Ulan. Taon-taon kitang inaabangan.
Taon-taon ka rin naman dumarating
Pero dumarating ka lang kung kailan mo maibigan
At kung kailan mo maibigan ay dun ko lang nararamdaman
Na kahit malayo ako ay parang malapit din
Na kahit sa disyerto man ay may ulan din
Ulan. Taon-taon kitang inaabangan.
Pero madalang mo lang ako pagbigyan
Saglit ka na nga lang paparito’y nagmamadali pang lumisan
‘Sing dalang ng panahon na ako’y napagbibigyan
Na madalaw ang bayan na aking sinilangan
Na mamalagi sa tahanang aking kinagisnan
Ulan. Taon-taon kitang inaabangan.
At kahit madalang mo lang ako pagbigyan
Lungkot ko kahit paano’y naiibsan
Dahil pinapaalala mo naman
Nandun man sila at ako’y nandito naman
Ang langit ay iisa, nasaan ka man.
Ulan. Taon-taon kitang inaabangan.
Taon-taon ka rin naman lumilisan.
Ngunit sa iyong paglisan ay may markang iniiwan
Dagok sa lupang naging putikan
Kadalisayan sa dahong muling naging luntian
Kapayapaan sa damdaming may kulog at laging nakikidlatan.

***
dulot ito ng kakaibang pakiramdam na dala ng ulan dito sa disyerto na may kasama pang kulog at kidlat
Leave a Reply to dubaiexpatnurse Cancel reply