Kidney stones from heaven please. (Bato-bato sa langit please.)
May mga kababayan tayong kapag naiapak na ang mga paa sa dayuhang lupain ay nagbabago. Mabuti sana kung yung pagbabago ay para sa ikabubuti. Kaso lang yung iba, nagbabago para sa ikaiinis ng iba. (Ok, baka ako lang yung naiinis?) Yung iba, kala mo hindi na sa lupa nakatungtong. Please lang. Lahat tayo nasa Earth pa rin ok? Wag kayong ano diyan.
Isang gabi habang nakasakay ako sa shuttle service na maghahatid sa akin sa bahay (mula opisina) ay may sumakay na Pinay na may kasamang blonde (European na blonde ha, hindi panggap na blonde). Alam kong bagong salta sa shuttle service ang Pinay na ito dahil pamilyar sa akin lahat ng  mga nakakasabay ko sa  shuttle service at nung gabing iyon ko lang siya unang nakita.
Hindi ko gustong marinig ang usapan ng ibang tao kaya lang dahil nasa loob kami ng iisang van ay wala akong choice. Naglagay ako ng headphones para walang marinig pero medyo malakas ang daldalan nila Ate kaya may naririnig pa rin akong paunti-unti sa mga pinaguusapan nila.
My boyfriend is from the UK, with a trying hard British accent na sinabi ni Ate sa kausap niya.
Habang nagkukwento naman yung blonde niyang kaibigan, puro yah lang ang naririnig kong sagot ni Ate.
Maya-maya pa ay nauwi yung usapan nila sa bahay ni Ate. You know, before, I was staying here in Business Bay (sa area na ito mahal ang upa sa bahay dahil commercial district ito) and I am paying 1500 Dirhams (Php 19k++) per month including DEWA (tubig at kuryente) only for bedspace. Inulit at nilagyan niya ng emphasis yung that’s only for bedspace, 1500 Dirhams.
Gusto kong lingunin para makita ang facial expression ni Ate dahil dito mo madalas makikita ang tunay na motibo nung taong nagsasalita. Hindi ko kasi alam kung ang ibig niyang sabihin dito ay sobrang mahal umupa ng bahay sa Business Bay o kung kayang-kaya niyang magbayad ng ganun kalaking halaga para lang sa bedspace.
But you know, they kicked all of the tenants out of that building because they want to make it as commercial building so I need to move to International City (ito yung lugar kung saan kami nakatira. Mura at disente yung mga bahay dito pero malayo sa kabihasnan). Because you know, I don’t want to live in Deira or Satwa or Bur Dubai, you know.Â
Sa puntong ito, gusto ko na talaga siya lingunin.
Yung Deira, Satwa at Bur Dubai ay mga area kung saan nagsisiksikan ang mga Pinoy. Literal na parang squatters yung iba dahil sobrang siksikan. Minsan halo-halo ang babae at lalake kahit bawal. Madalas talaga, over crowded.
Pero hindi naman natin masisisi yung mga kababayan natin kung dito sila nakatira. Minsan choice nila, minsan hindi. Â Una, accessible ang mga area na ito sa public transportation. Pangalawa, yung iba, talagang hindi kayang umupa ng disenteng tirahan. Papaano naman uupa ang isang tao ng disenteng kwartong nagkakahalaga ng 3000 dirhams kung 2200 dirhams lang ang sweldo niya. Marami din sa mga Pinoy ang shifting ang trabaho. May mga area na mura at disente pero malayo at wala nang bumibyaheng bus pag lampas ng hating gabi.
Minsan naman ninenegosyo ng ilang mga kababayan natin ang pagpapaupa. Nakakainis lang minsan dahil kahit yata banyo ay gusto nilang lagyan ng double deck. Minsan 20-30 katao ang nakatira sa 2 – 3 bedroom apartment. Alam kasi nila na maraming kakagat sa murang paupa dahil marami ang nagtitipid na kahit sardinas na halos ang set-up ay pinagtya-tyagaan.
Para kay Ate, hindi ko naman talaga alam ang tunay na intensyon mo o kung ano talaga ang nais mong iparating dun sa mga sinabi mo. Pasensya ka na din kung nadamay ka pa sa post ko kaso nagkataong ikaw ang nagtrigger sa akin na mag-amok ng ganito. Baka  din nag over react lang ako sa sinabi mo o baka mali lang ang pagkakaunawa ko.
Ganun pa man, sinulat ko ito hindi para awayin ka if ever mababasa mo ito. Nais ko lang iparating sa mga Pinoy na makakabasa nito (kung saka-sakali) na kung kayo ay may magaganda at disenteng trabaho at may kakayanan umupa ng magagandang bahay at bumili ng sasakyan dito sa Dubai o sa ibang parte pa ng UAE, sana naman wag niyong maliitin yung mga kababayan nating walang masyadong kakayahan.
Hindi lahat katulad niyo. At kahit pa may pagkakaiba tayo ng mga antas ng pamumuhay, alalahanin niyong pare-parehas pa rin tayong mga Pilipino na nangingibang bayan para kumayod.

It’s hard. But I continue.
-Marites
from Marites vs. The Superfriends
I’d love to hear from you!