandinig ko
Parang sirang plakang di humihinto
Kaya ang himig ay namamalagi dito
Naglalaro ang mga salita sa isip ko
Tulad ng sayang nadama ko
Nung naghawak kamay tayo
At hinalikan mo ang pisngi ko
Naglalaro ang mga salita sa isip ko
Tulad nung gabing humiga tayo
Sa ilalim ng kalawakan at mga bituin nito
Humiling na sana ay tumigil ang pag-ikot ng mundo
Naglalaro ang mga salita sa isip ko
At di ko malaman kung ano ang gagawin ko
Tula o awit ba, ang daming liriko
At ang lahat ng ito ay para sa iyo
Naglalaro ang mga salita sa isip ko
Tulad ng mga katagang sinabi mo
Na mahal mo ako
Pero di pwedeng maging tayo
Naglalaro ang mga salita sa isip ko
Tulad ng mga tanong na sana ay naibato ko
Kung bakit hindi pwede?
Bakit hindi pwede magkaroon ng tayo?
Naglalaro ang mga salita sa isip ko
Tulad ng alaala mong naglalakad palayo
Na kung maibabalik ko lang, sana ay naghabol ako
Baka sakaling hindi ako nag-iisa rito
Naglalaro ang mga salita sa isip ko
At lahat isinulat ko sa isang kwaderno
Na itinago ko sa isang sulok ng kwarto
At doon nakalimutan na at inalikabok.
I’d love to hear from you!