Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.
***
Kanina pa may pinagkakaguluhan yung mga tindera kaso di ako maka-usyoso. Parang may pinapanood sila dun sa touch screen ni Sione. Hindi ako makaalis kasi andito si bossing, galing sa Baclaran at namili ng mga stock na ititinda namin. So ako naman ‘no salansan dito, salansan don. Hanger dito, hanger don. Sabit dito, sabit don. S’yempre kelangan ko ayusin ‘tong mga paninda namin diba alangan naman unahin ko pa ang pag-usyoso. Pero gaya nga ng una kong natutunan dito kay Ate Beth nung baguhan pa lang ako dito sa tindahan, dapat daw matutong mag multi-tasking. Kaya heto habang nagaayos ako ng mga paninda eh nakikinig ako sa pinagkakaguluhan nila. Kaso bahagya lang naririnig ko dahil may mga kostumer din na nagtatanong kung magkano ‘to, magkano ‘yan, nawawala ang focus ko.
Paro’t parito din itong si Buding ‘no at nakikiusyoso din. Ika nya, ma nanonood sila sa youtube. Kako, anong pinapanood ‘nak? Sagot n’ya eh, ewan ko ba mama. Tapos tumakbo ulit si Buding papunta kila Sione. Sumigaw ako, hoy Sione anong pinapanood n’yo? Baka kako kung anong pinapapanood nila kay Buding ko. Presidential Debate to Ate Mertha.Â
Ayun pala, usap-usapan nga din yan ng mga tricycle driver dun sa terminal kanina. Nagtatalo-talo sila kung sino ang gusto nilang maging susunod na presidente.
Sa’kin naman, di naman ako mahilig sa mga ganyang usapan. Wala naman akong alam sa pulitika pero ang akin lang, parang kahit sino namang manalo eh ganun pa rin. Tulad na lang dito sa bayan namin, pag may bagong naupong mayor eh kulay lang ng waiting shed ang nagbabago. Yun bang pag naupo si Mayor ganto ay nagiging orange yung mga waiting shed tapos pag napalitan na s’ya ni Mayor ganon eh kulay green naman yung mga waiting shed.  Tulad din n’yan, kanina nagtatalo-talo pa itong mga tricycle drivers na ito kung sino dapat ang maging pangulo eh kahit naman manalo pa yung gusto nilang kandidato eh tricycle drivers pa rin naman sila, bakit pa nila kelangan magtalo-talo diba? Eh sa tagal ng panahon ang nakita ko lang na pagbabago eh yung kulay ng tricycle na pwedeng bumiyahe dito o di pwedeng bumiyahe d’yan pero yung mga drivers, sila-sila pa rin. Para bang color coding lang ang labanan?
Ma, sabi ni Buding. Di sya mapakali. Siguro naiinip dun sa pinapanood nila dahil ‘di nya naman naiintindihan yung debate na yun. Tanong n’ya eh, ano yung conomy? Kako, Economy ‘nak hindi  conomy. Nakakaproud talaga ‘tong si Buding ko ‘no. Ambilis makapick-up. Ang kinakatakot ko lang eh baka dumating ang panahon na hindi ko na kayang sagutin pa ang mga itatanong n’ya bilang hamak na high school graduate lang ako. Pero dahil busy nga ako sa paghahanger dito at hanger do’n kako, ‘nak busy pa ako mamaya ko na ipapaliwanag sa’yo manood ka muna d’yan.
Narinig ko nga sa pinapanood nila na maganda daw ang ekonomiya ng bansa nung nakaraang taon.  Di ko naman masyadong naiintindihan ‘yang ekonomiya na ‘yan pero sa naalala ko sa lessons namin nung high school may kinalaman ‘yan sa demand and supply. Ang sa’kin lang naman di naman namin nararamdaman ‘yang mga ganyan.  Last year daw maganda yung ekonomiya pero tindera pa rin ako. Gumanda man o hindi yung ekonomiya eh tindera pa rin ako. Hindi ko naman sinisisi yung ekonomiya kung high school lang ang natapos ko kaya wala akong alam na ibang trabaho kundi ang pagiging tindera. Ang akin lang naman, hindi ba kasali ang mga tulad ko sa magandang ekonomiya na ‘yan?
