Sampung taon mo na akong kinakanlong. At habang tumatagal ay lalong nagiging malinaw sa akin ang lahat. Malinaw kung paanong hindi man direkta ay hayag na hayag pa rin ang iyong pambubusabos.
Sa paliparan pa lang, nung huling beses na ako ay pumasok sa bansa. Kung paanong ang tagal ko nang nakapila sa imigrasyon at kung paanong ang mga bagong dating na mga dilaw ang buhok ay pinauna niyo sa pila dahil lang sa sila ay Kanluranin.
Sa kumpanya pa lang, ninais ko noon na umangat ng kahit isang baitang lamang pero hindi mo ako pinagbigyan. Una dahil ako ay babae, pangalawa dahil ako ay Pilipina. Hindi mo man lang tiningnan ang aking abilidad, talino at kakayahan.
Gusto kong isigaw na nagtapos ako sa isa sa mga kilalang unibersidad sa aming bansa pero ni hindi niyo man lang tiningnan. Kasi ang mahalaga lamang sa inyo ay yung mga nakapag-aral sa kanluran. Ilang taon na akong nagsisikap na mapansin niyo sa kumpanya, sinabi niyo turuan ko itong mga estudyanteng galing sa kanluran. Ginawa ko naman at sila’y maraming natutunan. Pero ano? Matapos ang anim na buwan, sila ay nagbabalik dahil sila ay nagsipagtapos na, para ano? Para maging manehero ko? Tinuruan ko sila upang maging manehero ko. Samantalang ako, isang baitang lang ang hinihiling kong maakyatan ay hindi niyo pa pinagbigyan. Tapos ang motto niyo ay may pantay-pantay kayong pagtingin.
Ang tindi ng mga pinagdaanan ko para lang makarating dito pero hindi niyo pa rin ako pinagkakatiwalaan. Hanggang ngayon ganun pa rin. Hindi direkta pero hayagan. Ako’y inyong hinahamak pa rin. Pasaporte muna bago abilidad. Pagtapos niyo akong pakinabangan ay ganito na lang?
Ang sakit-sakit na.
Ang sakit-sakit na kaya kahit hindi ko feel ay kinilig ako ng kaunti sa trailer ng palabas ni John Lloyd at Jennelyn.
video:ABS-CBN Star Cinema
I’d love to hear from you!