Minsan kahit anong positive ng outlook mo ay mauubusan ka pa rin ng enerhiya dahil sa mga dagok na ibinibigay ng buhay, maliit man ito o malaki.
May mga panahon na ayaw mo pang umuwi kahit pinagtutulakan ka na ng boss mo palabas ng opisina kasi alam mong wala kang dadatnang tao sa bahay at madedepress ka lang pag umuwi ka, sa bahay na puno ng gamit pero walang tao. At pag-uwi mo ay ida-dial mo ang mga numero sa telepono mo pero walang sasagot. Busy silang lahat kung hindi sa trabaho ay sa pagshoshopping.
Ito yung mga panahong titingin ka na lang sa labas ng iyong bintanang mukhang bintana ng selda dahil hindi pinagaksayahan ng enerhiya yung design nung bahay at ang tanging view mo lang ay sandamakmak na bintana ng kabilang residential building na puno ng basahan at damit na mukhang basahang sinampay.
Tapos maalala mo ang commercial ng Boysen Paints at mapapakanta ka ng pintado sa’king puso…pag-ibig na tunay. At mafefeel mo yung feels ni kuyang nasa selda habang nakaupo ka sa kama mo at nakatingin sa apat na sulok ng kwarto pero pag binilang mo talaga, walo pala yung sulok.
At ‘yun yung panahong mapapaiyak ka na lang at maghahanap ka ng taong aalo sa iyo at sobrang mamimiss mo ang nanay mo at hihilingin mong sana ay d’yan lang s’ya sa kabilang kanto nakatira para makatakbo ka kaagad sa kan’ya pero maalala mong buwan o taon pa bago mo s’ya ulit mayayakap.
Sa kakaiyak mo ay maninikip na ang dibdib mo at hindi ka na makakahinga kaya tatayo ka at kukuha ng tissue at sisinga ka.
Pagtapos mong suminga ay luluwag na ang iyong paghinga pero hindi ka pa rin mahihinto sa pagiyak. Ito na. Ito na yung time na malilito ka na kaya kahit may kama at upuan ay dun ka uupo sa sahig. Doon ka sa sulok ng kwarto hahagulgol habang nakaupo sa malamig na sahig. Pero take note: bago yung hagulgol sa sahig scene, nag-walling ka muna.
Dito mo feel na feel na para kang bidang artista na inapi ng husto. Yung tipong pinagsasampal ka ni Jean Garcia o nginudngod ka ni Senyora Santibanez sa putikan.
Pero bandang huli ay sasabihin mo rin sa sarili mo na This too shall pass. Pero itatanong mo rin sa sarili mo kung kelan darating ang panahon na hindi mo na kelangan pang sabihing This too shall pass.
Tapos mas bandang huli pa ay mahihimasmasan ka na matapos mong tawagin ang pangalan ng Dakilang Nasa Itaas.
At pag nahimasmasan ka na ay magpapasalamat ka sa mundo dahil binigyan ka nito ng pagkakataon na makapag-walling.
video: Boysen Paints
I’d love to hear from you!