Tulad na lang dito sa bayan namin, last year may nagtayo ng sikat na mall. So s’yempre lahat ng tao hindi na nagpupunta sa palengke dahil mas susyal sa mall. Halos parehas lang din yung ibang paninda nila sa amin pero ang mahal ng benta nila. Pero kahit mahal ang paninda ay sa kanila pa rin nagpupunta yung mga tao kasi mall sila at may aircon sila. Dito sa palengke, wala na ngang aircon wala pang susyal na plastic na pambalot nung mga pinamili. Yung mga tao dito pag may hawak na plastic nung mall ang yayabang na. Nakapagmall lang feeling sikat na. Ayun humina ang benta sa palengke dahil sa mall na iyan. Nalilito nga ako. Ibig sabihin ba ng pagkakaroon ng mall sa bayan namin ay maganda na yung ekonomiya ng bayan na’min? Pero parang yung ekonomiya lang nung mall yung maganda.
Ma, sabi ni Buding. Hay nako, ano na naman kaya ang itatanong nito. Tanong n’ya eh, ano yung coconut? Kako, niyog ‘yan anak. Tapos tumakbo ulit siya papunta kila Sione, seryoso pang nanonood na ‘kala mo naiintindihan talaga eh ‘no. Ayun nga nabanggit din nila yung tungkol sa mga coconut na ‘yan ano, bale dito sa amin wala namang niyugan pero dati ang alam ko may mga maisan. Pero di nagtagal, yung maisan naging subdivision eh. Pati bundok din ata gagawin na ring subdivision. Hindi ko malaman eh paano ba malalaman kung maganda ang ekonomiya? Pag ba may mga tanim na mais o pag merong magagandang bahay?
Ano pa ba iyong narinig ko kanina kasi naman ang daming kostumer na patanong-tanong eh di tuloy ako makapakinig ng maigi. Food is available ba ‘yun o food is affordable. Para namang laging available yung food diba pero hindi na s’ya affordable. Nung high school ako tres lang kada stick ng banana cue ngayon sampu na. May kinalaman din ba ang ekonomiya d’yan? Kasi di ba, hindi naman nagbabago kung saan napipitas ang saging – sa puno ng saging pa rin. At ang puno ng saging sa lupa pa rin nakatanim. Walang nagbabago sa pinanggagalingan ng saging pero nakakapagtaka kung bakit nagbabago ang presyo nito. Nakakalito talaga.
Parang narinig ko din yung pautang daw sa mangingisda. Wala naman akong alam sa pangingisda pero may alam ako sa pautang diba. Tulad n’yan ang tagal ko na ngang tindera dito at minsan iniisip ko din kung kelan naman kaya ako magkakaron ng sarili kong tindahan. Kaso sa’n naman ako kukuha ng kapital diba, alangan sa Bumbay? Eh pag umutang ako sa kanila para lang ako nagtrabaho para lang kumita sila. Andami na kayang nalugi dito sa palengke dahil sa mga pautang na ‘yan. Para naman kasing ang hirap magsimula ng negosyo diba. Kasi pag umutang ka at nalugi ka, masakit pa sa ulo isipin ang pagbabayad nung utang pero kung ganitong steady ka lang at nangangamuhan lang, wala ka ngang malaking kita, wala ka namang utang. Hay nako, kasama pa rin ba sa ekonomiya yan? Nakakalito talaga.
Ma, sabi ni Buding. Hay nako, ano na naman kaya ang itatanong nito. Tanong n’ya eh, ano yung debate? Kako, ‘nak busy pa ako mamaya ko na ipapaliwanag sa’yo manood ka muna d’yan.
***
Palengke Chronicles 2 : Rebond
Palengke Chronicles 3 : Slimming Tea
***
Sareee, andami kong kapalengkehang taglay. Nag-uumapaw kasi ang mga kwentong bumubulusok na parang bulalakaw sa aking maliit na sisidlan kaya kailangan isalin upang hindi maglaho at masayang.
Seasonal naman ‘to, ang aking kasipagang taglay. Matatapos din ito anytime soon.
Leave a Reply to Ompong Cancel reply