Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.
***
Grabe! Sobrang busy namin sa palengke dahil andaming nagbibilihan ng mga uniform, mga bagong medyas, mga bestida at barong kasi isusuot ng mga bata sa graduation. Yung isang nanay nga hay naku, naghanap ng Filipiniana. Kala ko para sa anak n’ya yun pala para sa kan’ya. Anu ba yan, parang yung mga nanay ata ang nagpapabonggahan ng damit, hindi naman sila yung gagraduate.
Pero ayun, dahil tapos na ang school year, nag-aya ng reunion itong mga kaklase ko nung high school. Kasi nga daw hindi na sila masyadong busy at bakasyon na ng mga bata. Marami na kasi sa amin ang pamilyado kaya mahirap na yayain. So ayun nga, nagpasimuno itong si Gerry, siya yung President namin nung high school at laging nag-o-organize ng kung ano-ano. Mukhang nadala n’ya na yung pagkaPresidente n’ya hanggang ngayon.
Naeexcite ako ‘no kasi antagal ko na silang hindi nakita kasi wala man lang sa kanilang dumadaan sa palengke para mangamusta kahit alam naman nilang nandito lang ako. Ang palagi lang dumadaan ay si Rosemarie, yung bestfriend ko nung high school. Teacher na siya ngayon d’yan sa may elementary school na malapit dito. Di ko inakalang ang mahiyaing iyan ay magiging Teacher pala. Actually, apat kaming sobrang close nung high school. As in forever friends kami noon. Di pa uso yung BFF ay uso na kami. Pero yung dalawa, si Jenny at Richelle ay hindi ko na nakita pa matapos yung high school graduation.
Hindi nako tumulong sa pag-o-organize kasi wala naman akong maitutulong talaga saka busy ako, wala naman akong day off sa palengke. Pahirapan pa nung nagpaalam ako para sa reunion pero bandang huli pinayagan din naman ako.
Natuloy nga yung reunion nung Sabado dun sa Christian’s 13 Waves Resort. Grabe ang mahal pala nung entrance dun, 350 pesos pag matanda tapos buti na lang free entrance pa si Buding dahil maliit pa. Sabay na kami nagpunta ni Rosemarie kasi nahihiya ako, ewan ko ba basta nahihiya lang ako. Ninenerbyos kasi ako na makita nilang ganito, tindera lang ako sa palengke habang silang lahat halos ay may mga narating.
Pagdating sa loob ay sinalubong kami ni Gerry. Akalain mo nga namang yung payatot na si Gerry noon ay parang body builder na ngayon at may ngiting parang si Jomari Yllana (nung binata pa). Pero parang may kakaiba sa kanya na di ko maintindian.
Kwentuhan ng kwentuhan ‘tong mga ‘to, tungkol sa mga trabaho nila, sa mga anak nilang nag-aaral sa exclusive schools, sa mga bansang napuntahan nila, mga bundok na naakyat nila, sa mga dagat na nasisid nila, mga palabas na napanood nila, mga lupang nabili nila at kung ano-ano pa. Hindi ako makasingit di ba, anong ikukwento ko? Kung gaano karaming medyas o puting tshirt ang nabebenta ko sa isang araw? Hay nako, wag na di ba? Â Kaya namamapak na lang kami ni Buding ng singkamas sa isang tabi. Buti na nga lang at hindi ako iniiwan ni Rosemarie.
Maya-maya pa ay dumating na si Jenny. Halos hindi ko talaga sya nakilala kung hindi biglang sumigaw si Gerry na uy si Jenny nandito na! Parang artista kasi siya pag malayo. Sobrang puti ng balat nya, ang seksi nya, medyo blonde yung mahabang buhok nya tapos wavy yung dulo. Ngumiti s’ya, tapos kumaway parang Miss Universe, tapos nagbeso-beso sila ni Gerry. Sa isip-isip ko, kailan kaya naging magkasundo ‘tong dalawang ‘to? Eh lagi silang nag-aaway nung high school dahil magkalaban sila sa pagkabalediktoryan? Hay. Umiikot nga talaga ang mundo. Andaming nagbabago.
Ayun nga ano, dumating si Jenny pero parang artista lang na pakaway-kaway. Hindi n’ya pa kami lalapitan kung hindi kami tinuro ni Gerry, sabay lapit sa’min at sabing, Oh My God! Rosemarie? Is that you? Mertz? Is that you? Napangiti lang kami, at nakipagbeso-beso siya sa’min. Ambango n’ya ha grabe. Baby cologne pa rin kaya ang gamit nya? Tapos biglang sinabi nya, Mertz, is this your kid with that Conrado guy? Hay naku! Sampu naman ng mga santo! Bakit n’ya pa kailangan banggitin? Oo, sya si Buding. ‘Nak bless ka sa Tita Jenny mo.
