Parang kahapon lang ay pakalat-kalat lang tayo sa kahabaan ng Aurora Boulevard. Ngayon parehas na tayong nasa gitnang silangan.
Natatawa tayo pag pinaguusapan natin yung mga galawang PG natin noon. Ikaw ang nagturo sa buong tropa na refillable ang apple juice ng Burger King diyan sa may Aurora Boulevard kaya parati tayong dumadayo. Minsan, ikaw ang sinisisi ko kung bakit nagsara ang BK branch na iyon. Biruin mo isang burger lang bibilhin naten tapos lima hanggang pitong beses tayong magrerefill ng apple juice para makainom lahat. Musta naman ‘yon?
Dalang-dala mo hanggang dito yung reputasyon mo nung college pa tayo. Yung papalit palit ka ng number tapos kelangan kong itext or i-miscall lahat ng number mo para malaman kung ano yung gumagana. At ganun ka pa rin talaga. Pag may lakad tayo at kung kelan importante ang tawag eh saka ka hindi sumasagot ng telepono.
Madami na sa’ting nagbago at marami pa ring hindi.
Naalala ko nung college tayo. Patawa-tawa ka lang. Walang pakialam. Basta pumasa ok na. No pressure. Di kailangan maging cum laude. Basta walang singko o INC. Mas konti expectations mas konti din ang disappointments.
Ganyan ka pa rin. Pangiti-ngiti lang. Minsan iniismol na di pa lumalaban. Di ko alam kung di mo lang sineseryoso o ayaw mo lang ipakitang nasasaktan ka rin.
Ganyan ka pa rin talaga hanggang ngayon. Minsan nga nakakainis ka na. Oo minsan naiinis na talaga ako. Minsan gusto kitang pakialaman at pangunahan. Pero katulad ng dati, pangiti-ngiti ka pa rin kahit pinagsasabihan kita. Lalo lang tuloy akong naiinis.
Napaka-naive mo pa rin. Sa buhay at sa pag-ibig. Napakasimple mo pa rin. Napakasimple pa rin ng iyong mga pinaniniwalaan. Nauubusan ako minsan ng lakas sa pag-iisip kung paano mo ginagawa ‘yan.
Pero alam mo, palagi pa rin akong nagpapasalamat na nandiyan ka. Kasi lagi mong pinapaalala sa akin kung saan ako nanggaling at kung ano ako dati. Na hindi lahat ng bagay ay dapat komplikahin. Na pwede pa ring maging simple ang buhay. Kasing simple noong mga panahong naglalakad lang tayo sa kahabaan ng Aurora Boulevard. Nung mga uhuging teenager pa lang tayo na ang gusto lang ay makapagtapos at makahanap ng trabaho. Nung nangangarap pa tayong makapagStarbucks man lang habang nakatambay at umiinom ng Zesto o C2 sa may 7-11 o kaya ay sa Mini Stop.
Sabi ng isang sikat na manunulat, tayo daw ay mga bato sa ilog na hinuhulma ng agos ng tubig. Parehas naman na tayong nahulma, ang pagkakaiba lang ay yung ilog na humulma sa atin.
Ako’y isang batong hinulma ng rumaragasang tubig na nagmamadali, delikado at nakapipinsala. Nahulma ako sa kagaspangan ng pagkakataon, pinipilit kumapit para di tangayin ng lagaslas pero bandang huli ay naanod din at nagising sa kawalan.
Samantalang ikaw ay hinulma ng payapa at mapagkalingang ilog. Pinakinis at pinatibay ka ng panahon. Hindi ka nakikisabay sa pabigla-biglang pagbabago bagkus nananatili ka sa kinatatayuan mo at nag-aantay ng tamang pagkakataon. Hindi ka nanunugat bagkus kumakalinga.
Napakaliit ng tsansa na mabasa mo ito pero sa palagay ko ay mabuti na nga ang gano’n. Maiinis lang ako dahil ngi-ngitian mo lang naman ako.
Marami na sa ating nagbago pero kahit dito na tayo sa gitnang silangan naglalakad at umiinom ng kape mula sa Starbucks, ganun pa rin ang pakiramdam ko pag kasama kita.
Para pa rin tayong mga uhuging teenager na pakalat-kalat sa kahabaan ng Aurora Boulevard na nangangarap habang umiinom ng Zesto o kaya ay C2.
I’d love to hear from you!