“Cubao! Cubao!” ang sigaw ko sabay kampay ng kamay at tungo ng ulo ko para makumbinsi ang mga pasahero na sumakay.
“Lakasan mo kasi. Paano ka maririnig ang hina ng sigaw mo?”ย pasigaw naย sabi ng tatay ko.
“Cubao! Ale, tatlo pa ‘yan sa loob!” Pilit kong nilakasan pa ang matinis kong boses.
“Bakit ho ba kasi hindi si JunJun ang nagkokonduktor dito tay?” naiinis na tanong ko.
“Maraming sabit ang hindi nagbabayad kapag siya ang nakaupo diyan. Bakit ba? Ikaw ba ay nahihiya? Marangal ang ginagawa nati’t hindi ka nagnanakaw!” sabi ni tatay na kahit malakas na ang boses ay natatabunan pa din ng kalabog ng mga remix na tugtog sa malalaking speakers.
Nahihiya ako ย dahil babae ako at walang masyadong babaeng nagkokonduktor maliban na lang kung sila’y asawa nung drayber.
Paano pa’t nakikita ko ang ย mga kaklase ko nung hayskul na ย kolehiyo na rin atย nagsisibyahe papuntang Cubao para pumasok sa unibersidad. Madalang ko lang naman gawin ito sa loob ng isang linggo, kapag ako’y walang pasok pero natataon pa yata na kung kailan ako nagkokonduktor ay saka naman naglalabasan ang aking mga kakilala.
‘Hindi ba dapat ako ang nagsasaing at naglilinis sa bahay at si JunJun ang nandito’t bumibyahe?’ naiinis naย tanong ko sa sarili ko.
Habang ang aking mga kaibigang babae ay nasa bahay, nag-aaral, nanonood ng telebisyon, o nagluluto, ako’y pari-t parito sa Montalban at Cubao.
Habang ang kanilang mukha’y presko at namumuti sa pulbo, ang aki’y nangingintab sa mantika.
Habang ang kanilang ย mababangong panyong bulaklakin ay pinantatakip sa ilong para hindi makasinghot ng alikabok, ang bimpo kong nangingitim sa usok at alikabok ay nakasampay sa aking leeg na maya’t-maya’y pinampapahid sa pawis sa noo.
Habang binababad nila ang kanilang buhok sa coconut oil para ito’y kuminis, naninigas at nagkikinky lalo ang aking buhok na natutustaย sa init ng araw.
Habang sila’y nagsasara lang ng bintana ng bahay kapag biglang bumuhos ang ulan, ako’y nagbababa ng trapal para pasahero’y di mabasa.
Habang sila’y nangingilag sa mga lalakeng hindi kakilala, ako nama’y naninita “Hoy kuya, malapit na sa Cubao. Hindi ka pa nagbabayad! Yung mga natutulog ho diyan pakiabot na lang ang bayad!”
Habang kanilang pinahahaba at pinapakintab ang kanilang mga kuko, ang aki’y nangingitim sa maghapong pagkababad sa alikabok at paghawak ng barya.
Sa pagsapi’t ng gabi sila’y nangakaupo sa sala, mata’y nakatutok sa TV, electric fan ay nakatutok sa kanilang preskong pagmumukha, umiinom ng softdrinks matapos ang hapunan, ako nama’y pata sa maghapong biyahe, sa pagkababad sa init, pawis at alikabok, naghihintay na matapos hugasan ang dyip ng mga boy sa carwash bago pa makauwi at makapaghapunan, nagbibilang ng barya at papel na nakalagay sa kahoy na perahan.
Ngunit sa bawat kalansing ng baryang naririnig ay nagagalak ang aking puso at bahagyang nahuhupa ang pagod at naunang hiya. Bawat kalansing ay katumbas ng ulam at bigas para sa kinabukasan. Bawat kalansing ay katumbas ng matrikula at baon para sa aking kinabukasan.
Sa bawat ikot pa-Cubao at pabalik ay kapiling ko ang mga himig ni Gloc, ย Chito, Ely at Dong. Kaagapay ko ang kanilang mga liriko sa maghapong pagpaparoo’t-parito.
Minsang puno na ang dyip, dire-diretso ang aming takbo at tulog ang mga pasahero ay nakaramdam ako ng kakaibang lungkot habang naririnig ang awit ni Dong, sabay bahagyang hinahampas ng hangin ang aking mukhang nakadungaw sa bintana’t nakatanaw sa side mirror ng dyip. Patuloy ang laboy, walang iisipin, kailangang magsaya, kailangang magpahangin.
Sumagi sa isip ko ang mga tanong na, ‘bakit ganito ang takbo buhay ko? Hanggang dito na lang ba ako?ย Bakit ganito ang buhay natin? Bakit hindi lahat pare-pareho?’
“Cubao! Cubao!” sabi ng konduktor sa mga pasahero. “Cubao! Ale, tatlo pa ‘yan sa loob!” sigaw ng konduktor sabay kampay ng kamay at tungo ng kaniyang ulo. Ang kaniyang bimpo ay nakasampay sa leeg.
“Hoy miss kung saan ka man pupunta sumakay ka na!” ang sigaw ng konduktor sa akin sabay ngiti. Ilang taon ang nakalipas bago kami muling nagkita at bagama’t hindi na niya maalala ang aking pangalan, ako’y kaniyang namumukhaan.
Sumakay ako sa dyip at dun naupo ย sa may bandang likod ng upuan ng konduktor at nangamusta.
“Eto ganun pa rin,” sagot niya.
“Ikaw, sa’n ka ba pupunta? Cubao ba?” usisa niya.
“Hindi diyan lang ako sa may kabilang kanto,” sagot ko sa kaniya. Napangiti ako sa pamilyar na tugtog, sa pamilyar na senaryo, sa pamilyar na amoy ng usok ng tambutso, sa pamilyar na pakiramdam na ako lang ang makakaalam.
Sinilip niya ako sa rear view mirror at bagaman mata niya lang ang nakita ko at nakatakip ang kaniyang bimpo sa ilong at bibig ay naaninag kong siya ay nakangiti.
“Long time no see ah. Ang layo na ata ng narating mo.”
I’d love to hear from you!