Such an adorable kid. Ok ladies, will catch up with you in a bit, sabay nilayasan na kami at nagpunta dun kila Gerry. Nagkatinginan lang kami ni Rosemarie. Grabe naman, ni hindi man lang n’ya kami kinamusta o tinanong man lang kung ano na nangyari sa’min sa loob ng mahabang panahon na hindi n’ya kami nakita. Anlaki na ng pinag-iba n’ya. Walang-wala sa Jenny na nakilala namin noon na halos ayaw mahiwalay sa amin ng upuan sa klase. Lagi siyang lumilipat ng upuan, sa last row kaming tatlo kasi sa letter M nagsisimula ang apelyido namin at ang apelyido n’ya naman ay sa B nagsisimula. Dun s’ya sa row namin nagsusumiksik kahit pagalitan pa s’ya ng mga teachers.
Siguro nga masyado nang malayo ang narating n’ya kaya nabura ang ilan sa kan’yang mga alaala.
Maya-maya pa ay binuksan ni Gerry yung laptop n’ya tapos parang may ginawa sila para makita sa puting pader yung nasa laptop n’ya. Kasi yung ibang kaklase naming nasa ibang bansa ay ivivideo call daw para daw makita man lang namin sila.
So lumabas sa screen ‘tong si Richelle. Grabe, blonde na blonde s’ya at naka jacket at naka scarf, para bang lamig na lamig habang kami ay pawis na pawis naman sa init. Nasa Florence, Italy daw s’ya, nakapangasawa kasi ng Italiano kaya dun na sya ngayon nakatira talaga. Ang swerte nga naman ‘no? Di mo alam kung kanino dadapo. Â Ako din naman, naanakan ng isang Italiano eh. Half Inutil na Tanggero at Half Masarap Balian ng leeg eh no?
Iniikot ni Gerry yung laptop n’ya para makita daw kaming lahat. Tapos biglang nung natapat sa’min sumigaw si Richelle. Oh My God! Rosemarie? Mertz? I really miss you guys and I’m sorry I didn’t have a chance to say goodbye to you! But I have those letters and photos of us back in the days. I miss you my forever friends! Kulang na lang ay maiyak siya at lumabas s’ya sa screen para yakapin kami. Ako din halos maiyak. Buti pa s’ya naalala n’ya pa kami kahit literal na malayo na ang kanyang narating. Pero bakit kaya di nya binanggit si Jenny?
Maya-maya pa ay nag-aya nang mag-inuman ‘tong sila Gerry kaya naman nagpaalam na kami ni Rosemarie dahil may kasama kaming bata. Mertz, pagod na ba kayo? Gusto mo ba munang dumaan d’yan sa may coffee shop? Pumayag ako kahit alam kong medyo pagod na si Buding. Mapungay na yung mga mata n’ya sa antok pero nung sinabi ni Rosemarie na, Buding gusto mo ba ng chocolate cake? Aba’y akalain mong nanlaki yung mata sa excitement.
Umorder kami ng kape at chocolate cake. Antagal na pala naming hindi nakapagkwentuhan ni Rosemarie dahil parehas kaming abala sa buhay. S’ya sa pagtuturo, ako sa pagtitinda at sa pag-aalaga kay Buding. Nakangiti kami habang binabalikan namin ang mga alaala namin nung high school. Kung paanong si Richelle ang supplier namin ng intermediate paper dahil s’ya lang ang may pambili, kung paanong si Rosemarie na siyang pinakamahiyain sa amin ang may pinakamaraming natanggap na imbitasyon nung JS Prom at kung paanong sabay-sabay kaming nagsukat ng mga gown dun sa Lyn’s Gowns for Rent. Â Kung paanong si Jenny lang ang nakakaintindi ng Trigonometry at sa kanya kami kumokopya ng assignment, at kung paanong si Richelle naman ang napakahusay sa pagsayaw at leader lagi ng Cheering Squad, kung paanong si Rosemarie naman ang pinakamagaling sa World History at kung paanong ako naman ang Volleyball Varsity. Kung paanong nanlilibre lagi ng kwek-kwek si Richelle tuwing uwian, at si Rosemarie naman ang taya sa palamig kapag binabalatuan siya ng kuya niyang nanalo sa sabong, kung paanong naghihiraman kami ng bagong 3310 ni Richelle para makapaglaro ng snakes at makapagpataasan ng score at level, kung papaanong ginagaya namin ang style ng buhok ni Jolina at kung paanong paulit-ulit naming pinapanood ang mga palabas nila ni Marvin. Kung papaanong nagsumpaan kami nung gabi ng aming graduation na kami ay friends forever at kung paanong andaming nagbago sa mga buhay namin.
Lahat ito nginitian naming dalawa ni Rosemarie, habang inuubos ang aming unti-unti nang lumalamig na kape at habang napupuno na ng tsokolate ang pisngi at baba ni Buding.
***
Inspirasyon ng post na ito ang pagkamiss sa mga kaibigang kaklase ko mula prep hanggang highschool. Magkakasama kami halos araw-araw sa loob ng labing isang taon pero ngayon, nakakatawa na medyo nakakalungkot, na halos ilang minuto na lang kami kung mag-usap online dahil sa milya-milya naming distansya sa isa’t isa, at sa pagkaabala sa sari-sariling buhay.Â
***
Palengke Chronicles 2 : Rebond
Palengke Chronicles 3 : Slimming Tea
I’d love to hear from you!