Pinakamahirap na parte para sa mga OFW na nagbabakasyon sa Pinas ay yung araw na kailangan na naman nilang mag-impake ulit at lumipad papunta sa bansa kung saan sila nagtatrabaho. Yung alam nilang kapalit ng ilang linggo nilang kasiyahang kasama ang kanilang pamilya ay ilang taon na namang pangingibang bayan.

Pag may nakikita akong umiiyak sa airport habang nagpapaalam sa pamilya nila, sinasabi ko “ay mga baguhan pa ‘yan.”
Ang yabang ko porke’t di na ko umiiyak pag nagpapaalamanan na sa airport.
Pero kahit pala inugat na ako sa ibang bansa ay tinatablan pa rin ako ng lungkot. Tinablan ako nitong nakaraan lang.
Nalungkot ako nung nakita ko yung mukha ni ermats nung nagpaalam na ako eh. Nalungkot ako nung nakita kong nalungkot siya. Nalungkot ako nung mapansin kong malaki ang itinanda niya. Nalungkot ako kasi tumanda ako at tumanda siya na magkahiwalay kami. Nalungkot ako kasi iilang beses lang kaming nagkita sa loob ng siyam na taon at mas matagal ko pa nakakasama yung mga taong hindi ko naman kaano-ano kaysa sa sarili kong pamilya.

So ayun, nung sleep mode na ang lahat sa eroplano ay saka ko na pinatulo ang pailan-ilang luhang kaytagal kong pinigilan.
Di naman ako masyadong madrama eh. Kaso pag pinigilan ang pagluha eh sobrang bigat. Kaya dapat hayaan na lang ding umagos paminsan-minsan.

*Pinipilit kong wag na isipin eh para di na malungkot. Kaso tinablan pa rin. Tinatablan pa rin.
I’d love to hear from you!