Ang Palengke Chronicles, si Aling Mertha at ang limang taong gulang na anak nitong si Buding ay pawang mga kathang isip lamang.

Ang bilis mauso ng mga bagay-bagay dito sa palengke. Nung nakaraan lang eh rebonding ang pinagkakaguluhan ng mga tindera ngayon naman itong Co Xing Gao Lo Slimming Tea na ‘to.
Itong si Sione ang mahilig magpauso eh. May dumaan dito na chinitong naka kurbata at nagtanong daw kung Open-minded ba siya sa business? Ngayon kung ano-ano daw ang pinagkukwento ng chinitong ito na hindi naman daw talaga n’ya na-gets kasi ambilis nitong magsalita. Ang naintindihan n’ya lang eh binebentahan s’ya ng Co Xing Gao Lo Slimming Tea na hindi lang nakakapagpapayat ng katawan, nakakapagpataba pa daw ng bulsa. Ang kailangan n’ya lang daw gawin ay bumili, uminom at magbenta, tapos magpost sa facebook ng selfie nila kasama yung slimming tea at lagyan ng #PowerUp.
So nagbebenta na nga ngayon ng slimming tea na ito si Sione at paulit-ulit akong inalok, kako di ako interesado sa mga ganyan. Ika n’ya eh papayat at seseksi na kayo, kikita pa kayo dito. Sa isip ko ‘no, ang sakit magsalita nito. Pero sanay na’ko sa mga pangungutya tungkol sa bilugan kong katawan kaya di ko na lang pinansin at talagang hindi din naman ako interesado sa pagbili o sa pag-inom o sa pagbebenta man ng mga slimming tea na ‘yan at mas lalo pa ang pagpopost sa facebook ng selfie at #PowerUp.
Habang nagkakagulo sila sa pagbili, pag-inom at pagbenta ng slimming tea na ‘yon at pagpopost sa facebook ng selfie nila kasama nung slimming tea at #PowerUp, nagpunta ako sa fitting room. Tiningnan ko ang sarili ko sa salamin at umikot ikot ako. Hindi naman sa duda ako sa kagandahan ko ‘no pero bilog talaga ako kahit anong gawin ko. Pinindot-pindot ko ang medyo nakaumbok kong tyan. Kako, yaan mo nang may umbok. D’yan naman nanggaling si Buding ko. Pero naisip ko lang kung totoo kaya yung epekto ng slimming tea na ‘yon ‘no di naman din siguro masama ang pumayat ng kaunti.
Sinisilip-silip ko pa yung umbok sa tyan ko nang biglang tumawag si Buding. Ma, ika n’ya. Pakibukas po, sabi n’ya habang may inaabot sa akin. Akala ko chichirya ang hawak. Nung makita ko ay isang pakete ng lavender flavor na Co Xing Gao Lo Slimming Tea. Nagalak ako nung makita ko pero siyempre ayoko ipahalata kaya nagtimpi ako at piniit ko ang ngiti at excitement ko. Kako, ‘nak hindi pagkain ito, akin na nga ‘yan at sinilid ko agad sa bulsa ko. Tapos parang iiyak na s’ya, naku ang kawawang Buding ko, baka nagugutom na kaya kahit slimming tea ay napagkamalang pagkain. Heto ‘nak oh, at binigyan ko s’ya ng limang piso. Bili ka ‘nak ng chichirya. Tapos biglang tumawa si Buding at sabi n’ya, yes! Power up! Tapos biglang kumaripas ng takbo.
Aba! Akalain mo nga naman itong si Buding ko, kaliit-liit pa lang ay kay husay na sa buhay. Marunong na s’ya dumilihensya. Nakakaproud talaga! Biruin mo, makakatikim ako ng slimming tea kahit hindi ako bumili at hindi ko na rin kailangang magbenta o magpost man ng #PowerUp sa facebook. Excited na ko. Susubukan ko ang Co Xing Gao Lao Slimming Tea na Lavender flavor mamayang gabi.
Pagtapos naming kumain ni Buding eh pinatulog ko na s’ya at excited akong nagpakulo ng tubig. Sabi sa instructions sa likod 1.Put teabag into 1 cup of hot water. 2.Let it seep for 3 minutes. 3.Enjoy your Co Xing Gao Lo Slimming Tea.
Tapos sa ibaba pa nakasulat Fast Effect. Feel it in 3 hours. Na excite naman ako ‘no. Ibig sabihin ba nito ay eepekto agad at papayat ako matapos ang tatlong oras? Grabe parang magic! Nakaka-excite.
