Si PingPong, (hindi n’ya tunay na pangalan ‘yan pero ‘yan ang bansag ko sa kan’ya) ay isang kaibigan na madalas ay pinaghuhugutan ko ng lakas at inspirasyon para makabangon muli tuwing ako ay madarapa. Sa totoo lang tuwing may problema ako sa buhay, naiisip ko s’ya. Pag may pinagdadaanan kaming mag-asawa at pag nalulungkot kami, naiisip namin s’ya. Kasi sa dami ng mga isyung hinarap at hinaharap namin tulad na lang ng nabanggit ko sa Karimarimarim kong post last month na mawawalan na ko ng work by the end of May at nung mga recent pangyayari sa buhay ko na dahilan ng pag-wa-walling ko ay wala pa rin sa mga isyung hinaharap ni PingPong.
Si PingPong ay nakilala namin nung 2012. Pinsan n’ya (sa tulong ng local company or sponsor) ang nagprovide ng working o residence visa n’ya rito pero wala siyang permanenteng trabaho. Pinagpapart-time lang s’ya nung pinsan n’ya minsan sa peryahan, minsan as office cleaner, minsan as banquet waiter. At dahil hindi permanente yung trabaho n’ya, bayad lang s’ya ayon sa araw at oras nang trinabaho n’ya. At dahil hindi regular ang kan’yang income, yung kinikita n’ya ay halos pinangkakain n’ya lang at pinambabayad ng upa.
Sinubukan ni PingPong na maghanap ng ibang trabaho at may makukuha na sana siyang disenteng trabaho. Kaso wala yung passport niya dahil na-prenda ng pinsan n’ya sa pinagkakautangan nito. Kaya ayun, hindi na s’ya naantay pa nung kumpanyang kukuha na sana sa kan’ya. Ilang beses na naging ganito ang sitwasyon at kahit anong gawin n’ya ay ayaw ibigay sa kan’ya ang passport n’ya kaya hininto na lang n’ya ang pag-aapply.
Naexpire na lang yung visa ni PingPong ay hindi pa rin binabalik ang passport nito. Lumapit na s’ya sa labor at pinatawag yung sponsor n’ya pero wala pa ring nangyari.
Naisip n’yang magfile ng lost passport sa consulate at nakakuha naman siya ng bagong passport. Gusto na lang sana niyang makauwi kaso lang dahil blangko yung passport n’ya, naisip n’yang baka kwestyonin siya sa immigration at baka imbes na makauwi s’ya ay i-detain pa s’ya. Isa pa pala, kung sakaling makuha n’ya ang passport n’ya sa pinsan n’ya ay matagal nang expired ang residence visa n’ya. Inaalala n’ya kung gaano na kalaki ang fine na babayaran n’ya kung sakaling lalabas s’ya ng bansa. Wala rin siyang pambayad if ever.
At kung noon ay nakakapag part-time pa siya, ngayon ay hindi na dahil bawal na dito magpart time pag wala kang valid ID. Eh expired na rin yung Emirates ID n’ya. Hindi namin alam kung paano pa s’ya nakakadelihensya ng pangkain.
Sinabihan na namin s’yang lumapit sa consulate pero wala pa kaming narinig na update mula kan’ya.
Kung sa mga isyung kinakaharap ko ay nag-wa-walling na ako, baka kung ako ang nasa kalagayan ni PingPong ay naglupasay na’ko.
Anyway, hindi ko muna susundan ng mga OFW at mga walling issues ang post na ito dahil nagiging sobrang bigat na ng dinadala ng blog ko.
I’d love to hear from you!