Ako ang tunay na malaya pagkat nalilibot ko ang langit at ang lupa. Natatawid ko ang himpapawid paroo’t parito ako sa pisngi ng langit.
Kaya kong tawirin ang di maabot ng mga tulay, kaya kong abutin ang tuktok ng bundok, kaya kong libutin ang silong ng langit. Kapag ako’y umawit kayo’y makikinig, walang makapagsasabi kung tama ito o mali. Ako ang tunay na malaya. Hindi ba’t ang paglipad at pag-awit ang tunay na kalayaan?
Ikaw? Tunay ka bang malaya?
-o-
Ano pa’t kalayaan mo’y may hangganan, kapag pakpak mo’y nahapo sa kakapagaspas, kapag lalamunan mo, sa kaaawit ay nagasgas. Hindi ba’t ikaw ay magigingΒ isang bilanggo sa piitang sanga ng puno, hindi ba’t ikaw ay magiging pipi, paano ka pa pakikinggan? Kung ano ang sanhi ng iyong kalayaa’y siya rin ang bibilanggo sa iyo!
Hindi ba’t ako ang tunay na malaya, dahil kaya kong lumangoy mababaw o malalim man. Hindi matatakot na ako’y mahapo pagkat sa alon maari akongΒ makisabay. Gagawin ko lang ang siyang nais ng walang pipigil at walang magsasabi ng kung ano ang dapat at hindi. Ako ang tunay na malaya. Hindi ba’t ang paggawa ng lahat ng iyong nais ang tunay na kalayaan?
Ikaw? Tunay ka bang malaya?
-o-
Ano pa’t kalayaan mo’y may hangganan. Nakakulong ka sa tubig na iyong nilalanguyan. Nagpapadala sa along walang destinasyon at walang patutunguhan, paroo’t parito lang. Ano ang kalayaan mo kung isa ka lang pain sa makapangyarihang mundong iyong ginagalawan?
Hindi ba’t ako ang pinakamalaya dahil ako ang hari ng kagubatan? Kaya kong libutin ang aking kaharian at kaya kong takutin ang sino mang nilalang. Ako ang tunay na malaya. Kapag ako ang humiyaw lahat ay magbibigay daan. Lahat sa akin ay nahihintakutan, lahat sa akin ay naninilbihan. Hindi kalayaan ang lumibot lang, hindi kalayaan ang umawit lang. Hindi rin kalayaan ang pagwawalang bahala at pagpapaanod lang. Hindi kalayaan ang maging pain at sunud-sunuran sa alon ng kapanghyarihan. Ako ang tunay na malaya. Hindi ba’t ang kapangyarihan ang tunay na kalayaan?
Ikaw? Tunay ka bang malaya?
-o-
Ano pa’t kalayaan mo’y may hangganan? Hari ka lamang ng lahat ng iyong nakikita. Kaharian mo lamang lahat ng iyong natatanaw. Hindi ba’t ang kalayaan,Β ay hindi ang nakikita lamang?
Hindi ba’t ako ang tunay na malaya?Β Kaya ng aking isip na arukin ang kalaliman, kaya ng aking diwa na liparin ang kalangitan. Kaya ng aking puso na umibig nang walang hangganan. Ako ang tunay na malaya. Hindi ba’t ang karapatang mag-isip para sa sarili at umibig ng wagas ang siyang tunay na kalayaan?
Ikaw? Tunay ka bang malaya?
I’d love to hear from you!