Nilagay ko nga yung teabag sa tasang may mainit na tubig at inantay ko yung 3 minutes. Inamoy ko muna. Ang bango pala ng lavender parang nakakarelaks. Tapos kahit mainit pa ay tinikman ko na. Kakaiba pala ang lasa nito. Matabang na mapakla. Hindi ako umiinom ng sabon ‘no pero bakit feeling ko lasang sabon? Pero hindi ko na pinansin yung lasa kasi ninamnam ko yung kakaibang feeling habang umiinom nito. Parang nakakagaan ng feeling talaga. Ito na kaya yung epekto? Tapos parang nagiiba yung aura ko. Parang may magic ang Co Xing Gao Lo Slimming Tea na ito!
Kinabukasan pagpunta ko sa palengke badtrip na badtrip ako. Ika ni Sione, Ate Mertha anong sinabi ng eyebags mo? Sa isip-isip ko, leche kayo ng Co Xing Gao Lo Slimming Tea mo. At naalala ko ang nangyari sa akin kagabi. Ang ilang beses na paggising ko sa madaling araw dahil sa matinding paghilab ng tiyan ko na parang nagla-labor ako. Ang butil-butil na malamig na pawis sa noo at likod ko. Ang every 3 hours na pagpapabalik-balik ko sa banyo. Pero syempre hindi ko pwede sabihin sa kanya na uminom ako ng tea na ito dahil hindi naman ako bumili. Kako na lang eh naku po andaming lamok kagabi, di ako nakatulog. Ika n’ya eh, hindi ho ba kayo nagsara ng bintana?
So ayun nga ano, antok na antok ako. Pero kahit antok ako eh every 3 hours napapatakbo ako sa banyo. Ang masaklap, yung public toilet dito sa palengke, minsan may pila. At sa dinami dami ng araw, ngayon pa talaga extra haba ang pila sa banyo. Lahat ba tayo dito ay uminom ng slimming tea? Butil-butil na yung pawis ko sa noo at namimilipit nako sa kakapigil habang nakapila tapos ang tagal pa gumamit nung iba.
Latang-lata na ko sa antok at sa pagpapabalik-balik sa banyo every 3 hours kaya naman sobrang saya ko nung alas sais na ng hapon. Dali-dali akong nagsara ng tindahan para makauwi na bago pa humilab na naman ang aking tyan. Habang lamyang -lamya akong nagliligpit ng mga paninda ay napadaan ako sa fitting room at napasilip sa salamin. Tiningnan ko ang medyo maumbok kong tyan at ang bilugan kong katawan. Kako di bale nang may umbok ‘to. Hahayaan ko na lang at hinding hindi na ko titikim ng Co Xing Gao Lo Slimming Tea na ‘yan.
Sinisilip-silip ko pa yung umbok sa tiyan ko nang biglang tumawag si Buding. Ma, ika n’ya. Pakibukas po, sabi n’ya habang may inaabot sa akin. At alam kong hindi chichirya ang hawak n’ya. Nung makita ko ay isang pakete na naman ng lavender flavor na Co Xing Gao Lo Slimming Tea. Nainis ako ‘no pero nagtimpi ako at di ko pinakita ito. Kako, ‘nak hindi pagkain ito, at wag na wag mo na kong dadalhan pa nito at tinapon ko agad sa basurahan. Tapos parang iiyak na s’ya pero alam kong hindi talaga s’ya nagugutom. Heto ‘nak oh, at kahit naiinis ako ay binigyan ko s’ya ng limang piso. Bili ka ‘nak ng chichirya. Tapos biglang tumawa si Buding at sabi n’ya, yes! Power up! Tapos biglang kumaripas ng takbo.
‘Nak, yung totoo?
***
Palengke Chronicles 2 : Rebond
***
inspirasyon dito ang kaibigan kong parang ramp model na ang katawan pero mahilig pa ring uminom ng mga slimming tea
***
Ang Co Xing Gao Lo Slimming Tea ay imbento ko lang. Wala po akong kinalaman kapag may Tea na ganito ang brand. At kapag bumili kayo nito at hindi kayo naging slim and slender ay mas lalo po akong walang kinalaman.
Ang Co Xing Gao Lo (Singkong Lugaw) ay term na madalas kong marinig noon sa tatay ko pag nagkakaroon ng masayang kwentuhan tungkol sa mga intsik.
I’d love to hear from you!