Manipis
Halos mabutas na
Ang swelas ng tsinelas
Na hindi malaman
Kung kailan pa
Unang napigtas
Maliwanag
Mata’y nasisilaw
Noong halos kumunot na
Paningi’y halos magdilim na
Sa gutom at pagod
Na laging iniinda
Pawisan
Ang katawang
Di kailanman
Nakaranas ng sarap
Ang pahinga
Ay saan maapuhap
Kalyo sa palad, sakong at talampakan
Dugo, pawis, kahirapan, hanggang kailan?
Pagbabago?
Tao?
Tayo?
Sa bawat sigaw,
Boses na uhaw, nakaririndi, nakapupugnaw
Dahas, pwersa, lakas, para saan?
Pagbabago?
Ikaw?
Ako?
Bayang kubkubin man ng dilim
Abutin man ng dapit hapo’y nangangarap pa rin
Lamunin man ng gabi
Tupukin man ng hamog at lamig ng madaling araw
Muli’t muli ay manganganak
Ang bukang liwayway ng panibagong araw
Na maghahatid sa atin sa katanghaliang tapat
Ng damdaming patuloy na umaapoy, nagbabaga,
Lumalagablab.
***
Ang post na ito ay isinali ko sa online poetry contest ng Drunken Poetry Nights na may temang Lagablab. Sumali ako kahit alam kong hindi naman ako mananalo at hindi rin ako makakarating sa kanilang reading night. At ayun nga, magagaling yung mga nanalo haha.
Anyway, nung malaman ko na ang tema ng contest ay Lagablab o White Heat ay agad kong naisip yung insidente sa Kidapawan kaya ang tulang ito ay para sa ating mga magsasakang patuloy at patuloy na tinatapakan ang karapatang pantao.
***
Lately panay ang pag-a-art is kool ko kasi natuto akong mag watercolor. ha ha. Pero matatapos din ang kahibangan kong ito pag nagsawa na ko haha.

I’d love to hear from you!